Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang Kristiyano at isang alagad?
Sagot
May pagkakahalintulad sa dalawang salitang “alagad” at “Kristiyano” ngunit hindi sila magkasingkahulugan.
Ang salitang Griyego para sa salitang “alagad” sa Bagong Tipan ay mathetes, na ang ibig sabihin ay hindi lamang isang “magaaral” o “estudyante.” Ang isang alagad ay isa ring “tagasunod,” isang tao na nakatalaga ang buong buhay sa katuruan ng isang tao at ginagawang pamantayan sa buhay at paguugali ang mga katuruang iyon. Ipinagmalaki ng mga Pariseo ang kanilang sarili sa pagiging alagad o tagasunod ni Moises (Juan 9:28). Tinawag na mga “alagad” ang mga tagasunod ni Hesus matagal pa bago sila tawaging mga “Kristiyano.” Nagsimula ang kanilang pagiging alagad sa pagtawag sa kanila ni Hesus at kinailangang sanayin nila ang kanilang sarili sa pagsunod sa Kanya (Mateo 9:9).
Direkta ang pagtuturo ni Hesus tungkol sa mga kapalit ng pagsunod sa Kanya. Kinakailangan sa isang alagad ang kumpletong pagtatalaga ng buhay: “Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay” (Lukas 14:33). Inaasahan sa isang alagad ang pagpapakasakit: “Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin’” (Mateo 16:24).
Hindi lahat ng mga tagasunod ni Hesus ay kayang gawin ang ganitong uri ng pagtatalaga. Iniwan si Hesus ng marami Niyang tagasunod paglipas ng ilang panahon. “Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya” (Juan 6:66).
Ginamit ni Hesus ang salitang “alagad” ngunit hindi ang salitang “Kristiyano.” Ang unang pagkakataon kung saan ginamit ang salitang Kristiyano ay sa aklat ng mga Gawa: “…at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus” (Gawa 11:26). Nakararaming mga iskolar ng Bibliya ang sumasang-ayon na hindi ang mga Kristiyano ang tumawag sa kanilang sarili na sila ay mga “Kristiyano.” may ibang tawag ang unang iglesya para sa kanilang sarili gaya ng “mga alagad,” (Gawa 13:52; 20:1; 21:4) at “mga banal” (Roma 1:7; 1 Corinto 16:1; Efeso 1:1) at “mga kapatid” (1 Corinto 1:9; 1 Pedro 3:8).
Mapupuna na ang salitang “Kristiyano” na ang kahulugan ay “pagiging kay Kristo,” ay inimbento ng mga taong hindi kabilang sa iglesya. Maaaring ito ay ginamit ng may halong panlalait sa mga mananampalataya. May dalawang beses lamang bukod sa Gawa 11:26 na ginamit ang salitang Kristiyano sa Bagong Tipan (Gawa 26:28; 1 Pedro 4:16). Ang ideya na ginamit bilang isang masamang taguri para sa mananampalataya ang salitang Kristiyano ay sinusuportahan ng 1 Pedro 4:16: “Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.”
Kung Bibliya ang sasangguniin, ang isang Kristiyano ay isang alagad ni Kristo. Ang isang Kristiyano ay isang tao na naglagak ng kanyang pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo (Juan 1:12). Ang isang Kristiyano ay isinilang na muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Juan 3:3). Ang isang Kristiyano ay “kay Kristo” at binabago ng Diyos araw araw upang maging kagaya ni Kristo (2 Corinto 3:18).
Ang isang tunay na Kristiyano (hindi sa pangalan lamang) ay kailangang maging isang alagad din ni Kristo. Kailangan Niyang tayahin ang halaga ng pagiging alagad ni Kristo at italaga ang Kanyang buong buhay sa pagsunod kay Hesu Kristo. Tinatanggap Niya ang tawag ni Kristo sa pagpapakasakit at sumusunod sa Kanya saan man Niya gustuhin. Ang Kristiyanong alagad ay sumasang-ayon sa mga katuruan ni Kristo at si Hesus ang Kanyang inuuna sa lahat ng mga bagay, at namumuhay siya ng ayon sa Kanyang mga utos. Aktibo siyang nakikilahok sa paggawa ng mga alagad (Mateo 28:19–20).
Ang isang tunay na Kristiyanong alagad ay sumasampalataya kay Kristo at nagtataglay ng bagong buhay sa pamamagitan ng nananahang Espiritu Santo. Dahil iniibig niya si Kristo, ang isang Kristiyano ay magiging isang masunuring alagad (Juan 14:15). Inilarawan ni Pablo ang katangian ng pagiging isang Krstiyanong alagad: “Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin” (Galacia 2:20).
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang Kristiyano at isang alagad?