settings icon
share icon
Tanong

Kailan ang tamang panahon upang umalis sa isang iglesya?

Sagot


Ang pinakamagandang paraan upang malaman kung ano ang mga katanggap-tanggap na dahilan sa pagalis sa isang iglesya ay ang pagbabalik-aral sa mga pangunahing katotohanan ng Kasulatan tungkol sa kalikasan at gawain ng iglesya. Ano ba ang kalikasan at layunin ng iglesya? Malinaw na sinasabi sa Kasulatan na ang iglesya ang dapat na “haligi at saligan ng katotohanan” (1 Timoteo 3:15). Ang lahat sa istruktura ng iglesya, ang pagtuturo, pagsamba, mga programa at mga gawain ay dapat na nakasentro sa katotohanang ito. Bilang karagdagan, dapat na kilalanin ng iglesya si Hesu Kristo bilang tangi at nagiisang pangulo nito (Efeso 1:22; 4:15; Colosas 1:18) at magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay. Malinaw na maisasakatuparan lamang ang mga bagay na ito kung manghahawak ang iglesya sa Bibliya at ito ang tanging pamantayan nito ng katotohanan at awtoridad. Nakalulungkot na kakaunting iglesya na lamang sa kasalukuyan ang nakapasa sa pamantayang ito ng iglesya.

Dapat na maging maliwanag sa mananampalataya na may pagnanais na umalis sa kanyang iglesya ang mga dahilan ng kanyang pagalis. Kung hindi itinuturo ng iglesya ang katotohanan o nagtuturo ito ng salungat sa itinuturo ng Bibliya at hindi iginagalang ang Panginoong Hesu Kristo, at may isang iglesya na malapit sa Kanya na gumagawa ng mga bagay na ito, may dahilan siya upang lisanin ang kanyang iglesya. Maaari din naman na manatili siya kung ang kanyang pananatili ay makakapagambag sa pagbabago ng kanyang iglesya. Tinuturuan tayo ng Bibliya na “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal” (Judas 1:3). Kung malakas ang kumbiksyon ng isang mananampalataya na makakaimpluwensya siya upang pangunahan ang kanyang iglesya na Bibliya lamang ang paniniwalaan at si Kristo lamang ang pararangalan at magagawa niya ito sa diwa ng pag-ibig, mas makabubuting manatili siya sa kanyang kasalukuyang iglesya.

Binanggit sa Bibliya kung paano umaalis sa isang iglesya ang mga mananampalataya. Sa panahon ng unang iglesya, pumupunta ang mananampalataya sa ibang siyudad o bayan upang maghanap ng ibang iglesya. Sa ating panahon ngayon, nagkalat ang mga iglesya sa halos bawat sulok, at ang malungkot, marami ang nagpapalipat-lipat ng iglesya sa halip na harapin at hanapan ng solusyon ang problemang kanilang nararanasan sa kanilang iglesya. Dapat na taglayin ng mga mananampalataya ang pag-ibig, pagpapatawad, at pagkakaisa (Juan 13:34-35; Colosas 3:13; Juan 17:21-23), hindi ang inggit at pagkakabahabahagi (Efeso 4:31-32).

Kung nadarama ng isang mananampalataya na dapat na siyang umalis sa kanyang iglesya, napakahalaga na gawin niya ito sa paraan na hindi iyon magiging sanhi ng kaguluhan o kontrobersya (Kawikaan 6:19; 1 Corinto 1:10). Kung talagang hindi na itinuturo ang katotohahan, malinaw ang dapat na gawin – dapat ng humanap ng isang bagong iglesya. Gayunman, ang hindi pagiging kuntento ng maraming mananampalataya sa kanilang iglesya ay dahil sa kanilang kawalan ng papel na ginagampanan sa ministeryo ng iglesya. Mas madaling mapakain ng espiritwal na pagkain kung ang isang mananampalataya ay aktibong nakikilahok sa pagpapakain sa iba. Ang layunin ng iglesya ay malinaw na inilatag sa Efeso 4:11-14. Hayaan na ang mga talatang ito ang gumabay sa pagpili at paghahanap ng isang iglesya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan ang tamang panahon upang umalis sa isang iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries