settings icon
share icon
Tanong

Paano makapagtatagumpay sa pananampalataya sa isang mundong lumalaban sa mga Kristiyano?

Sagot


Bilang mga Kristiyano, ang dalawang bagay na dapat nating gawin ay ang manindigan para kay Kristo sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita at lumago sa ating kaalaman sa Kanya. Sinabi ni Hesus, “paliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao…” (Mateo 5:16). Nangangahulugan ito na dapat tayong mamuhay at kumilos sa isang paraan na maipahahayag ang Ebanghelyo. Dapat din nating armasan ang ating sarili para sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo (Efeso 6:10-17) sa mga taong nakapaligid sa atin. Sinasabi sa 1 Pedro 3:15, “Idambana ninyo sa inyong puso si Cristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa.” Ang ating tanging magagawa ay mamuhay at magturo kung paano namuhay at nagturo ang Panginoong Hesu Kristo at ipaubaya natin sa Kanya ang lahat ng resulta.

Kamakailan ay naging tila lalong palaban ang mga kritiko ng Kristiyanismo. Ito ay maaaring dahil sa napakaraming tao na ang hindi naniniwala o hindi nakakaintindi sa katotohanan tungkol sa Diyos. Ngunit ang malinaw na dahilan sa pagdami ng mga lumalaban sa Kristiyanismo ay ang pagkakaroon ng maling pananaw. Gaya ng maraming paksa, ang mga totoong nanlalait sa Kristiyanismo ang pinakapalaban sa lahat ng hindi mananampalataya. Ang karamihan ng mga hindi mananampalataya ay hindi nakakaisip na gambalain ang mga mananampalataya. Ang ilan na nagagalit, nagsasalita laban sa Kristiyanismo at nasasaktan ang siyang lumilikha ng ingay upang isipin sa biglang tingin na sila ay nakararaming bilang ng mga hindi mananampalataya.

Ang tipikal na panginsulto ng mga taong walang relihiyon ay ang pagtukoy sa mga mananampalataya bilang mga “ignorante,” “hangal,” at mga “naloloko,” o kaya naman ay ang pagpapahiwatig na ang mga mananampalataya ay hindi kasing talino ng mga hindi mananampalataya. Kung buong katalinuhang manindigan ang isang Kristiyano sa kanyang pananampalataya, ang tawag sa kanya ay nababago mula sa pagiging “panatiko” ay nagiging “ekstremista.” Kung ang isang mananampalataya ay mabait at mapagmahal, ang mga ateista ay nagmumukhang hangal gaya ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kanila (Awit 53:1). Nakararaming hindi mananampalataya ang naimpluwensiyahan lamang ng mga maiingay na taong lumalaban sa Kristiyanismo kaya’t ipinagpapalagay nila na gayon nga ang mga Kristiyano. Kailangan nilang makita ang halimbawa ng pamumuhay na katulad ni Kristo upang makita ang katotohanan.

Siyempre, kung may mga nagaangking Kristiyano ngunit nagsasalita o gumagawa naman ng mga bagay na hindi ayon sa utos ni Kristo, tatawagin sila ng mga galit at maiingay na kalaban ng Kristiyanismo bilang mga relihiyosong ipokrito. Ito ay isang bagay na sinabi na noon pa sa Bibliya na ating dapat asahan (Roma 1:28-30; Mateo 5:11). Ang pinakamagandang bagay na dapat gawin ay magbanggit ng talata sa Bibliya na komokontra sa mga ginagawa ng tao. Dapat paalalahanan ang mga ateista na hindi dahil sinasabi ng isang tao na siya ay Kristiyano, at kahit pa iniisip ng isang tao na siya ay Kristiyano, hindi iyon nangangahulugan na ang taong iyon ay tunay ngang Kristiyano. Sinasabi sa atin sa Mateo 7:16-20 na ang mga tunay na mananampalataya ay makikilala sa kanilang mga gawa, hindi lamang sa kanilang mga sinasabi. Dapat ding paalalahanan ang mga kritiko na walang sinumang nabubuhay sa mundo ang hindi na nagkakasala (Roma 3:23).

Ang isang mahalagang bagay na dapat tandaan ay walang sinuman ang makakapilit sa isang tao na manampalataya sa isang bagay na ayaw niyang paniwalaan. Kahit gaano karami at kalakas ang ebidensya o kahit ano pa ang argumento, paniniwalaan ng mga tao ang gusto nilang paniwalaan (Lukas 12:54-56). Hindi trabaho ng isang Kristiyano ang humatol sa tao. Ang Banal na Espiritu ang humahatol sa mga tao (Juan 14:16-17), at pipiliin nila kung maniniwala sila o hindi. Ang ating tannging magagawa ay ipakita sa mga tao ang ating pagiging tulad ni Kristo sa abot ng ating makakaya. Nakalulungkot na maraming ateista ang ginagamit ang Bibliya bilang panlaban sa mga Kristiyano at napakaraming Kristiyano ang hindi rin naniniwala sa Bibliya.

Mahirap para sa mga nagagalit na kalaban ng Kristiyanismo ang akusahan ang mga Kristiyano ng pagiging puno ng poot at panatiko kung ipinakikita ng mga Kristiyano sa kanilang buhay ang kabutihan, pagpapakumbaba at kahabagan. Kung kaya ng isang Kristiyano na makipagusap, makipagdebate o magpabulaan sa mga argumento ng mga kalaban ng Kristiyanismo sa isang matalinong paraan, hindi na nila maituturing ang Kristiyanong iyon na ignorante o walang alam. Kung kaya ng isang Kristiyano na kabisaduhin ang mga pangangatwiran ng mga makasanlibutan at kayang ipakita ang mga kamalian ng kanilang paniniwala sa isang matalino at mahinahong pamamaraan, makatutulong ito upang mawalan ng lakas ang argumento ng mga ateista. Ang kaalaman ay isang mabisang sandata at hindi ito kayang gapiin kung ang Panginoong Hesu Kristo ang gagabay at magbibigay sa atin ng direksyon sa paggamit nito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano makapagtatagumpay sa pananampalataya sa isang mundong lumalaban sa mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries