Tanong
Paano ko ibabahagi ang aking patotoo bilang Kristiyano?
Sagot
Ang isang epektibong patotoo ay nagpapahayag ng iyong sariling karanasan at ng Ebanghelyo ni Kristo upang ang isang tao ay magkaroon ng impormasyon tungkol sa proseso ng kaligtasan. (1) Magumpisa sa pamamagitan ng pagtatala ng mga detalye kung paano ka nagtiwala kay Kristo upang iligtas ka sa iyong mga kasalanan. Makakatulong ang mga sumusunod na tanong: a) Sino ang nagsabi sa akin ng tungkol kay Kristo? b) Ano ang mga pangyayari upang pagtiwalaan ko o sampalatayanan si Kristo? k) Kailan ko pinagtiwalaan si Kristo? d) Kailan ako unang sumampalataya kay Kristo? e) Paano naging pagpapala sa akin ang aking pananampalataya kay Kristo?
(2) Pagkatapos, isulat mo ang iyong sagot sa mga tanong upang maayos ang maging daloy nito bilang isang kuwento. Subukan na maging direkta at maiksi ang patotoo. Bilang layunin, sikapin na paiksiin ang patotoo na maaaring epektibong maibahagi sa loob ng humigit kumulang sa tatlong minuto.
(3) Tiyakin na may kasamang angkop na talata sa Bibliya ang iyong patotoo. Tandaan na ang Kasulatan ay makapangyarihan dahil ito ang Salita ng Diyos. Bilang halimbawa, dapat na naglalaman ang iyong patotoo ng mga talata na nagsasaysay ng pagkahiwalay ng tao sa Diyos dahil sa kasalanan (Roma 3:23), ng realisasyon na gugugulin mo ang iyong walang hanggan ng hiwalay sa Diyos kung hindi mo tinanggap ang Kanyang kapatawaran (Roma 6:23), ng pangunawa na ipinadala Niya ang Kanyang banal na Anak na si Hesus upang bayaran ang iyong mga kasalanan (Romans 5:8), at sa huli, ang pagtanggap mo ng kapatawaran sa pamamagitan ng pagtitiwala lamang sa pagbabayad na ginawa ni Hesus sa krus para sa iyong mga kasalanan (Gawa 16:31).
Bilang isang halimbawa, narito ang aking patotoo kung paano ako nagtiwala kay Kristo bilang aking Tagapagligtas.
Bagama't nakipagusap ako sa isang pastor noong ako ay isang bata at tinedyer pa lamang ng may tatlo hanggang apat na beses tungkol sa kung paano ako pupunta sa langit kung sakaling bawian ako ng buhay, hindi ko talaga naunawaan ang Ebanghelyo ni Kristo hanggang ako ay sumapit sa edad na mahigit dalawampu. Sa pagdaan ng ilang taon, nagsimula akong magbasa ng Bibliya, nakinig sa magasawa na mga konserbatibong tagapagturo ng Bibliya sa telebisyon, at nakipagtalakayan ako tungkol sa aking mga narinig sa mga Kristiyano sa aking pinagtatrabahuhan. Sa pamamagitan ng mga ito, naunawaan ko na ako ay isang makasalanan na hiwalay sa Diyos at kaparatdapat na mahiwalay ng walang hanggan sa Kanya. Ayon ito sa Roma 3:23, "Sapagkat lahat ay nagkasala at walang sinumang karapatdapat sa kaluwalhatian ng Diyos" at sa Roma 6:23, "ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan." Naunawaan ko rin na gayon na lamang ang pag-ibig sa akin ng Diyos na ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesu Kristo at nagtungo si Hesus sa lupa upang mamatay para sa aking mga kasalanan (at para sa kasalanan ng buong sanlibutan) upang ako ay mapatawad (Roma 5:8; Juan 3:16).
Panghuli, naunawaan ko na walang ibang paraan upang maging sapat ang aking kabutihan upang makapunta ako sa langit sa pamamagitan ng aking sariling gawa. Sinasabi sa Roma 3:10 na walang mabuti, wala kahit isa at idineklara sa Efeso 2:8-9 na ang kaligtasan ay walang bayad na kaloob ng Diyos, hindi isang bagay na pinagpapaguran, at tinatanggap lamang ito sa pamamagitan ng pananampalataya, na simpleng pagtitiwala ng buong puso sa kamatayan, pagkalibing, at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo bilang kabayaran sa aking mga kasalanan. Pagkatapos kong maunawaan ang mga katotohanang ito sa Kasulatan, nagkaroon ako ng katiyakan na dahil hindi ko kayang iligtas ang aking sarili sa pamamagitan ng aking mabubuting gawa, hindi ko rin ito maiwawala dahil ito ay isang walang bayad na kaloob ng Diyos.
Napakasarap sa isip at pakiramdam ang dulot ng kaalaman na pinatawad na ako ng Diyos at kakampi ko Siya at ninais at ninanais Niya ang pinakamaganda para sa akin. Sa umpisa ng aking buhay na na kay Kristo, Siya na ang tumira sa aking puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at patuloy na pinababanal ako sa pamamagitan ng Kanyang Salita at pagkilos sa aking buhay. Ang kapatawarang ito at ang katiyakan na mayroon ako mula sa Diyos ay maaari ding mapasaiyo kung magtitiwala ka kay Kristo lamang para sa kapatawaran ng iyong mga kasalanan.
English
Paano ko ibabahagi ang aking patotoo bilang Kristiyano?