Tanong
Kasalanan ba ang pagbibiro? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibiro?
Sagot
Ang pagbibiro ay isang kawili-wiling paksa at mahirap tukuyin at talakayin bilang isang makasalanang gawain. Kung Bibliya ang tatanungin, ang pagbibiro mismo ay hindi itinuturing na kasalanan, bagama’t sa ilang mga pagkakataon, tiyak na maaari itong maging kasalanan. Sinasabi sa atin ng Kawikaan 18:21 “Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay, makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.” Inihahambing sa Santiago 3:3-12 ang dila sa kabayong may pakagat sa bibig, sa timon ng isang barko, at sa apoy. Ang dila ay isang makapangyarihang bagay, at ang mga salita ay maaaring magdulot ng maganda o maaaring makapanakit. May mga paraan upang maging maganda ang pagbibiro. “Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan, at ang malungkuti'y unti-unting namamatay” (Kawikaan 17:22). Ang Mga Awit ay puno ng mga sanggunian sa pagtawa na kung saan ay nagbubunga ng magandang biro. Ngunit mayroon ding pagbibiro na nakakababa at nakakapinsala, at tayo ay tinatawag na “laging sikapin na ang pangungusap natin ay makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig” (Efeso 4:29).
Dapat nating palaging purihin ang Diyos at ipahayag ang ating pagpapahalaga sa Kanyang nilikha sa pamamagitan ng ating mga salita. Ang paghahanap sa kalooban ng Banal na Espiritu ang pinakamahusay na paraan upang matukoy kung ang ating katatawanan ay malapit na sa kasalanan. May kakayahan siyang ipaalam sa atin kung kailan katanggap-tanggap at hindi nararapat ang pagpapatawa. Sa pangkalahatan ay mas mainam na iwasan kung hindi tayo sigurado sa isang bagay, o kung ang ating mga biro ay umuusig sa ating budhi. Ang isa pang problema ay nagiging sanhi ito ng pagkatisod ng iba, na isang bagay na madali nating nagagawa sa pamamagitan ng mga biro na bagama't tila hindi nakakapinsala sa atin, ay nakakasakit naman sa ibang tao. Hindi natin kailanman dapat gamitin ang ating kalayaan para sa kapinsalaan ng moralidad ng ibang tao (Roma 14:13-17).
Ang mga paminsan-minsang biro at pagtatawanan, kung naaangkop, ay katanggap-tanggap. Ngunit may mga taong madalas magbiro na halos ay hindi sila makapagsalita kung hindi gagamitan ng biro. Hindi ito ang pinakaangkop na pamumuhay para sa isang Kristiyano, gayunman, sinabi sa atin na dapat “tayo ay mamuhay ng may pagpipigil, matuwid at karapat-dapat sa Diyos” (Tito 2:12). Gaya ng lahat ng “hindi gaanong malinaw na bahagi” sa buhay Kristiyano, ang paghahanap sa karunungan ng Diyos tungkol sa ating pananalita ay ang pinaka-kapaki-pakinabang na paraan (Santiago 1:5).
English
Kasalanan ba ang pagbibiro? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibiro?