Tanong
Paano ko makakamtan ang pagiingat ng Diyos?
Sagot
Dahil sa kasalanan ng tao at sa sumunod na sumpa na lumason sa kabanalan ng sangnilikha ng Diyos, ang mundo ay naging isang mapanganib na lugar. Araw araw, nakakaranas tayo ng mga natural na kalamidad, krimen, karamdaman at marami pang iba. Normal na humahanap tayo ng proteksyon mula sa mga sakit at kabiguan sa buhay. Ipinangako ba sa atin ng Diyos ang Kanyang pagiingat matapos na makabahagi tayo sa Kanyang walang hanggang pamilya?
Maraming mga talata sa Salita ng Diyos ang tila naglalaman ng mga pangako ng Diyos para sa pisikal na pagiingat. Halimbawa, sinasabi sa Awit 121:3, “Hindi niya titiising ang paa mo'y makilos: siyang nagiingat sa iyo, ay hindi iidlip.” Idineklara ng Mangaawit sa ikapitong talata, “Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan; kaniyang iingatan ang iyong kaluluwa.” Habang pumapaso ang bansang Israel sa Lupang Panagko, ipinangako sa kanila ng Diyos na hindi Niya sila iiwan ni pababayaan man (Deuteronomio 31:6).
Sa unang tingin, tila ipinangako ng Diyos na iingatan Niya ang Kanyang mga anak mula sa kapahamakan. Ngunit kung totoo ito, bakit maraming Kristiyano sa buong mundo ang dumadaan sa paguusig, karamdaman, pagkawala ng mga mahal sa buhay o ng mga ari-arian, sakuna at mga kapinsalaan? May mga kakilala rin tayong Kristiyano na “nadulas ang paa.” Sumisira ba ang Diyos sa Kanyang pangako o mayroon tayong hindi nauunawaan?
Una sa lahat, dapat nating unawain ang mga pangako sa Lumang Tipan ng pisikal na pagiingat ay sa konteksto ng Tipan ng Diyos kay Moises. Habang sumusunod ang mga Israelita sa tipang ito, ipinangako ng Diyos ang iba’t ibang materyal at pisikal na pagpapala - sa kanilang mga pananim, mga anak at iba pa. (Deuteronomio 28). Ang Lumang Tipan ay patungkol sa mga makalupang pagpapala at ang proteksyon sa pisikal ay isa sa mga ito. Ito ang basehan ng panalangin ni Ezekias ng dapuan siya ng isang malubhang sakit (2 Hari 20:1–6). Sa buong Lumang Tipan, nakikita natin ang pagiingat ng Diyos sa Kanyang bayan upang isakatuparan ang Kanyang mga plano sa hinaharap (halimbawa: Exodo 1:22—2:10; 1 Hari 17:1–6; Jonas 1).
Mahalagang maunawaan na nasa ilalim na tayo ng Bagong Tipan, hindi ng Lumang Tipan. Hindi ipinangako ng Diyos sa Bagong Tipan na iingatan Niya ang mga mananampalataya sa kapahamakang pisikal. Tiyak na may mga pagkakataon na buong habag Niya tayong iniingatan sa mga sitwasyon na magtatamo sana tayo ng pinsala sa katawan o mahaharap sa tiyak na kamatayan. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagkaligtas nina Pablo sa paglubog ng barko sa Gawa 27 at ang hindi pagtalab ng kamandag ng ahas ng kagatin nito si Pablo sa Gawa 28. Gayunman, sa kasalukuyan, laging ang pangako ng pagiingat ng Diyos ay tumutukoy sa espiritwal na proteksyon.
Nang sumamapalataya tayo kay Hesu Kristo para sa ating kaligtasan, agad na nanahan sa atin ang Banal na Espiritu at nanguna Siya sa ating mga buhay. Tinatakan tayo para sa walang hanggan at ipinailalim sa espiritwal na proteksyon mula ng sandaling iyon. Nangangahulugan ito na kahit na anong pagkakasala ang ating magawa sa hinaharap maging ang anumang gawa ni Satanas ay hindi na makakaapekto sa kaligtasan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos (2 Timoteo 1:12). Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8:38–39). Bilang karagdagan, binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan mula sa paghahari ng kasalanan - hindi na tayo maaalipin pa ng makasalanang pagiisip, masamang pagnanasa at masasamang gawa, sa halip isinilang na tayo sa isang bagong buhay ng kabanalan (Roma 6:22).
Sa ating buong buhay, magpapatuloy ang Panginoon sa “pagiingat sa ating mga puso at isip kay Kristo Hesus” (Filipos 4:7), at Siya ang magbibigay sa atin ng lakas, kapayapaan, at katiyagaan na ating kinakailangan upang malampasan ang anumang tukso at pagsubok. Ang Kanyang Banal na Espiritu ang magbibigay sa atin ng mga espiritwal na bunga na magpapalakas sa ating paglakad bilang mga Kristiyano (Galacia 5:22–23), at Siya ang magkakaloob sa atin ng mga makapangyarihang kasangkapan na ating magagamit upang mapagtagumpayan ang mga espiritwal na pagatake ng ating kaaway (Efeso 6:10–18).
Walang masama sa paghingi sa Diyos ng pisikal na proteksyon hangga’t nauunawaan natin na hindi Niya laging ipagkakaloob iyon sa atin sa lahat ng oras. Alam Niya na mapapalakas tayo ng mga pagsubok na ating nararanasan at sa bawat pagsubok sa ating pisikal. Nakatitiyak tayo ng Kanyang espiritwal na proteksyon. Kaya nga, sa halip na humingi ng kumpletong pisikal na proteksyon mula sa Diyos, sumang-ayon tayo sa sinabi ni Santiago, “Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso; Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis” (Santiago 1:2–3). English
Paano ko makakamtan ang pagiingat ng Diyos?