Tanong
Ang pagdurusa ba para kay Kristo ay laging bahagi ng pagiging isang mananampalataya?
Sagot
Sinasabi sa Bibliya ang maraming bagay tungkol sa pagdurusa alang alang sa pagsunod kay Kristo. Sa panahon kung kailan isinulat ang Bagong Tipan, laging itinatakwil ng kanilang sariling pamilya at komunidad ang mga tagasunod ni Hesus. Ang ilan sa mga pinakamabigat na paguusig ay nagmula sa mga lider panrelihiyon (Gawa 4:1-3). Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga tagasunod: “Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian” (Mateo 5:10). Ipinaalala Niya sa Kanyang mga alagad “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo” (Juan 15:18).
Sinasabi sa 2 Timoteo 3:12, “At lahat ng may nais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo ay daranas ng pag-uusig.” Gaya noong panahong isinulat ang Bibliya, maraming Kristiyano sa ngayon ang nakaranas na ang pagpapahayag ng pananampalataya kay Kristo sa publiko ay maaaring magresulta sa pagkabilanggo, paghagupit, pagpapahirap o kamatayan (Hebreo 11:32–38; 2 Corinto 12:10; Filipos 3:8; Gawa 5:40). Karaniwang nanginginig sa takot ang mga nasa malayang bansa kahit na isipin lamang ang mga ganitong pangyayari sa mga Kristiyano kahit na nasa ligtas silang lugar. Nauunawaan natin na may libu-libong Kristiyano ang nagdurusa araw araw dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo at nagpapasalamat sila na hindi tayo kabilang sa kanila. Ngunit may isa lamang bang uri ng paguusig?
Malinaw na sinabi ni Hesus kung ano ang kahulugan ng pagsunod sa Kanya: “At sinabi niya sa lahat, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya'y mapapahamak?” (Lukas 9:23–25). Ang ating makabagong pangunawa sa pariralang “pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin” ay karaniwang mali kung hindi man kulang. Noong panahon ni Hesus, ang krus ay sumisimbolo sa kamatayan. Kung may isang taong nagpapasan ng krus, ang taong iyon ay hinatulan na upang mamatay doon. Sinabi ni Hesus na upang makasunod sa Kanya, kailangang maging handa sa pagpasan ng kanyang krus ang sinumang nagnanais. Hindi tayo lahat makukulong, hahagupitin o pahihirapan dahil sa ating pananampalataya. Hindi lahat mamamatay na gaya ng mga unang Kristiyanong martir. Kaya anong kamatayan ang tinutukoy ni Hesus sa mga talatang nabanggit?
Ipinaliwanag ni Pablo sa Galacia 2:20, “At kung ako ma'y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nasa daigdig, namumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at nag-alay ng kanyang buhay para sa akin.” Ang pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan na mamamatay tayo sa ating mga sariling paraan ng pamumuhay. Ituturing natin ang ating sariling kalooban, karapatan, kasiyahan at sariling layunin na napakong kasama ni Hesus sa krus. Ang ating karapatan na pamahalaan ang ating mga buhay ay hindi na mahalaga para sa atin (Filipos 3:7–8). Ang kamatayan ay may kasamang pagdurusa. Hindi gusto ng laman na mamatay. Ang pagkamatay sa sarili ay masakit at lumalaban sa ating natural na pagnanais na hanapin ang ating pansariling kasiyahan. Ngunit hindi tayo makakasunod pareho kay Kristo at sa ating laman (Lukas 16:13; Mateo 6:24; Roma 8:8). Sinabi ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos” (Lukas 9:62).
Nagdusa si Pablo ng mas malaki alang alang kay Kristo. Sinabi niya sa mga Kristiyano sa Filipos, “Ipinagkaloob niya sa inyo ang karapatang makapaglingkod kay Cristo, hindi lamang ang manalig sa kanya kundi ang magtiis din naman dahil sa kanya” (Filipos 1:2). Ang salitang “ipinagkaloob” sa talatang ito ay nangangahulugan na “bigyan ng pabor, ibinigay ng libre bilang regalo.” Hindi itinuturing ni Pablo na sumpa ang pagdurusa alang alang kay Kristo kundi isang pribilehiyo.
Maraming anyo ang pagdurusa. Dahil sa desisyon na sumunod sa Panginoong Hesu Kristo, inilalagay natin ang ating sarili sa pakikipaglaban sa mundo. Sinasabi sa Galacia 1:10, “Ngayon, nangangahulugan bang ang hinahangad ko'y papuri ng tao? Hindi! Ang papuri ng Diyos ang hinahangad ko. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Kung iyan lamang ang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.” Sa tapat na pagsunod natin sa katuruan ng Bibliya, inilalagay natin ang ating sarili sa lugar ng pagtanggi, pagkapahiya, kalungkutan at pagtataksil ng mga tao. Madalas na ang pinakamalupit na paguusig ay nanggagaling sa mga taong itinuturing nating espiritwal ngunit ipinaliliwanag ang Diyos ayon sa kanilang sariling ideya. Kung pipiliin natin na manindigan para sa katuwiran at katotohanan ng Bibliya, tiyak na hindi tayo mauunawaan at maaaring pagtawanan. Lagi nating tandaan na walang anumang banta ng pagdurusa ang nakapigil sa mga apostol sa kanilang pangangaral ng Ebanghelyo. Sa katotohanan, sinabi ni Pablo na ang lahat ng bagay ay hindi kayang ihambing sa halaga ng pagkakilala kay Kristo, “Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa kanyang mga hirap, at matulad sa kanya---pati sa kanyang kamatayan” (Filipos 3:10). Inilarawan sa Gawa 5:40-41 ang reaksyon ng mga apostol pagkatapos nilang tumanggap ng mga palo dahil sa kanilang pangangaral ng Ebanghelyo: “Pinapasok na muli ang mga apostol, at pagkatapos ipapalo at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, sila'y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus.”
Ang pagdurusa sa anumang anyo ay laging bahagi ng pagiging totoong tagasunod ni Kristo. Sinabi ni Hesus na masikip ang daan patungo sa buhay (Mateo7:14). Ang ating mga paghihirap ang siyang daan sa ating pakikibahagi sa pagdurusa ni Kristo sa maliit na kaparaanan.
Sinabi ni Hesus na kung itatanggi natin siya sa harap ng mga tao, itatanggi rin Niya tayo sa harap ng Kanyang Ama sa langit (Mateo 10:33; Lukas 12:9). May mga hindi kapansin-pansing pagtanggi kay Kristo. Kung ang ating mga gawa, salita, paraan ng pamumuhay, o kasiyahan ay hindi ayon sa kanyang kalooban, itinatanggi natin si Kristo. Kung inaangkin natin na nakikilala natin siya ngunit namumuhay tayo sa paraang tila hindi natin Siya nakikilala, itinatanggi natin si Kristo (1 Juan 3:6–10). Maraming tao ang pinipili ang mga anyong ito ng pagtanggi kay Kristo dahil ayaw nilang magdusa dahil sa kanilang pananampalataya.
Laging ang pinakamabigat na pagdurusa ay nanggagaling mula sa ating sariling kalooban habang nakikipaglaban tayo sa pamamahala sa ating puso na kinakailangang mamatay sa sarili nitong kalooban at sumuko sa kapamahalaan ni Kristo (Roma 7:15–25). Anumang anyo ng pagdurusa ang dumating sa atin, dapat nating ariin ang mga iyon na isang karangalan at pribilehiyo na tayo, gaya ng mga apostol ay “minarapat ng Diyos na malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus.”
English
Ang pagdurusa ba para kay Kristo ay laging bahagi ng pagiging isang mananampalataya?