Tanong
Paano makakamit ang isang tunay at biblikal na pagkakaisa sa iglesya?
Sagot
Binibigyang diin sa Bibliya ang kahalagahan ng “pagkakaisa” at “pagiging isa.” Ang pagkakaisa ay “mabuti” at “kaaya-aya” (Awit 133:1). Ang pagkakaisa ay ganap na mahalaga dahil ang iglesya ay ang “katawan ni Cristo” (1 Corinto 12:27), at ang isang katawan ay hindi maaaring mahiwalay at hindi makasundo ang sarili. Kung mangyayari ang hindi pagkakaisa, sa esensya, ang katawan ay tumitigil bilang isang katawan at nagiging isang magkakahiwalay na grupo ng mga indibidwal. Ang plano ni Jesus para sa Kanyang iglesya ay maging isa ang mga tao sa pananampalataya.
Ang sikreto sa pagkakaisa ay naguumpisa sa kung paano natin tinitingnan ang ating mga sarili sa loob ng katawan at kung paano natin tinitingnan ang iba. Ang susing talata na tumatalakay dito ay ang Filipos 2:3: “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili.” Ang hindi pagkakaisa ay laging nagaganap kung tayo ay nagiging makasarili at ipinagpapalagay na mas magaling kaysa sa iba. Ipinagpatuloy ni Pablo ang pagpapaliwanag sa mga sumunod na talata: “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.” Nakakalungkot na ang mga iglesya na nakakaranas ng pagkakawatak-watak at may mga alitan at kaguluhan at puno ng mga taong ang iniisp lamang ay ang kanilang pansariling kapakanan, pansariling pagnanasa at ambisyon. Ang ganitong paguugali ay katangian ng mga hindi mananampalataya, hindi ng mga taong nagtataglay ng isipan ni Cristo. Ang kamunduhan, hindi ang kabanalan ang tatak ng isang hindi nagkakaisang iglesya gaya ng ipinaalala ni Pablo sa mga taga Corinto: “sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman?” (1 Corinto 3:3).
Sinasabi sa atin ni Pablo na dapat nating isipin ang kapakanan ng iba bago ang sa ating sarili. Sa kaamuan at pagpapakumbaba, dapat tayong “maging mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa” (Efeso 4:2). Ang isang iglesyang puno ng ganitong uri ng mga tao ay tiyak na magkakaroon ng kapayapaan, pagkakaisa, at pagkakasundo. Ang tunay na mapagpakumbaba ay nakikita ang kanyang sariling mga kamalian sa liwanag ng kabanalan ni Cristo; hindi niya ninanais na makita ang mga pagkakamali ng iba pero kung ginagawa niya ito, sinasabi niya ang katotohanan sa diwa ng pag-ibig at ninanais ang kanilang pagpapaging banal upang maging kagaya sila ni Cristo. Nakikita niya ang kanyang sariling puso at ang kasamaan na nakatago doon, maging ang kanyang makasariling motibo at masamang mga ambisyon. Pero hindi siya nagnanais na pansinin ang mga pagkakamali, depekto, at kahangalan ng iba. Nakikita niya ang ganap na kasamaan ng kanyang puso at umaasa siya sa kabutihan ng iba at naniniwala na mas mabuti ang kanilang kalooban kaysa sa kanya.
Higit na mahalaga, bilang mga Kristiyano, dapat nating tingnan ang ating mga sarili sa liwanag ng krus ni Cristo. Ang mga kapwa natin mananampalataya ay ang mga taong pinag-alayan ng kalunos-lunos na kamatayan ni Cristo, upang palitan Niya ang kanilang mga kasalanan ng Kanyang perpektong kabanalan (2 Corinto 5:21). Paano natin maipapadama sa kanila ang pag-ibig, kahabagan, at biyaya ng ating Ama sa langit? Paano natin lalaitin, pupunahin, at hihiyain ang mga tinakpan ng mahal na dugo ni Cristo? Hindi ba’t tayo’y mga alipin ng kasalanan bago Niya tayo tawagin? Mga ligaw na walang pag-asa, at patay sa ating mga kasalanan at pagsuway (Efeso 2:1)? Ngunit tayo ngayon ay mga alipin na ni Cristo, mga alipin ng katuwiran, at bilang mga alipin ng ating Panginoon, ang ating gawain ay hindi makipagaway at ipagpilitang sundin ang ating mga nais kundi ang masalamin sa atin ang Kanyang biyaya at pag-ibig ng mga taong Kanya ring inibig dahil sa Kanyang habag. Ang isang iglesyang puno ng ganitong mga tao na nasisiyahan sa kanilang kaligtasan ay magiging isang tunay at biblikal na iglesya na nagkakaisa at masigasig na ipinapakipaglaban “ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal” (Judas 1:3).
English
Paano makakamit ang isang tunay at biblikal na pagkakaisa sa iglesya?