Tanong
Paano ba tayo dapat mamuhay ayon sa liwanag ng ating pagkakakilanlan kay Cristo?
Sagot
Ang ating pagkakakilanlan kay Cristo ay una at pangunahin sa pagiging bago. Nangangahulugan ito na tayo ay bago nang nilalang kay Cristo (2 Corinto 5:17). Ang pagkakakilanlan ay inilalarawan bilang "kabuuan o sama-samang aspeto ng mga katangian kung saan ang isang bagay ay tiyak na mapapansin o makikilala," kaya't ang bago nating pagkakakilanlan kay Cristo ay kinakailangang kapansin-pansin sa ating sarili at para sa iba. Ibig sabihin, kailangan ay halata o malinaw na tayo ay na kay Cristo kung paanong halata rin ang isang taong makasanlibutan. Ang isa pang kahulugan ng pagkakakilanlan ay ang "pagkakatulad ng uri o katayuan ng isang bagay sa isa pang bagay. Ibig sabihin, kapag pinag usapan ang ating pagkakakilanlan kay Cristo ay inaasahang katulad rin ng kanyang buhay ang makikita sa ating pamumuhay. Kaya nga ang literal na kahulugan ng "Kristiyano" ay "tagasunod ni Cristo."
Kaugnay nito, sa bago nating pagkakakilanlan kay Cristo ay hindi na tayo alipin ng kasalanan (Roma 6;6), kundi tayo ngayon ay kasundo na ng Diyos (Roma 5:10). Lubos na binabago ng bagong pagkakakilanlan na ito ang ating kaugnayan sa Diyos at ang ating mga pamilya, kung paanong binabago rin nito ang ating pagtingin sa sanlibutan. Ang bagong pagkakakilanlan nating ito kay Cristo ay nangangahulugan din na tayo ay mayroong kaugnayan sa Diyos katulad ng kaugnayan ni Cristo sa Kanya-tayo ay kanyang mga anak. inampon tayo ng Diyos at itinuring bilang mga anak. kaya't maari na natin siyang tawaging "Abba! Father!" (Roma 8:15-16). Tayo rin ay ginawang kapwa tagapagmana (Galacia 3:29) at kaibigan (Juan 15:15) ni Cristo. Higit na matibay ang kaugnayan nating ito kaysa kaugnayang mayroon tayo sa ating mga pamilya (Mateo 10:35-37). Sa halip na katakutan natin ang Diyos bilang hukom, tayo ngayon ay mayroon nang dakilang pribilehiyo upang makalapit sa kanya bilang ating Ama. Makalalapit na tayo sa kanya na mayroong lakas ng loob at maaari na nating hilingin anuman ang ating mga pangangailangan (Hebreo 4:16). Maaari tayong humingi ng gabay at karunungan (Santiago 1:5) at nalalaman din natin na walang makakaagaw sa atin mula sa Kanya (Roma 8:38-39). Panatag tayo sa kanyang awtoridad at tinutugon natin siya nang may pagtitiwala at pagsunod, sapagkat alam natin na ang pagsunod ay mahalagang bahagi ng pananatili natin sa Kanya (Juan 14:23).
Sinasaklaw ng pamilya ng Diyos ang malaking katawan o kalipunan ng mga mananampalataya na sama-samang nagsisikap lumago upang lalong mapalapit sa Diyos (1 Corinto 12:13). Ito ay isang pamilyang matatag dahil sa mga espirituwal na kaloob ng bawat indibidwal na kaanib nito (Roma 12:6-8). Kaugnay niyan, hinahangad din ng bawat kaanib ng bagong pamilyang ito ang pinakamabuti para sa bawat isa (1 Corinto 10:24), pinalalakas ang bawat isa (Galacia 6:1-2), at pinapatawad ang bawat isa (Mateo 18:21-22). Kaugnay nito, ang bawat kaanib ay mayroong espisipiko o kanya-kanyang tungkulin ngunit bawat tungkulin ay ginagampanan nang may paggalang at kagandahang-loob (1 Pedro 5:1-5). Higit sa lahat, tinutugon natin ang bawat isa ayon sa pag-ibig-hindi batay sa nararamdaman kundi sa pamamagitan ng hindi makasarili at may kamalayang pagsasakripisyo na sumasalamin sa agape na uri ng pag-ibig ng Diyos na umibig at nag alay ng kanyang buhay para sa atin (Galacia 2;20).
Tayo ay hindi na mamamayan ng mundo sapagkat tayo ay ibinukod na mula rito (2 Corinto 6:14-7:1). Dahil diyan ay nauunawaan natin na tayo ay bahagi na ng makalangit, at kahariang pinaghaharian Diyos. Hindi na tayo naaakit ng mga bagay sa mundong ito (Colosas 3:2). Hindi na tayo natatakot at hindi na natin pinagtutuunan ng labis na pansin ang mga pagdurusa at pagsubok na ating kinakaharap (Colosas 1:24; 1 Pedro 3:14; 4:12-14), maging ang mga bagay na pinahahalagahan ng mundo ay wala nang halaga sa atin (1 Timoteo 6:9-11). Kahit ang ating mga katawan at ang ating mga kilos ay nagpapakita na ang ating mga pag iisip ay hindi na sumasang ayon sa mundo (Roma 12:1-2) kundi instrumento na ito ngayon ng katuwiran para sa Diyos (Roma 6:13). At sa ating bagong kaisipan o pananaw ng kaharian ay nauunawaan natin na hindi ang mga taong nakapaligid sa atin ang ating kaaway kundi ang mga kapangyarihang espirituwal na buong pagsisikap na gumagawa ng paraan upang ilayo ang mga tao sa pagkakilala sa Diyos (Efeso 6:12).
Kaya nga, ang lahat nang ito ang nararapat o mithiin-na katangian ng isang malagong tagasunod ni Cristo. Sapagkat isa sa pinakadakilang biyaya tungkol sa ating pagkakakilanlan kay Cristo ay ang kagandahang loob na ibinigay sa atin upang tayo ay lumago sa espiritu na siyang tunay na naglalarawan ng ating bagong pagkakakilanlan (Filipos 1:6). Ang ating buhay sa liwanag ng ating pagkakakilanlan kay Cristo ay pinupunan ng isang makalangit na Ama, isang malaki, mapagmahal na pamilya at nagkakaroon tayo ng pagkaunawa na tayo ay mga mamamayan ng ibang kaharian at hindi ng sanlibutang ito.
English
Paano ba tayo dapat mamuhay ayon sa liwanag ng ating pagkakakilanlan kay Cristo?