settings icon
share icon
Tanong

Mali ba ang paghiling ng isang bagay?

Sagot


Ang paghiling ay bahagi ng pagiging tao sapagkat nilalang ng Diyos ang tao na mayroong emosyon at pagnanasa. Kapag tayo ay humihiling, kinikilala natin na may mga bagay tayong nais makamit ngunit ito ay hindi saklaw ng ating kontrol. Sa Pahayag 3:15 ay may sinabi si Jesus na ganito: "Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit!" Binigyan ng Diyos ng malayang pagpapasya ang tao at dahil sa bagay na iyan ay makikita natin na pinahintulutan din niya na magkaroon tayo ng kalayaang piliin Siya o hindi. Noong si Jesus ay nasa sanlibutan pa, nagpahayag siya ng isang "hiling" nang kanyang sabihin na, “Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na!"(Lucas 12:49). Alam niya na malapit na siyang ipako sa krus, at pagkatapos ay kanyang ibubuhos ang Espiritu Santo sa kanyang mga tagasunod (Gawa 1:18). Inaasam ni Jesus na isugo na ang Espiritu, ngunit alam niya na kailangan muna niyang pagdaanan ang kahindik-hindik na kamatayan sa krus. Ipinapakita nito na hindi mali ang kanyang "hiling" ito ay normal sa isang tao.

Ang isang hiling ay maaaring maging pasimula ng pagbabago. Ito ay maaaring maging layunin at maging totoo, kung ito ay nakabatay sa katotohanan at positibong pagbabago. Gayunman, nagiging mali ang paghiling kung ito nagiging daan upang pangunahan natin ang plano ng Diyos para sa atin. Kapag tiningnan natin ang panalangin ni Jesus sa Gethsemane, "hiniling" niya sa Ama na kung maaari ay humanap ng ibang paraan upang tubusin ang sangkatauhan, subalit hindi doon nagtapos ang kanyang panalangin. sapagkat hindi niya pinahintulutang umiral ang sarili niyang kagustuhan bilang tao higit sa kalooban ng Diyos. Nakibaka siya sa kanyang Espiritu hanggang sa matapat niyang masabi na, "gayunma'y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42).

Nagiging mali ang paghiling kung ito ay nakatuon sa isang bagay at hindi sa Diyos. Ang "paghiling sa mga bituin" ay may romantikong pamamanhik subalit ang mga bituin ay hindi makakatulong kaninuman. Ang totoo ay kailangan nating lumapit sa lumikha ng mga bituin para sa katugunan ng ating panalangin, at hindi sa mga bituin mismo.

Nagiging mali rin ang paghiling kung ang layunin nito ay mauuwi sa kasalanan. Katulad halimbawa ng pagnanasa ng isang taong may asawa sa asawa ng iba, ito ay mali (Deuteronomio 5:21). Ang hiling na may obsesyon sa maraming materyal na bagay o pagnanais na magkaroon ng higit na salapi kaysa iyong kailangan ay mali (Kawikaan 23:4; 1 Timoteo 6:9-10). Kapag ang ating paghiling ay udyok ng ating kawalan ng kasiyahan sa mga bagay na itinakda ng Diyos para sa atin-bilang isang lahi, nasyonalidad, uri ng katawan, o pamilya- ito ay maling kahilingan. Ang totoong kailangan natin ay ang matutong maging mapagpasalamat sa Diyos sa lahat nang kaloob niya at gamitin ang lahat nang ito ayon sa kanyang layunin at para sa kanyang kaluwalhatian (1 Corinto 10:31; Colosas 3:16).

Sinasabi sa Awit 37:4 na, "Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya, at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya." Ibig sabihin, inaayos o itinutumpak ng Diyos ang ating mga hiling kapag ang ating dakilang kagalakan ay makapagbigay ng lugod sa kanya. Kaugnay nito ay binabago rin niya ang hangarin ng ating mga puso upang ito ay umayon sa kanyang naisin para sa atin-Ang kanyang naisin ay nagiging naisin natin kaya't ang mga nagiging kahilingan natin ay ukol sa mga bagay na nagbibigay lugod sa Kanya. Kaya't sa ganung paraan ay makikita nating nagagalak ang ating sarili. Magagawa nating manalangin na may lakas ng loob at ayon sa kanyang kalooban, kapag alam natin na ang ating nais ay ang layunin niya. At magagawa nating manalangin na may lakas ng loob kapag ang mga bagay na hinihiling natin ay tumutugma sa kanyang mga plano, sapagkat alam nating pakikinggan niya ito at kanyang tutugunin (Juan 15:7; 1 Juan 5:14; Mateo 21:22).

Ang Bibliya ay aktuwal na nag uutos sa atin na humiling o maghangad ng karunungan (Kawikaan 24:24), espirituwal na kaloob (1 Corinto 14:1), ng Araw ng Panginoon (2 Pedro 3:12), ng huling kapahayagan kung sinu-sino talaga ang mga anak ng Diyos (Roma 8:19), at ng kaligtasan ng iba (Roma 10:1). Kapag ang ating mga kahilingan ay nakasentro sa nais ng Diyos, maaari natin itong hilingin sa kanya nang may pananampalataya. Ang ating mga kahilingan ay nagiging malinis, kapag taglay natin ang kanyang makalangit na pananaw, "At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya” (1 Juan 5:15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mali ba ang paghiling ng isang bagay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries