settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng nakikita at hindi nakikitang iglesya?

Sagot


Hindi ginagamit ng Bibliya ang salitang nakikitang iglesya o hindi nakikitang iglesya. Ngunit ang ideya ng nakikitang iglesya laban sa hindi nakikitang iglesya ay isang normal na resulta ng isang biblikal na pangunawa sa doktrina ng kaligtasan. Ang nakikitang iglesya ay ang kapahayagan ng Kristiyanismo na nakikita ng tao: ang pagsasama-sama at pagsasanay ng mga indibidwal sa iba’t ibang gusali sa araw ng Linggo. Ang hindi nakikitang iglesya ay ang tunay na iglesya, na tanging Diyos lamang ang nakakakita: ang mga isinilang na muling mananampalataya, sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Dahil hindi lahat ng mga dumadalo o nagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon ay ligtas, kinabibilangan ang nakikitang iglesya ng mga hindi mananampalataya. Ang hindi nakikitang iglesya ay binubuo ng mga tinubos at tinatakan ng Diyos mula sa lahat ng dako.

Sa ibang kaparaanan, ang konsepto ng nakikita/hindi nakikitang iglesya ay may kaugnayan sa konsepto ng lokal/pangkalahatang iglesya. Ang pagkakaiba ay tumutukoy ang lokal na iglesya sa isang kongregasyon na nagtitipon sa isang gusali; ang nakikitang iglesya naman ay binubuo ng lahat na lokal na iglesya sa lahat ng lugar.

Madaling makilala ang nakikitang iglesya dahil sa mga salitang panrelihiyon: gusali ng iglesya, mga ministro o layko, kalendaryo ng gawain, mga ordinansa, mga seremonya, mga denominasyon, atbp. Kung sinisabi ng isang tao na, “Pupunta ako sa ganito at ganoong iglesya,” ang tinutukoy niya ay ang nakikitang iglesya. Kung nagmamaneho sa tabing dagat ang isang tao at makakita siya ng mga taong binabawtismuhan, siya ay nakatingin sa bahagi ng isang nakikitang iglesya.

Ang pagiging kabilang sa nakikitang iglesya ay pagtanggap sa tawag na “Kristiyano” ngunit, kung walang espiritwal na pagbabago na inumpisahan ng Espiritu ng Diyos sa isang tao, iyon ay simpleng tawag lamang. Ang malaking bahagi ng nakikitang iglesya ay puno ng nominal na Kristiyanismo. Iniwan ni Demas si Pablo “dahil inibig niya ang mundong ito” (2 Timoteo 4:10); Si Demas ay kabilang sa nakikitang iglesya sa loob ng maiksing panahon, ngunit hindi siya kailanman naging kabilang sa hindi nakikitang iglesya at sa huli ay ipinakita niya iyon (tingnan ang 1 Juan 2:19).

Ang hindi nakikitang iglesya na binubuo ng lahat ng mga tinubos ay espiritwal at makalangit at hindi sa mundong ito (Juan 18:36). Gaya ng ipinaliwang ni Jesus, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo” (Lukas 17:20–21).

Ang hindi nakikitang iglesya ay hindi nangangailangan ng pisikal na kagamitan na siyang dahilan kung bakit nakikita ang nakikitang iglesya. Kung aalisin mo ang mga liturhiya mula sa nakikitang iglesya, mananatili ang hindi nakikitang iglesya. Walang nagagawa ang seremonyang panrelihiyon sa hindi nakikitang iglesya: “Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang” (Galatia 6:15). Kung susunugin ang isang gusali ng iglesya, binubuo pa rin ng mga mananampalataya ang iglesya.

Ang mga bagay na nakikita dito sa mundo, kabilang ang mga denominasyon, mga gusaling sambahan, mga aklat ng imno, mga aklat panalangin, at mga pulpito ay lilipas na lahat dahil sila ay panandalian (1 Corinto 7:31). Ang mga bagay ng Diyos na hindi nakikita ay hindi lilipas kailanman dahil sila ay walang hanggan gaya ng tahanan ng Diyos (Lukas 12:33).

Sa Juan 4:20, sinabi ng Samaritana kay Jesus, “Sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Sa ating salita, tinutukoy ng Samaritana ang nakikitang iglesya. Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa hindi nakikitang iglesya: “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem….Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:21–24).

Dapat nating ipakilala ang Diyos sa mundo sa paraan ng ating pamumuhay, “sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban” (Filipos 2:13). Para gawin ito, dapat tayong maging bahagi ng hindi nakikitang iglesya, na “may iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat” (Efeso 2:5–6).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng nakikita at hindi nakikitang iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries