Tanong
Paano ako magkakaroon ng pagiisip ni Kristo?
Sagot
Inulit ni Pablo sa 1 Corinto 2:16, ang Isaias 40:13 at pagkatapos ay ibinigay ang isang pahayag patungkol sa lahat ng mananampalataya: "Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo." Nangangahulugan ang pagkakaroon ng pagiisp ni Kristo ng pakikibahagi sa plano, layunin at pananaw ni Kristo, at ito ay isang bagay na taglay ng lahat na mananampalataya.
Ang pagkakaroon ng pagiisip ni Kristo ay nangangahulugan na nauunawaan natin ang plano ng Diyos sa mundo — ang bigyang karangalan ang Kanyang sarili, ibalik sa dating napakagandang kalagayan ang sangnilikha, at magkaloob ng kaligtasan sa mga makasalanan. Nangangahulugan ito na nakikiisa tayo sa layunin ni Kristo na "hanapin at iligtas ang mga naliligaw" (Lukas 19:10). Nangangahulugan ito na nakikibahagi tayo sa kapakumbabaan at pagsunod ni Kristo (Filipos 2:5-8), sa Kanyang kahabagan (Mateo 9:36), at mapanalangining pagtitiwala sa Diyos (Lukas 5:16).
Sa mga talata bago ang 1 Corinto 2:16, makikita natin ang mga katotohanan patungkol sa pagiisip ni Kristo:
1) Ang pagiisip ni Kristo ay tahasang kasalungat ng karunungan ng tao (vs. 5-6).
2) Ang pagiisip ni Kristo ay kinapapalooban ng karunungang mula sa Diyos, na dating nakatago ngunit ngayon ay nahayag (vs. 7).
3) Ang pagiisip ni Kristo ay ibinigay sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Diyos (vs. 10-12).
4) Ang pagiisip ni Kristo ay hindi kayang maunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu ng Diyos (vs. 14).
5) Ang pagiisip ni Kristo ay nagbibigay sa mga mananampalataya ng kakayahang kumilala sa mga bagay na espiritwal (vs. 15).
Upang magkaroon ng pagiisip ni Kristo, dapat na magkaroon muna ang isang tao ng nagliligtas na pananampalataya kay Kristo (Juan 1:12; 1 Juan 5:12). Pagkatapos na maranasan ng isang tao ang kaligtasan, namumuhay siya sa ilalim ng impluwensya ng Diyos. Nananahan ang Banal na Espiritu sa kanya at binibigyan siya ng pangunawa at ipinagkaloob sa kanya ang karunungan — ang pagiisip ni Kristo. May responsibilidad ang mananampalataya na sumunod sa pangunguna ng Banal na Espiritu (Efeso 4:30) at hayaan ang Espiritu na baguhin ang kanyang pagiisip (Roma 12:1-2).
English
Paano ako magkakaroon ng pagiisip ni Kristo?