settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahirap ang paghihintay sa Diyos?

Sagot


Hindi lamang mahirap ang paghihintay sa Diyos; minsan ito ay tila imposible rin. Nais natin na maganap ang mga bagay na inaasahan natin sa ating sariling itinakdang panahon, ayon sa ating plano. Ngunit hindi kumikilos ang Diyos ayon sa ating itinakdang panahon, at ang tila hindi Niya pagkilos ayon sa ating panahon ay nakakapagpahina ng ating kalooban. Dakila ang perspektibo ng Diyos sa mga pangyayari sa ating buhay, at sa Kanyang perspektibo, ang Kanyang mga plano at panahon ay perpekto at banal, dahil Siya ay perpekto at banal. Sinabi sa atin ng Mangaawit na ang mga “gawa ng Diyos ay sakdal” (Awit 18:30). Kung ang mga gawa ng Diyos ay sakdal, mapagtitiwalaan natin ngayon na kung Siya’y gagawa sa ating buhay - at kailan man Niya iyon isagawa - ang panahong iyon ay sakdal din naman. Kung nauunawaan natin ang katotohanan ito, hindi lamang mas nagiging mas madali para sa atin ang paghihintay sa Diyos, nagiging masaya din naman tayo habang naghihintay.

Malinaw ang mga pangako ng Diyos patungkol sa isyung ito — kung maghihintay tayo sa Diyos, papapanumbalikin Niya ang ating lakas (Isaias 40:31). Ngunit tao tayo at nabubuhay tayo sa isang kultura na naghahangad ng mga bagay ng agad agad. Ito ang dahilan kung bakit mahirap ang maghintay sa Dios. Minsan, sinasagot agad ang ating mga panalangin ng Panginoon ng mga hukbo, at nagpapalakas ito ng ating loob upang patuloy na magtiwala sa Kanya. Ngunit minsan, may mga pagkakataon na sinusubok ng Diyos ang ating pananampalataya, at sa mga panahong iyon tayo nahihirapan. Sa mga panahong iyon, nagiging mahirap para sa atin ang mga bagay-bagay at nagtatanong tayo kung tunay nga bang nakikinig ang Diyos sa ating mga panalangin.

Itinuro ni Pablo sa mga taga Filipos na huwag mabalisa para sa anumang bagay (Filipos 4:6). Ipinapahiwatig ng pagkabalisa ng mananampalataya ang kanyang kakulangan sa pananampalataya at ito ay nagdudulot ng dalamhati sa Diyos, hindi lamang dahil ayaw Niya tayong mabalisa para sa anumang bagay kundi dahil alam Niya na ang ating kabalisahan ay nag-ugat sa ating hindi pagkakilala sa kung sino Siya.

Ang krusyal na aspeto ng kalikasan at karakter ng Diyos at ang Kanyang walang hanggang kapamahalaan sa lahat ng bagay ang magbibigay sa atin ng katiyagaan na maghintay sa Kanyang panahon ng may ganap na pagtitiwala. Ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ay ang Kanyang ganap na kontrol sa lahat ng nilalang, pangyayari at kaganapan sa bawat sandali ng kasaysayan. Hindi Siya nagsusulit kaninuman, hindi naiimpluwensyahan ng anuman at hindi umaasa kaninuman, ginagawa ng Diyos ang Kanyang anumang maibigan, kung kailan Niya maibigan, at laging sa Kanyang pagpapasya lamang, at walang anuman at sinuman ang makapipigil sa Kanyang kalooban: “Sa simula pa'y itinakda ko na,at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin” (Isaias 46:10). Kung mauunawaan natin ang katotohanang ito, hindi lamang tayo makakapaghintay ng matiyaga sa ating perpektong Diyos na gumagawa at kumikilos ayon sa Kanyang perpektong plano sa ating mga buhay, kundi makakapaghintay din tayo ng buong kapanatagan sa pagtitiwala.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahirap ang paghihintay sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries