Tanong
Kailangan bang dumalo ang isang tao sa mga gawain sa Iglesya para makapunta sa langit?
Sagot
Ang kaligtasan ay matatagpuan kay Kristo lamang. “Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan, at dahil dito winasak Niya ang pangangailangan ng mabubuting gawa, kasama ang pagdalo sa pagsamba, upang makapunta sa langit. Ang buhay na walang hanggan ay makakamtan sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo lamang. “Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay” (1 Juan 5:12). Ang mga nananalig kay Kristo at tumanggap ng Kanyang handog bilang kabayaran sa kanilang mga kasalanan, ay gugugulin ang walang hanggan kasama ang Diyos. Ngunit hindi maliligtas ang sinumang tumatanggi kay Kristo.
Hindi makakapagdala ang pagsamba sa langit sa kahit anong paraan. Hindi rin makakapagalis ng kaligtasan ang hindi pagdalo sa pagsamba. Gayunman, napakahalaga ng pagdalo sa pananambahan. Binubuo ang pangkalahatang Iglesya ng lahat ng mga tunay na nananalig kay Kristo sa ikaluluwalhati ng ng Diyos Ama. Ang Iglesya ang katawan ni Kristo (Colosas 1:18) at ang Kanyang kasintahan (Pahayag 21:2). Ang sambahan ay isang lugar kung saan nagsasama-sama ang mga Kristiyano. Bilang karagdagan, bilang mga miyembro ng katawan ni Kristo, nagtataglay tayo ng mga kaloob ng Banal na Espiritu at kailangan nating sanayin ang ating mga kaloob para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa ikatitibay ng ibang mananampalataya. Upang maging maayos ang pagkilos ng katawan, nararapat na ang lahat ng bahagi nito ay gumagawa ng kanya-kanyang gawain (1 Corinto 12:14-20).
Ginawa ng Diyos na mga bagong nilalang ang mga Kristiyano (2 Corinto 5:17) at mayroon silang pagnanasa na dumalo sa pananambahan at makisama sa mga mananampalataya dahil kinikilala nila na mahalaga ang mga ito sa kanilang paglagong espiritwal. Ang pagaalinlangan sa pagdalo sa Iglesya ay nagpapahiwatig ng kawalan ng paglagong espiritwal o kaya naman ay ng masamang karanasan sa mga “organisadong relihiyon.” Tunay na maraming huwad na Iglesya ngayon, at wala ring perpektong Iglesya ngunit may mga lokal na Iglesya o grupo ng mga mananampalataya sa nakararaming komunidad. Ang tunay at pangkalahatang Iglesya ay ayon sa modelo ng mga kongregasyon na ang doktrina ay naaayon sa Kasulatan, pinararangalan si Kristo sa lahat ng bagay, sumasamba sa Diyos ng sama-sama at naglilingkod sa isa’t isa. Bagamat hindi kasangkapan ang pagdalo sa pananambahan sa kaligtasan, ang paghahanap ng isang maayos na lokal na Iglesya ay mahalaga para sa mga Kristiyano.
English
Kailangan bang dumalo ang isang tao sa mga gawain sa Iglesya para makapunta sa langit?