Tanong
Paanong ang isang mananampalataya ay nasa mundo ngunit hindi taga mundo?
Sagot
Kung mababasa natin ang salitang “mundo” sa Bagong Tipan. Binabasa natin ang salitang Griyegong “kosmos” na laging tumutukoy sa mundo na ating tinitirhan at sa mga taong nabubuhay dito na namumuhay ng hiwalay sa Diyos. Si Satanas ang “pinuno” ng “mundong ito” (Juan 12:31; 16:11; 1 Juan 5:19). Sa pamamagitan ng simpleng kahulugang ito na ang salitang mundo ay tumutukoy sa sistema sa mundo na pinamumunuan ni Satanas, mas mauunawaan natin ang sinabi ni Hesu Kristo na ang mga mananampalataya ay hindi na taga mundo - wala na tayo sa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, at hindi na nakatali sa mga prinsipyo ng mundong ito. Bilang karagdagan, binago na tayo at ginawang ayon sa wangis ni Kristo, at ito ang dahilan kung bakit paliit ng paliit ang ating interes sa mga bagay sa mundong ito habang lumalago tayo sa ating pananampalataya kay Kristo.
Simpleng nabubuhay pa sa mundo ang mga sumasampalataya kay Kristo - pisikal tayong naririto sa mundo - ngunit hindi na tayo kabahagi sa sistemang namamayani dito sa mundo (Juan 17:14-15). Bilang mga mananampalataya, dapat tayong mabukod mula sa mundo. Ito ang ibig sabihin ng pamumuhay sa kabanalan at matuwid na pamumuhay - ang mabukod sa mundo. Hindi tayo nakikilahok sa mga makasalanang gawain na isinusulong ng mundo o kaya naman ay pinapanatili ang walang kuwenta at bulok na kaisipan na nililikha ng mundo. Sa halip, dapat nating iayon ang ating sarili at ang ating isipan kay Kristo Hesus (Roma 12:1-2). Ito ang ating araw araw na gawain at pagtatalaga.
Dapat din nating maunawaan na ang pagiging “nasa mundo ngunit hindi taga mundo” ay kinakailangan upang magsilbi tayong ilaw sa mga nasa kadlimang espiritwal. Dapat tayong mamuhay sa isang paraan na makikita ng mga nasa labas ang ating mabubuting gawa at ang ating pamumuhay upang malaman nila na may kakaiba tungkol sa atin. Ang mga Kristiyanong ginagawa ang lahat ng makakaya upang mamuhay, mag-isip at gumawa na gaya ng mga taong hindi nakakakilala kay Kristo ay nakakasira sa patotoo ng mga Kristiyano. Nalalaman kahit ng mga pagano na “makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga” (Mateo 7:16), at bilang mga Kristiyano, dapat nating ipakita sa kanila ang mga bunga ng Espiritu na nasa atin.
Ang pagiging nasa mundo ay nangangahulugan din na maaari tayong masiyahan sa mga bagay na narito sa mundo gaya ng mga napakagandang mga nilikha ng Diyos na Kanyang ibinigay sa atin, ngunit hindi tayo dapat magbabad sa mga pinahahalagahan ng mundo o maghabol man para sa mga makamundong kasiyahan. Hindi na ang kasiyahan ng laman ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay sa mundo. Noon iyon, ngunit ngayon, ang ating kasiyahan ay ang pagsamba at paglilingkod sa Diyos. English
Paanong ang isang mananampalataya ay nasa mundo ngunit hindi taga mundo?