settings icon
share icon
Tanong

Paano haharapin ng isang Kristiyano ang paguusig ng budhi dahil sa mga nagawang pagkakasala sa nakaraan - kahit noong bago o pagkatapos niyang maligtas?

Sagot


Ang lahat ay nagkasala at ang isa sa mga resulta nito ay ang paguusig ng budhi. Magpasalamat tayo sa paguusig ng budhi dahil ito ang nagtutulak sa atin upang humingi ng kapatawaran sa Diyos. Sa sandali na ang isang tao ay tumalikod sa kanyang mga kasalanan at manampalataya kay Kristo, ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad na. Ang pagsisisi ay resulta ng tunay na pananampalataya na nagiging daan sa kaligtasan ng sumasampalataya (Mateo 3:2; 4:17; Mga Gawa 3:19).

Kay Kristo, kahit na ang pinaka-karumaldumal na kasalanan ay maaaring mapatawad (tingnan ang 1 Corinto 6:9-11 para sa listahan ng mga kasalanan na maaring patawarin ng Diyos). Ang kaligtasan ay sa biyaya at ang biyaya ay nagpapatawad. Pagkatapos na maligtas ng isang tao, maaari pa rin siyang magkasala at kung siya'y magkasala, ipinangako pa rin ng Panginoon ang kapatawaran. "Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, na isang matuwid" (1 Juan 2:1).

Gayunman, ang kalayaan sa kasalanan ay hindi laging nangangahulugan ng kalayaan sa pakiramdam ng paguusig ng budhi. Kahit na napatawad na ang ating mga kasalanan, naaalala pa rin natin ang ating mga kasalanan. Gayundin, mayroon tayong kaaway sa espiritwal na si Satanas, ang tinatawag na "tagausig ng mga kapatid" (Pahayag 12:10) na walang sawang nagpapaalala sa atin ng ating mga kabiguan, pagkakamali at kasalanan sa nakalipas. Kung nakakaranas ang isang Kristiyano ng paguusig ng budhi, nararapat niyang gawin ang mga sumusunod:

1) Ipahayag ang lahat ng mga kasalanan na hindi pa naipagtapat sa Panginoon. Sa maraming pagkakataon, ang pakiramdam ng paguusig ng budhi ay nararapat lamang dahil kailangan ang pagpapahayag ng kasalanan at paghingi ng kapatawaran. Maraming beses na narararamdaman natin ang paguusig ng budhi dahil talagang nagkasala tayo at hindi pa natin iyon naihingi ng tawad sa Diyos! (Tingnan ang paglalarawan ni David sa paguusig ng budhi at ang solusyon dito sa Awit 32:3-5)

2) Ipanalangin sa Panginoon na ibunyag Niya ang iba pang kasalanan na kailangang maipahayag sa Kanya. Magkaroon ng tapang at lakas ng loob na maging bukas at tapat sa harapan ng Panginoon. "O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; Kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, Sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid" (Awit 139:23-24).

3) Pagtiwalaan ang pangako ng Diyos na kapatawaran at paglilinis ng budhi dahil sa dugo ni Kristo (1 Juan 1:9; Awit 85:2; 86:5; Roma 8:1).

4) Sa mga pagkakataon na nadarama ang paguusig ng budhi para sa mga kasalanang naipahayag at napagsisihan na, iwaksi ang pakiramdam na iyon at ituring iyon na hindi tamang paguusig ng budhi. Ang Panginoon ay tapat sa Kanyang pangako ng pagpapatawad. (Basahin at pagbulay bulayan ang Awit 103:8-12).

5) Hilingin sa Panginoon na sawayin Niya si Satanas, ang iyong tagausig at hilingin sa Kanya na ibalik ang galak na kaagapay ng kalayaan mula sa paguusig ng budhi (Awit 51:12).

Ang kabanata 32 ng aklat ng Awit ay kapakipakinabang na pagaralan. Kahit na nagkasala si David ng napakabigat, nakatagpo siya ng kalayaan mula sa kasalanan at sa pakiramdam ng paguusig ng budhi. Nilabanan niya ang dahilan ng paguusig ng budhi at inangkin ang katotohanan ng kapatawaran ng Diyos. Ang Awit 51 ay isa ring magandang kabanata ng Awit upang pagaralan para sa paksang ito. Ang diin sa kabanatang ito ng Awit ay ang pagpapahayag ng kasalanan ni David habang dumadalangin siya sa Diyos taglay ang isang pusong puno ng kalungkutan at paguusig ng budhi. Ang resulta noon ay ang pagpapanumbalik ng kanyang kagalakan.

Panghuli, kung naipahayag na ang isang kasalanan, napagsisihan na at napatawad na ng Diyos, panahon na upang magpatuloy. Tandaan na tayong mga pinalapit ng Diyos kay Kristo ay ginawang mga bagong nilalang. "Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na" (2 Corinto 5:17). Bahagi ng "luma" na nawala na ay ang mga alaala ng nakaraang pagkakasala at ang paguusig ng budhi na nalikha ng mga iyon. Nakalulungkot na may mga Kristiyano na laging bumabalik sa alaala ng kanilang dating makasalanang pamumuhay, mga alaala na nararapat na malaon ng pinatay at inilibing sa nakalipas. Ito'y walang kabuluhan at sumasalungat sa matagumpay na pamumuhay Kristiyano na nais ng Diyos para sa atin. Gaya ng kasabihan, "Kung iniligtas ka ng Diyos mula sa isang imburnal, huwag ka ng lumusong at lumangoy muli doon."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano haharapin ng isang Kristiyano ang paguusig ng budhi dahil sa mga nagawang pagkakasala sa nakaraan - kahit noong bago o pagkatapos niyang maligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries