Tanong
Ano ang hamartiology / pagaaral tungkol sa kasalanan?
Sagot
Ang hamartiology ay ang pagaaral tungkol sa kasalanan. Ito ay tumatalakay sa pinagmulan ng kasalanan, paano ito nakaapekto sa sangkatauhan, at ano ang resulta nito pagkatapos ng kamatayan. Ang nagkasala ay nangangahulugang "hindi nakaabot sa pamantayan." Lahat tayo ay hindi nakaabot sa pamantayan ng Diyos patungkol sa katuwiran (Roma 3:23). Ang hamartiology, kung gayon ang nagpapaliwanag kung bakit hindi tayo nakaabot sa pamantayan ng Diyos at ano ang mga konsekwensya nito. Narito ang ilang mahalagang katanungan patungkol sa hamartiology:
Ano ang kahulugan ng kasalanan? Inilalarawan ang kasalanan sa Bibliya bilang pagsalangsang sa Kautusan ng Diyos (1 Juan 3:4) at rebelyon o paglaban sa Diyos (Deuteronomio 9:7; Josue 1:18).
Nagmana ba tayong lahat ng kasalanan mula kay Adan at Eba? Ito ang sinasabi sa Roma 5:12, "Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala."
Ang lahat ba ng kasalanan ay pantay-pantay sa Diyos? May antas ang kasalanan — may mga kasalanan na mas malubha kaysa iba. Gayundin naman, patungkol sa eternal na konsekwensya ng kasalanan at kaligtasan, pare-pareho lamang ang kasalanan. Ang bawat kasalanan ay magbubulid sa tao sa walang hanggang kaparusahan (Roma 6:23).
Paano ko malalaman kung ang isang gawain ay kasalanan? May mga partikular na gawain na malinaw na binabanggit na kasalanan sa Bibliya. Ang mahirap na isyu ay ang mga gawain sa iba't ibang aspeto ng ating buhay na hindi direktang tinutukoy sa Bibliya bilang kasalanan.
Tila hindi nakatutulong para sa Kristiyano ang pagaaral patungkol sa isang nakakapanlumong paksa gaya ng kasalanan. Hindi ba't iniligtas na tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Kristo? Oo! Ngunit bago natin maintindihan ang kaligtasan, kailangan muna nating maintindihan kung bakit tayo nangangailangan ng kaligtasan. Ito ang layunin ng pagaaral tungkol sa kasalanan. Ipinaliliwanag nito na tayong lahat ay makasalanan — sa pamamagitan ng pagmamana ng kasalanan mula kay Adan at sa pamamagitan ng ating personal na mga desisyon. Ipinapakita nito sa atin kung bakit dapat tayong parusahan ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan. Itinuturo sa atin ng hamartiology ang lunas sa kasalanan — ang paghahandog ng buhay ni Hesu Kristo. Kung tunay nating nauunawaan ang ating makasalanang kalikasan, mas mauunawaan natin ang kalikasan ng ating dakilang Diyos na sa isang banda ay sinusumpa ang mga makasalanan sa impiyerno sa isang makatarungang paghatol, ngunit sa isang banda naman ay binigyang kaluguran ang Kanyang sarili sa pangangailangan ng perpektong kabanalan sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Sa oras lamang na maintindihan natin ang bigat at lalim ng kasalanan, saka lamang natin maiintindihan ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan.
Ang susing talata sa hamartiology ay ang Roma 3:23-24, "Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios; Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus."
English
Ano ang hamartiology / pagaaral tungkol sa kasalanan?