Tanong
Nasaan ang langit? Saan ang lokasyon ng langit?
Sagot
Ang langit ay isang tiyak at tunay na lugar. Ipinahayag sa Bibliya ang pagkakaroon ng langit at itinuro na ang pagpasok doon ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Hesu Kristo – ngunit walang talata sa Bibliya na nagsasaad ng eksaktong lokasyon nito. Ang maiksing sagot sa katanungang ito ay ang langit ang “lugar kung saan naroon ang Diyos.” Ang lugar na ito ay tinatawag na “ikatlong langit” at “paraiso” na binanggit sa 2 Corinto 12:1-4 kung saan sinabi ni Pablo na may isang tao na “inagaw” sa “paraiso” at hindi nakayanang ilarawan ang mga bagay na kanyang narinig at nakita doon. Ang Salitang Griyego para sa salitang “inagaw” ay ginamit din sa 1 Tesalonica 4:17 sa paglalarawan sa pagdagit sa mga mananampalataya upang makapiling ng Panginoon. Ang mga talatang ito ay nagpapahiwatig na ang langit ay lampas pa sa himpapawid at mga bituin sa kalawakan.
Gayunman, dahil ang Diyos ay Espiritu, ang “langit” ay hindi malayo sa atin. Inilalarawan ang mga diyus-diyusan ng mga Griyego na ginugugol ang maraming oras sa isang lugar na napakalayo sa mundo sa isang ipinalalagay na tulad sa Bahamas. Ngunit ang Diyos ng Bibliya ay hindi gaya ng mga diyus-diyusang ito. Lagi Siyang malapit sa atin sa tuwing tumatawag tayo sa Kanya (Santiago 4:8), at hinihimok tayo na “lumapit” sa Kanya sa tuwina (Hebreo 10:1, 22). Masasabing ang “langit” ay isang partikular na lugar kung saan nakatira ang mga banal na namatay at mga anghel dahil bilang mga nilalang ng Diyos, sakop sila ng espasyo at panahon. Ngunit kung sinasabi na ang Manlilikha ay “nasa langit,” ang kaisipan ay umiiral Siya sa isang higit na mataas na antas sa halip na sa Siya ay nasa ibang lugar.
Ang katotohanan na ang Diyos ay laging malapit sa Kanyang mga anak dito sa mundo ay isang katuruan na inuulit-ulit sa Bibliya. Madalas na binabanggit ang langit sa Bagong Tipan na may detalyadong paglalarawan bagama’t hindi binanggit ang eksaktong lokasyon. Maaring sadyang inilihim ito sa atin ng Diyos dahil mas mahalaga para sa atin na ituon ang ating atensyon sa Diyos ng langit sa halip na sa lokasyon nito. Mas mahalagang malaman ang “bakit” kaysa sa “saan.” Nakatuon ang Bagong Tipan sa layunin ng langit ng higit sa pagtuturo kung ano ito at kung nasaan ito. Nakita natin na ang impiyerno ay isang lugar ng pagkahiwalay sa Diyos at ng Kanyang kaparusahan (Mateo 8:12; 22:13). Sa kabilang dako, ang langit naman ay ang walang hanggang kagalakan ng pakikisama sa Kanya at higit sa lahat, ang lugar kung saan natin sasambahin ang ating Diyos ng walang hanggan.
English
Nasaan ang langit? Saan ang lokasyon ng langit?