settings icon
share icon
Tanong

Ano ang aking gagawin kung inaatake ako sa espiritwal?

Sagot


Ang unang bagay na dapat nating gawin kung pinaniniwalaan natin na nasa ilalim tayo ng pagatakeng espiritwal ay alamin, sa abot na ating makakaya kung ang ating nararanasan ay tunay nga na pagatakeng espiritwal mula sa pwersa ng demonyo o simpleng epekto lamang ng ating pamumuhay sa mundong ito na sinumpa ng Diyos dahil sa kasalanan. May mga tao na isinisisi ang bawat kasalanan, bawat pagaaway, at bawat problema sa mga demonyo na pinaniniwalaan nila na dapat palayasin. Tinuruan ni Pablo ang mga Kristiyano na makipaglaban sa kasalanan na nananahan sa kanilang pagkatao (Roma 6) at lumaban sa masama (Efeso 6:10-18). Ngunit kung tunay ngang tayo ay inaatake sa espiritwal ng pwersa ng demonyo o nakikipaglaban lamang sa kasalanan na nasa ating puso at nasa sanlibutan, ang estratehiya sa labanan ay pareho lamang.

Ang susi sa pakikipaglaban sa pwersa ng kasamaan ay matatagpuan sa Efeso 6:10-18. Nagumpisa si Pablo sa pamamagitan ng pagtuturo na dapat tayong magpakatatag sa Panginoon sa Kanyang kapangyarihan, hindi sa ating sariling kapangyarihan na walang laban sa diyablo at sa kanyang hukbo. Pagkatapos, pinaalalahan ni Pablo ang mga taga Efeso na isuot ang buong baluti ng Diyos, na siyang tanging paraaan upang makatayo silang matatag laban sa mga pagatakeng espiritwal. Sa ating sariling lakas at kapangyarihan, wala tayong pag-asang talunin ang “mga hukbong espiritwal sa himpapawid” (talata 12). Tanging ang “buong baluti ng Diyos” lamang ang magbibigay sa atin ng kakayahan na makatayong matatag laban sa mga pagatakeng espiritwal. Magiging matatag tayo sa kapangyarihan lamang ng Panginoon; ang baluti ng Diyos ang nagiingat sa atin, at ang ating pakikipagdigma ay laban sa mga hukbong espiritwal sa mundong ito.

Inilalarawan sa Efeso 6:13-18 ang baluting espiritwal na ibinigay sa atin ng Diyos, at ang magandang balita ay laging maaaring kunin at gamitin ang baluting ito ng mga na kay Kristo. Dapat tayong magpakatibay sa ating pagkakatayo ng may bigkis ng katotohanan, nakasuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran, may sandalyas ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan, ginagawang panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng masama, suot ang helmet ng kaligtasan, at ginagamit ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Sinabihan din tayo na “manalangin sa lahat ng pagkakataon sa patnubay ng Espiritu” (Efeso 6:18).

Ano ang inilalarawan ng espiritwal na baluting ito sa pakikibakang espiritwal? Dapat nating gamitin ang katotohanan laban sa kasinungalingan ni Satanas. Dapat tayong magtiwala sa katotohanan na tayo ay idineklara ng matuwid dahil sa paghahandog ng buhay ni Kristo para sa atin. Dapat tayong mangaral ng Ebanghelyo gaano man katindi ang pagsalungat na ating nararanasan. Hindi tayo dapat manghina sa pananampalataya gaano man kasidhi ang pagatake ng kaaway. Ang ating pinakamalakas na pangdepensa ay ang katiyakan ng ating kaligtasan, isang katiyakan na hindi kayang agawin ng kaaway. Ang ating armas na panlaban ay ang Salita ng Diyos, hindi ang ating sariling opinyon at pakiramdam. Panghuli, dapat nating tularan ang halimbawa ni Hesus sa pagkilala na may mga espiritwal na tagumpay na posible lamang makamit sa pamamagitan ng panalangin.

Si Hesus ang pinakamagandang halimbawa sa pagharap sa pagatakeng espiritwal. Alalahanin natin kung paanong hinarap ni Hesus ang direktang pagatake sa Kanya ni Satanas noong tuksuhin Siya nito sa ilang (Mateo 4:1-11). Sinagot ni Hesus ang bawat tukso ni Satanas sa parehong paraan - sa paggamit ng salitang “Nasusulat” at pagbanggit ng mga talata sa Kasulatan. Alam ni Hesus na ang Salita ng buhay na Diyos ang pinakamakapangyarihang sandata laban sa mga tukso ng diyablo. Kung ginamit mismo ni Hesus ang Salita ng Diyos upang labanan ang diyablo, gaano pa kaya tayo?

Ang pinakamagandang halimbawa kung paano hindi dapat na sumuong sa espiritwal na labanan ay ang pitong anak ni Esceva, isang saserdoteng Hudyo, na nag-iikot sa bayan-bayan at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng paggamit sa pangalan ng Panginoong Hesu Kristo. Isang araw, sinagot sila ng masamang espiritu “Kilala ko si Jesus, kilala ko rin si Pablo, ngunit sino ba kayo?” At sila'y nilundag ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu, tinalo silang lahat at malubhang sinaktan, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon” (Gawa 19:15-16). Ginamit ng pitong anak ni Esceva ang pangalan ni Hesus, ngunit dahil wala silang relasyon kay Hesus, ang kanilang salita ay walang kapangyarihan. Hindi sila nagtitiwala kay Hesus bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas, at hindi nila ginagamit ang salita ng Diyos sa kanilang pakikibakang espiritwal. Dahil dito, nakatanggap sila ng nakakahiyang pambubugbog. Nawa ay matuto tayo sa kanilang masamang halimbawa at makipagbaka tayo laban sa hukbong espiritwal sa paraang itinuturo ng Bibliya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang aking gagawin kung inaatake ako sa espiritwal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries