Tanong
Bakit mahalaga ang paggawa ng mga alagad?
Sagot
Ang paggawa ng mga alagad ang kasangkapan matupad ang panalangin ng Panginoon Hesus, "Ganito kayo mananalangin, 'Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Nawa'y maghari ka sa amin. Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit (Mateo 6:9-10). Sa Kanyang walang hanggang kaalaman, piniling gamitin ni Hesus ang mga dedikadong tagasunod, ang Kanyang mga alagad, upang dalhin ang mensahe ng kaligtasan sa lahat ng tao sa mundo. Kasama ang utos na ito sa Kanyang mga huling pananalita bago Siya umakyat sa langit. "Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon"(Mateo 28:18-20).
Mahalaga ang paggawa ng mga alagad dahil ito ang piniling metodolohiya ng Panginoon sa pagpapakalat ng Mabuting Balita ng Kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Sa panahon ng kanyang ministeryo sa publiko, ginugol ni Hesus ang mahigit sa tatlong taon sa paggawa ng mga alagad — at tinuruan at sinanay ang Kanyang piniling labindalawa. Binigyan Niya sila ng maraming katibayan na Siya ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas; naniwala sila sa Kanya, bagamat hindi ganap ang kanilang pananampalataya. Nagturo Siya sa maraming tao, ngunit kinausap Niya ng bukod ang Kanyang mga alagad at itinuro sa kanila sa pribado ang kahulugan ng Kanyang mga talinghaga at himala. Tinuruan din Niya sila na hindi magtatagal at babalik Siya sa Kanyang Ama pagkatapos ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (Mateo 16:21; Juan 12:23-36; 14:2-4). Bagama't hindi nila ito naunawaan, ibinigay Niya sa kanila ang isang kahanga-hangang pangako: "Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo Siya, sapagkat Siya'y nasa inyo at Siya'y mananatili sa inyo"(Juan 14:12). Ipinangako din sa kanila ni Hesus na Kanyang ipapadala ang Banal na Espiritu upang sumakanila magpakailanman (Juan 14:16-17).
Gaya ng Kanyang ipinangako, noong araw ng Pentecostes, bumaba ang Banal na Espiritu sa mga alagad na nagbigay sa kanila ng kapangyarihan at katapangan upang ibahagI ang Mabuting Balita sa lahat. Ipinahayag sa mga huling bahagi ng Aklat ng mga Gawa ang kapanapanabik na tala ng lahat ng mga ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng mga alagad. Sa isang siyudad, sinabi ng mga kaaway ng mga alagad patungkol sa kanila: "Ang ating lunsod ay napasok ng mga taong nanggugulo kahit saan makarating" (Gawa 17:6). Maraming tao ang naglagak ng kanilang pananampalataya kay Hesus at naging mga alagad din naman. Nang magumpisa ang mabigat na paguusig, kumalat ang mga alagad sa ibang lugar at ipinagpatuloy ang utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad. Maraming iglesya ang natatag sa buong imperyo ng Roma, at maging sa ibang mga bansa.
Di naglaon, dahil sa mga alagad ni Hesus na gaya ni Martin Luther at iba pa, nabuksan ang Europa sa Ebanghelyo ni Hesu Kristo sa pamamagitan ng repormasyon. Sa huli, nangaral ang mga Kristiyano sa makabagong mundo upang ipakilala si Kristo. Bagamat hindi pa naaabot ng Ebanghelyo ang lahat ng panig ng mundo sa ngayon, ang hamon ay napapanahon pa rin sa atin ngayon. Nananatili ang utos na ito ng Panginoon: "Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo." Narito ang mga katangian ng isang alagad:
• Isang tao na nakatitiyak ng kanyang kaligtasan (Juan 3:16) at pinananahan at binibigyan ng kakayahan ng Banal na Espiritu (Juan 14:26-27);
• Isang taong lumalago sa biyaya at kaalaman tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu Kristo (2 Pedro 3:18); at
• Isang tao na ibinabahagi si Kristo at may kabigatan para sa mga kaluluwa ng mga lalaki at babaeng naliligaw ng pananampalataya at nasa kasalanan. Sinabi ni Hesus, "Napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani" (Mateo 9:37-38).
English
Bakit mahalaga ang paggawa ng mga alagad?