Tanong
Bakit laging mahirap ang umibig sa iba?
Sagot
May mga pagkakataon na napakahirap na umibig sa ibang tao. Ang isang pangkaraniwang parirala na tumutukoy sa mga taong hamon para sa atin na ibigin ay mga taong “kailangan ang ekstrang biyaya.” Ngunit kahit na ang mga taong gusto natin ay mahirap ding ibigin paminsan-minsan. Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nahihirapng ibigin ang iba ay kasalanan, ang ating kasalanan o ang kasalanan ng mga taong sinusubukan nating ibigin. Ang sangkatauhan ay mga taong makasalanan. Hiwalay sa Diyos at sa Kanyang kapangyarihan, tayo ay makasarili at natural na iniibig natin ang ating sarili ng higit kaysa iba. Ngunit hindi makasarili ang pag-ibig; hinahangad nito ang ikabubuti ng iba (1 Corinto 13:5; Filipos 2:3). Ang pakikipaglaban sa ating sariling pagkamakasarili at pagkahilig sa kasalanan at pakikibagay sa kasakiman at pagkahilig sa kasalanan ng iba ang nagpapahirap sa atin para ibigin ang ibang tao.
Ang isa pang dahilan kung bakit maaaring maging mahirap para sa atin ang umibig sa iba ay dahil hindi natin nauunawaan sa tamang paraan ang tunay na kahulugan ng pag-big. Iniisip natin na ang pag-ibig ay isa lamang emosyon. Ang problema ay hindi natin laging kayang kontrolin ang ating emosyon. Maaari nating makontrol ang ating ginagawa dahil sa ating emosyon ngunit kadalasan biglaang naaapektuhan ng mga pangyayari ang ating emosyon. Ngunit ang uri ng pag-ibig na nais ng Diyos na ipagkaloob natin sa iba ay ang parehong pag-ibig na mayroon Siya para sa atin. Ito ay ang pag-ibig na ‘agape,’ na ang esensya ay pagsasakripisyo o pagpapakasakit. Ang pag-ibig ng Diyos para sa atin ay isang mapagsakripisyong pag-ibig, ang uri ng pag-ibig na nagdala kay Kristo sa krus para sa ating mga kasalanan. Hindi Niya tayo iniligtas dahil tayo ay kaibig-ibig; iniligtas Niya tayo dahil ang pag-ibig Niya ang nagtulak sa Kanya upang ihandog ang kanyang sarili para sa atin. Iniibig ba natin ang iba ng sapat upang magsakripisyo para sa kanila, kahit na hindi sila kaibig-ibig? Ang pag-ibig sa ibang tao ay isyu ng pagpapasya, hindi ng emosyon.
Namatay si Hesus para sa atin noong tayo ay kasuklam-suklam pa sa Diyos, sa gitna ng ating mga pagkakasala, noong tayo ay hindi pa kaibig-ibig (Roma 5:8; Juan 15:13). Kung nagsasakripisyo tayo upang maibig ang isang tao, nasusulyapan natin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, at ipinapakilala natin Siya sa mundo. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad, “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko” (Juan 13:34–35). Pansinin na hindi Niya sinabi, “kailangan ninyong makaramdam ng pag-ibig sa isa’t isa.” Sa halip sinabi Niya, “mag-ibigan kayo.” Iniutos Niya ang isang aksyon; hindi isang pakiramdam.
Ang isa pang dahilan ng kahirapan sa pag-ibig sa iba ay dahil lagi nating sinusubukan na gawin ito sa ating sariling lakas, at dinadama ang pakiramdam ng pag-ibig kahit wala tayong nararamdaman. Maaari itong magtulak sa pagpapaimbabaw at pagarte na tayo ay mapagmahal na tao habang ang ating mga puso ay napakalamig para sa iba. Dapat nating maunawaan na hindi tayo makaiibig ng hiwalay sa Diyos. Sa ating pananatili lamang kay Hesus (Juan 15) at sa pananahan sa atin ng Banal na Espiritu kakayanin natin na mamunga ng pag-ibig (Galacia 5:22–23). Sinabihan tayo na ang Diyos ay pag-ibig at ang ating pag-ibig sa isa’t isa ay tugon natin sa pag-ibig ng Diyos na ating naranasan sa ating sariling buhay (1 Juan 4:7–12). Maaaring maging mahirap para sa atin na magtiwala sa Diyos at ibigay ang ating sarili sa Kanya, ngunit pinapahintulutan Niya ang kahirapang ito upang higit nating maunawaan ang Kanyang kaluwalhatian. Kung iniibig natin ang mga taong hindi kaibig-ibig, o pinipili nating ibigin ang iba kahit hindi natin nararamdaman ang pag-ibig sa ating puso, ipinapakita natin ang ating pagtitiwala sa Diyos at nahahayag sa atin at sa pamamagitan natin ang Kanyang kapangyarihan.
Mahirap umibig sa iba dahil sila ay mga tao at tayo ay mga tao din naman. Ngunit sa kahirapang ito mas nakikita at nararanasan natin ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. At kung iniibig natin ang iba sa kabila ng kanilang pagiging hindi kaibig-ibig, ang Banal na Espiritu ay nahahayag sa atin, at naluluwalhati Siya, lumalakas ang pananampalataya ng iba at nakikita sa atin ng mundo si Hesu Kristo.
English
Bakit laging mahirap ang umibig sa iba?