Tanong
Paano ako magiging kagaya ni Kristo?
Sagot
Ang maging kagaya ni Kristo ang ninanais ng bawat tunay na mananampalataya at nagbibigay sa atin ng kalakasan ang kaalaman na ito rin ang ninanais ng Diyos para sa atin. Sa katotohanan, sinasabi ng Bibliya na itinalaga Niya tayo (mga hinirang) na maging tulad ng kanyang Anak (Roma 8:29). Ang pagpapaging tulad sa atin sa Kanyang Anak ay gawain ng Diyos at gaganapin Niya ito sa ating buhay hanggang sa huli (Filipos 1:6).
Gayunman, ang katotohanan na kalooban ng Diyos na baguhin tayo upang maging tulad ng Kanyang Anak ay hindi nangangahulugan na maaari na tayong maupo at dalhin sa langit na nasa isang basket ng rosas. Kinakailangan sa proseso ng pagpapaging banal ang ating pakikiisa sa gawain ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Ang pagiging kagaya ni Kristo ay nangangailangan pareho ng kapangyarihan ng Diyos at ng ating responsibilidad na sumunod sa Kanyang mga utos.
May tatlong instrumento upang maging kagaya tayo ni Kristo: ang ating pagsuko sa Diyos, ang ating kalayaan mula sa kasalanan at ang ating paglagong espiritwal.
1) Ang pagiging gaya ni Kristo ay resulta ng pagsuko natin sa Diyos. Sinasabi sa Roma 12:1-2 na ang pagsamba ay kinapapalooban ng buong paghahandog ng sarili sa Diyos. Kusa nating isinusuko ang ating katawan bilang mga “handog na buhay” sa Kanya habang ang ating isip ay binabago ng Diyos.
Ng sabihin ni Hesus, “Sumunod ka sa Akin,” agad na iniwan ni Levi ang kanyang mesa ng salapi (Markos 2:14). Kaya nga, kusa nating isinusuko ang lahat sa ating buhay alang-alang sa pagsunod natin sa Panginoon. Gaya ng sinabi ni Juan Bautista, “Kinakailangang siya ay maging dakila, at ako nama'y mababa” (Juan 3:30), kaya pinagtutuunan natin ng higit na pansin si Hesus at ang Kanyang kaluwalhatian at ipinapasakop ang ating sarili sa Kanyang kalooban.
2) Ang pagiging kagaya ni Kristo ay resulta ng ating paglaya mula sa kasalanan. Dahil nabuhay si Hesus sa kabanalan, dapat nating ituring ang ating sarili na mga “patay na sa kasalanan” (Roma 6:11) at mamuhay sa kabanalan upang maging kagaya ni Kristo. Habang inihahandog natin ang ating sarili sa Diyos, hindi natin sinusunod ang kasalanan at dahil dito, mas lalo tayong nagiging katulad ni Hesu Kristo (Roma 6:1-14).
Inaanyayahan tayo ni Hesus na sumunod sa Kanya at binigyan Niya tayo ng halimbawa ng pagsunod (Juan 15:10). Mayroon Siyang walang kundisyong pag-ibig (Juan 15:12-13), at nagtitiyaga sa pagdurusa (1 Pedro 2:19-23). Binigyan din tayo ng halimbawa ng mga apostol ng kanilang pagsunod kay Kristo (1 Corinto 11:1).
Pagdating sa paglaban sa mga kasalanan sa ating buhay, mayroon tayong tulong mula sa Diyos: Purihin ang Panginoon dahil sa Kanyang Salita, ang Bibliya (Awit 119:11). Sa pamamagitan nito, nalalaman natin ang kalooban ng Panginoong Hesu Kristo para sa atin (Roma 8:34; Hebreo 7:25), at sa pamamagitan din ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin! (Roma 8:4; Galacia 5:16).
3) Ang pagiging kagaya ni Kristo ay resulta ng paglagong espiritwal. Noong una tayong maligtas, hindi pa tayo malalim sa ating pangunawa at wala pang karanasan sa biyaya at pag-ibig ng Diyos. Ngunit pinalalago ng Diyos ang ating pananampalataya. Sa lahat ng mga bagay na ito, inuutusan tayo na maging mas matibay at mas maging kagaya ni Kristo. “Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, magpatuloy kayo sa paglago sa kabutihan at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo” (2 Pedro 3:18). “Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo” (1 Tesalonica 3:12).
Sa mga sandaling ito, gumagawa ang Diyos sa atin: “At ang kaningningang iyon na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang bumabago sa ating anyo upang maging lalong maningning, hanggang sa maging mistulang larawan niya” (2 Corinto 3:18). Gayunman, isang araw, makukumpleto ang prosesong ito ng pagiging kagaya ni Kristo: “Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan” (1 Juan 3:2). Ang pangako ng pagiging kagaya ni Kristo sa kapuspusan nito sa hinaharap ang gumaganyak sa atin na maging kagaya ni Kristo ngayon: “Kaya't ang sinumang may pag-asa sa kanya ay nagpapakalinis, tulad ni Cristo---siya'y malinis” (1 Juan 3:3).
English
Paano ako magiging kagaya ni Kristo?