settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga biblikal na prinsipyo para sa paggawa ng tamang desisyon?

Sagot


Ang paggawa ng tamang desisyon ay nagsisimula sa pagtuklas sa kalooban ng Diyos. Nagagalak ang Diyos sa pagpapaalam ng Kanyang kalooban sa mga taong masugid na sumusunod sa Kanyang mga utos (Awit 33:18; 35:27; 147:11). Ang ating saloobin sa paggawa ng desisyon ay dapat na katulad ng ginawa ni Hesus na nagsabi, “Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod” (Lukas 22:42; Mateo 6:10).

Pangunahing ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa dalawang paraan. Una, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu: “Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:13; tingnan din ang 1 Juan 2:20, 27). At, ikalawa, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang Salita: “Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas” (Awit 119:105; tingnan din ang Awit 19:7-9; 2 Pedro 1:19).

Ang proseso ng paggawa ng desisyon ay kinapapalooban ng paghatol tungkol sa isang paguugali o aksyon. Ang desisyon ay isang gawain ng kalooban at laging naiimpluwensyahan ng ating isip, at emosyon. Ang bawat desisyon na ating ginagawa ay aktwal na sumasalamin sa nais ng ating puso (Awit 119:30). Kaya nga, ang susing tanong bago gumawa ng anumang desisyon ay, “pipiliin ko bang gawin ang makasisiya sa aking sarili?” Itinatag ni Josue ang panuntunan sa paggawa ng desisyon: “At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon” (Josue 24:15; cf. Roma 12:2).

Nakikita ng Diyos ang buong larawan - ang nakaraan, kasalukuyan at ang hinaharap ng ating mga buhay. Tinuturuan, at pinapayuhan Niya tayo habang ipinahahayag Niya ang Kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita at ng Kanyang Espiritu. Ipinangako sa atin ng Diyos: “Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo” (Awit 32:8; cf. Awit 25:12).May mga pagkakataon na ang kalooban ng Diyos ay hindi maganda sa ating pakiramdam at hindi kanais-nais sa tuwing sinusunod ng ating puso ang ating sariling naisin sa halip na pagtiwalaan ang Diyos. Ngunit sa huli, matututunan natin na ang kalooban ng Diyos ay laging para sa ating ikabubuti (Awit 119:67; Hebreo 12:10-11).

Muli ang pangunahing susi sa tamang pagdedesisyon ay ang pagalam sa kalooban ng Diyos at ang hindi pagsunod sa mga nais ng ating puso: “May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan” (Kawikaan 14:12; cf. Kawikaan 12:15; 21:2). Habang inilalagak natin ang ating pagtitiwala sa Diyos sa halip na sa ating sarili, matutuklasan natin na ang ating mga desisyon ay nakalulugod sa Kanya.

Una, pinagpapala ng Diyos ang mga desisyon na ayon sa Kanyang kalooban at Kanyang salita: “Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran” (Kawikaan 4:11; tingnan din ang Awit 119:33). Ikalawa, pinagpapala ng Diyos ang mga desisyon na ginaganap ang Kanyang layunin at ipinapaubaya sa Kanyang pagkilos: “Sapagka't Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban” (Filipos 2:13; tingnan din ang Filipos 4:13).

Bilang karagdagan, pinagpapala ng Diyos ang mga desisyon na para sa Kanyang kaluwalhatian, “Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios” (1 Corinto 10:31). Pinagpapala Niya ang mga desisyon na naglalarawan sa Kanyang katangian, nagsusulong ng katuwiran, kabutihan at kababaang loob: “Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios” (Mikas 6:8; tingnan din ang 1 Corinto 10:31; 1 Timoteo 4:12). At pinagpapala Niya ang mga desisyon na ayon sa pananampalataya: “At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap” (Hebreo 11:6).

Hindi natin dapat kalimutan ang pangako ng Diyos na Kanyang ibinigay sa Kanyang mga anak na bibigyan Niya sila ng karunungan kung sila’y hihingi: “Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5; cf. 1 Tesalonica 5:17). At kung mananalangin tayo para sa karunungan, dapat nating pagtiwalaan ang Diyos sa Kanyang kasagutan: “Nguni't humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. Sapagka't huwag isipin ng taong yaon na siya'y tatanggap ng anoman bagay sa Panginoon” (Santiago 1:6-7). Mahalaga din ang pagtitiyaga habang hinihintay natin ang sagot ng Diyos: “At sa ganito, nang makapaghintay na may pagtitiis, ay nagtamo siya ng pangako” (Hebreo 6:15).

Higit na mahirap ang paggawa ng desisyon kung kinapapalooban ito ng masakit na pagpili. Minsan, masakit din para sa atin ang proseso na ating pagdadaanan. Dito natin higit na kailangan ang biyaya ng Diyos. Handa ba tayong magdusa alang-alang sa kaluwalhatian ni Kristo? “Kung paano ngang si Cristo ay nagbata sa laman, ay magsandata rin naman kayo ng gayong pagiisip; sapagka't siya na nagbata sa laman ay nagpapatigil sa kasalanan; Upang huwag na kayong mangabuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa mga masamang pita ng mga tao, kundi sa kalooban ng Dios” (1 Pedro 4:1-2).

Gagawa ka ba ng desisyon sa araw na ito? Hanapin mo ang tamang direksyon sa Salita ng Diyos. Mamahinga ka sa kapayapaan na tanging Siya lamang ang makakapagbigay (Filipos 4:7). “Humingi ka sa Kanya ng karunungan, magtiwala ka sa Kanyang mga pangako, at gagabayan Niya ang iyong landas. Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Kawikaan 3:5-6; tingnan din ang Isaias 58:11; Juan 8:12). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga biblikal na prinsipyo para sa paggawa ng tamang desisyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries