settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng hindi natin dapat ibigin ang sanlibutan?

Sagot


Sinasabi sa 1 Juan 2:15-16, “Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.

Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.” Ngunit naguumpisa naman ang Juan 3:16 sa, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. . . .” Kaya nga, iniibig ng Diyos ang sanlibutan ngunit bakit ipinagbabawal sa atin na ibigin ito? Ano ang paliwanag sa tila pagkakasalungatang ito?

Sa Bibliya, ang salitang ‘sanlibutan’ ay maaaring tumukoy sa mundo at sa pisikal na sangnilikha (Hebreo 1:2; Juan 13:1), ngunit lagi itong ginagamit upang tukuyin ang sistema ng pamumuhay ng tao sa mundo na laging lumalaban sa Diyos (Mateo 18:7; Juan 15:19; 1 Juan 4:5). Nang sabihin sa Bibliya na iniibig ng Diyos ang sanlibutan, tumutukoy ang salitang sanlibutan sa mga taong naninirahan sa mundo (1 Juan 4:9). At bilang Kanyang mga anak, dapat din nating ibigin ang ibang tao (Roma 13:8; 1 Juan 4:7; 1 Pedro 1:22). Maliwanag na itinuturo ng talinghaga ng Mabuting Samaritano na hindi tayo maaaring mamili kung sino ang ating iibigin (Lukas 10:30-37).

Nang sabihan tayo ng Bibliya na huwag ibigin ang sanlibutan, tinutukoy ng Bibliya ang masamang sistema at pagpapahalaga dito sa mundo. Si Satanas ang diyos ng sanlibutang ito, at siya ang may-ari ng sistema ng sanlibutan na kumakalaban sa Diyos (2 Corinto 4:4). Eksaktong idinetalye sa 1 Juan 2:16 ang sistemang isinusulong ni Satanas sa sanlibutan: ang pita ng laman, pita ng mata, at ang karangyaan sa buhay na dahilan ng pagmamataas ng tao. Ang lahat ng kasalanan na maaari nating isipin ay nilagom sa tatlong ito; ang inggit, pangangalunya, pagmamataas at marami pang iba ay nagmula sa tatlong sistemang nabanggit.

Ang sanlibutan ang ating iiwanan sa ating paglapit kay Kristo. Sinasabi sa Isaias 55:7 na ang paglapit sa Diyos ay kinapapalooban ng pagtanggi sa ating sariling mga pangarap at mga kaparaanan. Inilarawan ni John Bunyan, sa kanyang aklat na ‘The Pilgrim’s Progress,’ ang katayuan ng mananampalataya bilang isang taong “nakatutok ang paningin sa langit,” hawak ang “pinakamagandang aklat” sa kanyang mga kamay” habang “nasa kanyang likuran ang sanlibutan” (p. 34).

Laging pinapalakpakan ng sanlibutan ang kasalanan. Hinihikayat tayo ng mundo ng mga artista na kainggitan ang mga kasalanan at buong kahangalang ikumpara ang ating sarili sa “magagandang tao” (tingnan ang Kawikaan 23:17). Ang kanilang abilidad na gisingin ang kawalan ng kakuntentuhan sa ating mga buhay ang laging dahilan ng kasikatan ng mga artista. Nagaabang ang mga mamamahayag sa ating likas na pagkahilig na ibigin ang sanlibutan, at halos lahat ng mga patalastas na nagbebenta ng mga produkto ay laging umaapela sa iba’t ibang paraan sa pita ng mata, pita ng laman at ng karangyaan sa buhay.

Ang pag-ibig sa sanlibutan ay nangangahulugan ng pagiging masigasig sa pagkakamit ng mga kayamanan sa mundo at mga pinahahalagahan nito. Sinasabi ng Diyos sa Kanyang mga anak na pahalagahan ang mga bagay na walang hanggan ayon sa Kanyang mga kautusan. Dapat muna nating hanapin ang Kanyang kaharian at ang Kanyang katuwiran (Mateo 6:33). Walang makapaglilingkod ng sabay sa dalawang panginoon (Mateo 6:24), at hindi natin maaaring pagsabayin ang paglilingkod sa Diyos at sa sanlibutan.

Nang makabilang tayo sa pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, binigyan tayo ng Diyos ng kakayahan na lumaban at lumabas sa makasalanang pamamaraan ng sanlibutan (2 Corinto 5:17). Naging mamamayan tayo ng isa pang kaharian - ang langit na tunay nating tahanan (Filipos 1:27, 3:20). Iniuukol natin ang ating mga pagnanasa para sa mga bagay na panlangit, at nagumpisa tayong magtipon ng mga kayamanang walang hanggan (Lukas 12:33; 1 Timoteo 6:18-19). Napagtanto natin na ang tunay na mahalaga ay ang mga bagay na hindi nagwawakas, hindi ang mga panandaliang mga bagay at dahil dito tumitigil tayo sa pag-ibig sa sanlibutan.

Ang pagpapatuloy sa pag-ibig sa sanlibutan na gaya ng ginagawa ng mga hindi mananampalataya ang pumipigil sa ating espiritwal na paglago at nagiging dahilan kaya nawawalan tayo ng bunga para sa kaharian ng Diyos (Mateo 3:8; Lukas 6:43-45; Juan 15:1-8). Sa Juan 12:25, pinalalim at pinalawak pa ng Panginoong Hesu Kristo ang prinsipyong ito ng Kanyang sabihin, “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan." Pinahahaba din ng hindi pag-ibig sa sanlibutan ang ating buhay. Sinabi ni Hesus na kung iibigin natin ang ibang bagay ng higit sa Kanya, hindi tayo karapatdapat sa Kanya (Mateo 10:37-38).

Sa pangkalahatan, ang salitang sanlibutan sa Bibliya ay tumutukoy sa makasalanang sistema sa mundo na nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas na nagtutulak sa atin palayo sa pagsamba sa tunay na Diyos. Sinabi ni John Calvin, “ang puso ng tao ay pabrika ng mga diyus-diyusan.” Maaari tayong gumawa ng diyus-diyusan mula sa anumang bagay. Ang anumang pagnanais ng ating puso na hindi inilagay ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian ay maaaring maging diyus-diyusan (1 Corinto 10:31). Ang pag-ibig sa sanlibutan ay pagsamba sa diyus-diyusan (1 Corinto 10:7, 14). Kaya nga, habang inuutusan tayo na ibigin ang mga tao sa sanlibutan, dapat tayong magbantay sa anumang bagay na maaaring maging karibal ng Diyos para sa ating pinakamataas na pagnanais dito sa sanlibutan. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng hindi natin dapat ibigin ang sanlibutan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries