Tanong
Ang mga demonyo ba ay ang mga anghel na nagkasala?
Sagot
Hindi sinabi sa Bibliya ang eksaktong panahon ng nilikha ng Diyos ang mga anghel, ngunit ang natitiyak ay nilikha ng Diyos ang lahat na mabuti. Ang Diyos, sa Kanyang kabanalan ay hindi lilikha ng anumang bagay na masama. Kaya noong si Satanas, na noon ay ang anghel na si Lucifer, ay nagrebelde laban sa Diyos at pinatalsik sa langit (Isaias 14; Ezekiel 28), ang ikatlong porsyento ng bilang ng mga anghel ay nakilahok sa Kanyang paglaban sa Diyos (Pahayag 12:3-4, 9). Walang duda na ang mga nagkasalang anghel ang tinatawag ngayon na mga demonyo.
Alam natin na ang impiyerno ay isang lugar na inihanda ng Diyos para sa Diyablo at sa kanyang mga anghel ayon sa Mateo 25:41: "Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel." Sa paggamit ni Hesus ng salitang "kanyang mga anghel" malinaw na ang mga anghel na ito ay mga kampon ni Satanas. Inilalarawan sa Pahayag 12:7-9 ang labanan sa pagitan ni arkanghel Miguel at ng Diyablo at ang kanyang mga anghel na magaganap sa huling panahon. Mula sa talatang ito at iba pang katulad na talata, malinaw na ang mga demonyo at ang mga nagkasalang anghel ay iisa.
Tinatanggihan ng iba ang ideya na ang mga demonyo ay ang mga anghel na nagkasala dahil sa sinasabi sa Judas 1:6 na ang mga anghel na nagkasala ay "iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw." Gayunman, malinaw sa Bibliya na hindi lahat ng mga anghel na nagkasala ay "nakatanikala" dahil malaya pa rin si Satanas (1 Pedro 5:8). Bakit ibibilanggo ng Diyos ang ibang mga anghel at hinayaan naman na ang namuno sa kanilang rebelyon ay manatiling malaya? Maaaring ang mga anghel na tinutukoy sa Judas 1:6 ay naglalarawan sa kalagayan ng mga anghel na nagsagawa ng iba pang karagdagang rebelyon, at maaaring sila ang mga tinutukoy na "mga anak ng Diyos" sa kabanata 6 ng Genesis.
Ang isang altrenatibong paliwanag tungkol sa pinagmulan ng mga demonyo ay ang mga Nefilim. Nang mamatay diumano ang mga tinatawag na Nefilim sa Genesis 6 sa pamamagitan ng baha noong panahon ni Noe, ang kaluluwa nila ay naging mga demonyo. Habang hindi partikular na tinutukoy ng Bibliya kung ano ang nangyari sa kaluluwa ng mga Nefilim pagkatapos nilang mamatay, mahirap paniwalaan na pupuksain Niya ang mga Nefilim sa pamamagitan ng baha at pagkatapos ay hahayaan Niya ang kanilang kaluluwa na gumawa ng mas lalong malaking kasamaan bilang mga demonyo. Ang pinakabiblikal na paliwanag sa pinagmulan ng mga demonyo ay ang itinuturo ng Bibliya na sila ay mga nagkasalang anghel na kumampi kay Satanas sa pagrerebelde nito laban sa Diyos.
English
Ang mga demonyo ba ay ang mga anghel na nagkasala?