settings icon
share icon
Tanong

Sa anong paraan nagiging mahirap ang pagiging isang Kristiyano?

Sagot


Sinumang nagsasabi na nagiging madali ang buhay pagkatapos itong isuko kay Kristo ay tiyak na hindi nagsasabi ng katotohanan. Oo, may kasapatan at may kagalakan, ngunit hindi madali. Ang katotohanan, sa isang banda, nagiging mahirap ang buhay pagkatapos nating lumapit kay Kristo. Isang bagay ang malinaw na nabanggit, ito ang pakikibaka laban sa kasalanan. Ang katamaran, pagiging matakaw, pagmumura, galit, inggit, pagiging makasarili, pagiging maibigan sa mga bagay na materyal, kasakiman, kalaswaan, at ang mga tukso ay walang katapusang realidad. Ang mundo, ang laman, at ang Diyablo ay hindi umaalis o nawawala dahil lang sa pagkakaroon natin ng isang bagong relasyon kay Kristo.

Ang mga kasalanang nakalista sa Galacia 5:19-21 dalawang libong taon na ang nakararaan ay totoo pa rin sa panahon natin ngayong ika -21 siglo. Kasunod ng listahang ito ang isa pang listahan kung saan inilista ang mga bunga ng Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Ito ay isang pagbabago na naganap mula sa gawa ng laman patungo sa bunga ng Banal na Espiritu na maaring mahirap maunawaan ng sinumang nasa laman.

Ang pagtanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas ay pagtanggap din ng katuwiran sa harapan ng Panginoong Diyos (Roma 10:10). Sa Kanya, tayong lahat ay pinagbuklod na at binigyan ng karapatan na kagaya sa isang anak (Juan 1:12). Dahil kay Kristo, nagkaroon tayong lahat ng kaugnayan sa Dakilang Manlilikha. Madalas na nakakaligtaan na kasama sa pagtanggap kay Kristo bilang tagapagligtas ang pagtanggap sa Kanya bilang Panginoon. Binili tayo sa pamamagitan ng dugo ng anak ng Diyos at nangangahulugan ito ng pagsusuko ng ating sariling kapakanan (1 Corinto 6:20). Sa puntong ito nagsisimula ang pagpapaging-banal at patuloy na pakikipagbaka laban sa laman sa bawat sandali habang tayo ay nabubuhay (Mateo 16:24). Ang pagbabagong-buhay sa Espiritu ang siyang nagpapaalala sa atin na ang lahat ng bagay sa atin ay binago na. Ang komportableng makasalanang pamumuhay natin noon ay binago na ng Panginoon at tuluyan ng naglaho (2 Corinto 5:17).

Mahirap ang pagiging Kristiyano sapagkat kailangan nating harapin ang buhay mula sa iba't ibang sistema ng sanlibutan nang may bagong pananaw mula sa ating Panginoon Diyos. Nabubuhay tayo sa ilalim na sistema ng mundo na ang pinapahalagahan lamang ay ang sariling karunungan. Noong hindi pa tayo naliligtas, basta na lang natin sinasang-ayunan ng hindi man lang pinag-iisipan ang lahat ng mga bagay sa mundo. Nang maligtas tayo, namulat ang ating mga mata sa katotohanan, at nagkaroon tayo ng kakayahan na lumaban sa kasinungalingan kahit na mahirap gawin ang bagay na ito.

Mahirap ang pagiging Kristiyano sapagkat noong maranasan natin ang kaligtasan, tayo ay inihiwalay na rin sa mga bagay at kaparaanan ng mundo. Kahit na binago na ang dati nating pagkatao at mga hilig, ang pagpapaging-banal ay isang proseso at mahirap na karanasan. Nagbago na rin ang pagtingin sa atin maging ng ating mga kaibigan; sinisimulan na ring tanungin ng ating mga kapamilya ang ating mga ginagawa at bagong grupong kinabibilangan. Pakiramdam nila ay tinatanggihan natin sila, kinagagalitan at hindi ipinagsasanggalang. Hindi nila alam ang dahilan kung bakit hindi na tayo maaari pang magpatuloy sa dati nating pamumuhay.

Mahirap ang pagiging Kristiyano sapagkat nangangailangan ito ng paglagong espiritwal. Higit ang pag-ibig sa atin ng Panginoong Diyos kung kaya’t hindi Niya papahintulutan namananatiling walang pag-unlad ang ating pananampalataya. Maaaring masakit at mahirap ang pagpapalagong ito at madalas na hindi natin nais iwanan ang ating mga dating nakagawian, ngunit sa kabila ng mga paghihirap na ito ay may gantimpala. At habang lumalago tayo kay Kristo, nalalaman natin na hindi lamang nais ng Diyos na baguhin ang ilang bahagi ng ating pagkatao kundi ang lahat sa ating buhay. Nais ng Diyos ang buhay na nakalaan lamang sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagsunod at pagtitiwala sa ilalim ng Kanyang patnubay, makakasumpong tayo ng kapahingahan sa buhay.

Mahirap ang pagiging Kristiyano sapagkat kailangan nating tumanggi laban sa pagnanasa ng laman at patuloy na nagpapasakop sa Banal na Espiritu. Matututunan nating harapin ang problema sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa init ng ulo. Matutunan nating magpatawad sa halip na maghiganti. Matutunan nating malunasan ang magulong damdamin na dulot ng makamundong pag-ibig. Dahil Kay Kristo, natanggap natin ang totoo at tapat na pagmamahal. Sa bawat paglimot sa ating sariling kapakanan, higit ang pagkakataong lumago sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod at pagpapasakop sa Panginoon.

Tunay nga na mahirap ang pagiging Kristiyano sa lahat ng bagay. Sa kabilang banda, ang isang mananampalataya ay hindi naghihirap sa kanyang ganang sarili lamang. Ang bawat paghihirap ay may kaakibat na tulong mula sa Espiritu ng Diyos na Siyang nananahan sa atin (Filipos 4:13). Ang tapat na lingkod ni Kristo ay hindi kailanman ganap na magagapi (2 Corinto 4: 8-9).

May mga tiyak at walang hanggang gantimpala sa mga tapat na lingkod ni Kristo (Lukas 18: 29-30). Sa pamamagitan ng karanasan, nalalaman natin na ang mga paraan ng Diyos ay tiyak na mas mahusay at mabuti kaysa sa ating kaparaanan, mas ligtas, at mas maaasahan kaysa sa mga kaparaanan ng mundong ito. Ang ating pagtitiwala at pagsunod sa Panginoong Diyos ay daluyan ng isang bago at masaganang buhay kay Kristo (Juan 10:10). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sa anong paraan nagiging mahirap ang pagiging isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries