settings icon
share icon
Tanong

Bakit ako dapat maniwala sa organisadong relihiyon?

Sagot


Kung iyong hahanapin ang kahulugan ng salitang "relihiyon" sa diksyunaryo, isinasaad dito na ito ay, "ang paniniwala sa Diyos o mga diyus-diyosan upang sambahin, na kadalasang ipinapakita sa asal at ritwal; anumang sistematikong paniniwala, pagsamba, at iba pa; kadalasang may kaugnayan sa pamantayan ng asal.” Sa kabila ng mga ito, may binanggit ang Bibliya tungkol sa organisadong relihiyon na hindi nakalulugod sa Diyos. Nakasaad sa ibaba ang ilang mga halimbawa kung saan inilalarawan ang mga organisadong relihiyon sa Bibliya.

Sa Genesis 11:1-9 marahil matatagpuan ang unang halimbawa ng organisadong relihiyon. Nagdesisyon ang mga ninuno ni Noe na gumawa ng tore sa paniniwala na kung maitatayo nila ito ng napakataas, sila ay maliligtas. Naniniwala sila na ang kanilang pagtutulungan ay mas mahalaga kaysa sa kanilang relasyon sa Diyos. Sinansala ng Diyos ang kanilang plano at binigyan sila ng iba't-ibang wika, na naging dahilan para mabuwag ang naturang relihiyon.

Isinalaysay sa Exodo 6 ang sumusunod: Nagbigay ng mga pangako ang Diyos kay Abraham tungkol sa espesyal na relasyon sa pagitan ng kanyang mga ninuno at sa Diyos. Gayun man, nakikita natin ang tinatawag nating "organisadong relihiyon" sa panimula ng bansa sa Aklat ng Exodo at makikita sa kabuuan ng kasaysayan ng mga Israelita. Ang Sampung Utos, Tabernakulo, Sistema ng paghahandog at iba pa ay inorganisa ng Diyos upang sundin ng mga Israelita. Ang pag-aaral sa Bagong Tipan ang nagbigay linaw sa atin na ang pinaka-ultimong layunin ng ganitong relihiyon ay upang gabayan ang mga tagasunod patungkol kay Kristo (Galacia 3; Roma 7). Gayun man, marami ang hindi nakaunawa nito at kanilang sinamba ang mga nilikha sa halip na sambahin ang totoong Diyos na Siyang lumikha.

Ang aklat ng mga Hukom at mga aklat na sumunod dito ay nagpapakita na ang karamihan sa mga gulo na naranasan ng mga Israelita ay may kaugnayan sa organisadong relihiyon. Ang mga halimbawa ay katulad ng pagsamba kay Baal (Hukom 6; 1 Hari 18); pagsamba kay Dagon (1 Samuel 5) at kay Moloc (2 Hari 23:10). Ginamit ng Diyos ang mga relihiyong ito upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan ng gapiin niya ang mga taong nagsasanay ng mga relihiyong ito.

Sa mga aklat ng Ebanghelyo: Inilalarawan ng mga Pariseo at mga Saduseo ang organisadong relihiyon sa panahon ni Kristo. Paulit-ulit na ipinaalala sa kanila ni Hesus ang tungkol sa kanilang maling mga katuruan at ipokritong pamumuhay. Karamihan sa kanila ay nagbago mula sa mga ganitong organisadong relihiyon, halimbawa dito ay si Apostol Pablo.

Sa mga Sulat ng mga apostol: May mga organisadong grupo na hinahaluan ang Ebanghelyo ng Biyaya ng mga listahan ng mga kinakailangang gawin upang maligtas. Pinipilit nila ang ilang mga mananampalataya na tanggapin ang ganitong bagong relihiyon. Ang mga aklat ng Galacia at Colosas ay nagbibigay ng mga babala tungkol sa ganitong mga grupo.

Pahayag: Kahit sa katapusan ng panahon, mayroon pa ring lalabas sa mundo na mga organisadong relihiyon dahil ang anti-Kristo ay magtatayo ng isang relihiyon na sasakop sa buong mundo. Kalimitan, ang nagiging bunga ng organisadong relihiyon ay sumasalungat at nakakagulo pa sa hangarin ng Diyos. Gayun man, may sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga organisadong Kristiyano (mananampalataya) na ayon sa kanyang layunin. Tinawag Niya itong “Iglesia.” Ang paglalarawan ng mga aklat ng mga Gawa at ang mga Sulat ng mga apostol ay nagbibigay ng direksiyon na ang mga iglesia ay kinakailangang organisado at nagtutulungan sa bawat isa. Ang organisasyon ay nagbibigay proteksyon, bunga at tulong sa kapwa mananampalataya (Mga Gawa 2:41-47).

Sa lahat ng ito, masasabing mas mainam na tawagin itong "organisadong relasyon" na walang kakayahang abutin ang Diyos sapagkat Siya ang lumapit sa kanila at walang maipagmamalaki ang lahat sapagkat tinanggap nila ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya. Dapat na walang pag-aagawan sa pamumuno dahil si Kristo lamang ang ulo ng Iglesia (Colossas 1: 18). Dapat na walang pinapanigan sapagkat lahat tayo ay iisa kay Kristo (Galacia 3: 28). Ang pagiging organisado ay hindi problema. Ang pagsunod sa mga maling doktrina at katuruan ng relihiyon ang problema.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit ako dapat maniwala sa organisadong relihiyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries