Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng ordinansa at sakramento?
Sagot
Ang Romano Katoliko, Kristiyanong Orthodox at ilan sa mga protestanteng denominasyon ang gumagamit sa terminong "sakramento" upnag tukuyin ang isang "tanda o gawain" na nagreresulta sa pagkakaloob ng biyaya ng Diyos sa isang indibidwal. Karaniwang may pitong sakramento sa mga denominasyong ito. Ang mga ito ay ang bawtismo, kumpil, komunyon, kumpisal, pag-aasawa, pagpapari/pagmamadre at pagbabasbas sa maysakit. Ayon sa simbahang Romano Katoliko, "mayroong pitong sakramento" at ang mga ito ay itinatag ni Kristo at ibinigay sa simbahan upang ipatupad ang mga ito. Ang mga sakramentong ito ay kinakailangan para sa kaligtasan at mga kasangkapan ng Diyos upang maipagkaloob ang biyaya ng Diyos sa tao. Sa isang banda naman, sinasabi ng Bibliya na ang biyaya ng Diyos ay hindi ipinagkakaloob sa pamamagitan ng mga panlabas na simbolo at walang kahit anong ritwal ang kinakailangan para sa kaligtasan. Ang biyaya ay walang bayad, "Nguni't nang mahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na ating Tagapagligtas, at ang kaniyang pagibig sa tao, na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo, na kaniyang ibinuhos ng sagana sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas; upang, sa pagkaaring-ganap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, ay maging tagapagmana tayo ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan" (Tito 3:4-7).
Ang isang ordinansa ay isang simpleng "itinakdang gawain o seremonya." Itinuturing ng mga Protestante at Ebanghelikong Iglesya ang mga ordinansa bilang mga simbolikong kapahayagan ng mensahe ng Ebanghelyo na si Kristo ay nabuhay sa lupa, namatay, bumangon mula sa libingan, umakyat sa langit at muling darating isang araw. Sa halip na ituring bilang mga sangkap sa kaligtasan, ang mga ordinansa ay mga paglalarawan lamang upang tulungan tayo na higit na maunawaan at pahalagahan ang mga ginawa ni Hesus. Ang ordinansa ay kinikilala sa pamamagitan ng tatlong pamantayan: itinatag sila ni Kristo, itinuro sila ng mga apostol at sinanay sila ng unang Iglesya. Dahil ang bawtismo at komunyon ang tanging gawain na nakapasa sa mga pamantayang ito, mayroon lamang dalawang ordinansa ang Iglesya. Hindi kinakailangan para sa kaligtasan ang alinman sa dalawang ordinansang ito o kaya naman ay kasangkapan para makamtan ang biyaya ng Diyos.
Ang ordinansa ay nauunawaan sa pangkalahatan bilang mga bagay na iniutos ni Hesus na ganapin ng mga mananampalataya kasama ang ibang kapwa mananampalataya. Tungkol sa bawtismo, sinasabi sa Mateo 28:18-20, "At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan." Tungkol naman sa komunyon, na tinatawag ding Hapunan ng Panginoon, sinasabi sa Lukas 22:19, "At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin." Maraming mga iglesya ngayon ang nagdadaos sa tuwina ng dalawang gawaing ito, ngunit hindi nila tinutukoy ang mga ito bilang mga sakramento kundi bilang mga ordinansa lamang.
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng ordinansa at sakramento?