Tanong
Kasalanan ba ang pagkahumaling sa parehong kasarian?
Sagot
Sa Mateo 5:27-28, itnumbas ni Jesus ang pagnanasa sa pangangalunya. Ito ay nagtatatag ng isang prinsipyo sa Bibliya: kung kasalanan ang paggawa ng isang bagay, kasalanan din ang pagnanais na gawin iyon. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang homosekswalidad ay isang kasalanan (Levitico 18:22; 20:13; Roma 1:26-27; 1 Corinto 6:9). Samakatuwid, kasalanan din ang pagnanais na gumawa ng mga gawaing homosekswal. Nangangahulugan ba na ang pagkahumaling sa parehong kasarian ay isang kasalanan? Upang masagot ito, kailangan nating makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng aktibong kasalanan at ang hindi aktibong kundisyon ng matukso.
Hindi kasalanan ang matukso. Si Jesus ay tinukso, ngunit hindi Siya nagkasala (Mateo 4:1; Hebreo 4:15). Tinukso si Eba sa hardin, at tiyak na nakita niyang kaakit-akit ang ipinagbabawal na prutas, ngunit hindi talaga siya nagkasala hanggang sa kunin na niya ang prutas at kainin iyon (Genesis 3:6-7). Ang pakikibaka sa tukso ay maaaring humantong sa kasalanan, ngunit ang pakikibaka ay hindi mismong kasalanan.
Ang heterosekswal na pagnanasa ay isang kasalanan (Mateo 5:27-28), ngunit ang heterosekswal na atraksyon ay hindi kasalanan. Ang atraksyon ng isang lalaki sa babae ganoon din ang babae sa lalaki ay normal at natural. Hindi ito masama. Nagiging kasalanan lamang kung ang atraksyong iyon ay nagiging pagnanasa. Sa sandaling lumawak ang pagkahumaling sa pagnanais na gumawa ng isang bagay na sekswal na imoral, ito ay naging kasalanan sa puso.
Iba ang homosekswalidad. Ito ay gawain na ipinagbabawal ng Bibliya sa anumang konteksto. Ngunit ang paghinto nito bago mangyari, ang atraksyon ba sa parehong kasarian ay kasalanan? Sa malawak na pananalita, anumang pagnanais sa isang bagay na ipinagbawal ng Diyos ay bunga ng kasalanan sa ganitong paraan: ang kasalanan ay nakaaapekto sa mundo dahil ang mga naturang likas na masama ay nagiging mukhang mabuti para sa atin. Tayo ay nahawahan ng kasalanan at ang kasalanan ay nagtutulak sa atin para magkaroon ng mga baluktot at likong pag-iisip, pagnanasa, at mga kalokohan. Tayo ay likas na makasalanan (Roma 5:12). Ang damdamin at pagkahumaling sa parehong kasarian ay hindi palaging aktibo, sinasadyang kasalanan, ngunit ito ay nag-ugat pa rin sa makasalanang kalikasan. Ang pagkahumaling sa parehong kasarian sa ibang antas ay pagpapahayag ng kalikasan ng kasalanan.
Ang Pastor at Teologo na si John Piper ay may ilang makahulugang salita patungkol sa atraksyon sa parehong kasarian: "Tama na sabihin na ang pagnanasa sa parehong kasarian ay kasalanan, na sila ay nalilinlang ng kasalanan at umiiral na salungat sa kalooban ng Diyos. Ngunit ang maging sanhi ng kasalanan at ugat ng kasalanan ay hindi nangangahulugang kapantay ng pagkakasala. Ang pagkakasala ay nangyayari kapag ang paghihimagsik laban sa Diyos ay ipinahayag sa pamamagitan ng ating mga nararamdaman” (mula sa sermon na "Let Marriage Be Held in Honor," Hunyo 16, 2012).
Ang isang lumilipas na sandali ng pagkahumaling sa parehong kasarian kahit na ito ay paulit-ulit na madalas ay mas mahusay na ikategorya bilang isang tukso at hindi bilang isang kasalanan. Kung ang panandaliang sandaling iyon ay pinahihintulutan na maging isang bagay na higit pa—ang dumaraan na tukso ay nagkakaroon ng isang mahalay na hangarin—kung gayon ito ay naging isang kasalanan. Sa anong punto nagiging kasalanan ng puso ang tukso? Upang itanong ito sa ibang paraan, hanggang kailan natin kikimkimin ang isang tukso bago ito mauwi sa isang maling kaisipan? Imposibleng matukoy ang sagot. Alam natin ito: dapat tayong lahat ay magbago sa pamamagitan ng pagbabago ng ating pag-isip (Roma 12:2) at “bihagin ang bawat pag-iisip upang maging masunurin kay Kristo” (2 Corinto 10:5).
Dahil sa likas na kasalanang taglay ng sangkatauhan, ang pagkahumaling sa magkaparehong kasarian ay maaaring maging "natural" sa ilan ngunit walang katotohanan na sabihin na ang kasalanang ito ay "natural" at dapat na yakapin. Tama ba para sa isang taong may galit na magbunton ng galit sa iba? Tama bang magnakaw ang kleptomaniac? Tama ba para sa isang asawang lalaki na mangalunya dahil lamang sa kaniyang likas na pagkahilig? Siyempre hindi. Maaaring hindi palaging makontrol ng mga tao kung paano o ano ang kanilang mararamdaman, ngunit maaari nilang kontrolin kung ano ang kanilang ginagawa sa mga damdaming iyon (1 Pedro 1:5-8). At lahat tayo ay may responsibilidad na labanan ang tukso (Efeso 6:13).
Ang mga anak ng Diyos ay dapat mag-isip at kumilos ng iba kaysa sa mundo. Marami sa mundo ang tumatanggap ng pagkahumaling sa parehong kasarian at homosekswalidad bilang pamantayan sa lipunan ngunit ang mga pamantayan ng isang Kristiyano sa buhay ay dapat na magmula sa Bibliya hindi sa tradisyonal na karunungan (2 Timoteo 3:16-17). Nabubuhay tayo sa mundo kaya nakakaranas tayo ng mga tukso araw-araw. Tayo ay nahulog, likas na makasalanan, kaya't tayo ay nakikibaka laban sa masasamang pagnanasa. Ang ilang Kristiyano ay nakikibaka laban sa tuksong kumilos ayon sa pagkahumaling sa parehong kasarian. Ang magandang balita ay posible ang tagumpay. "Sapagkat napagtagumpayan na ng anak ng Diyos ang sanlibutan, at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya" (1 Juan 5:4).
English
Kasalanan ba ang pagkahumaling sa parehong kasarian?