Tanong
Nagmana ba tayong lahat ng kasalanan mula kay Adan at Eba?
Sagot
Oo, lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan mula kay Adan at Eba. Inilarawan ng Bibliya ang kasalanan bilang pagsuway sa utos ng Diyos (1 Juan 3:4) at rebelyon laban sa Diyos (Deuteronomio 9:7; Josue 1:18). Sa Genesis 3, inilarawan ang pagrerebelde ni Adan at Eba laban sa Diyos at sa Kanyang utos. Dahil sa pagsuway ni Adan at Eba, namana ng lahat ng lahing nagmula sa kanila ang kanilang kasalanan. Sinasabi sa atin sa Roma 5:12 na sa pamamagitan ni Adan, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan kaya't ang kamatayan ay naipasa sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala. Ang ipinasang kasalanan na ito ang tinatawag na ‘minanang kasalanan.’ Kung paanong nagmana tayo ng pisikal na katangian mula sa ating mga magulang, tayo rin ay nagmana ng makasalanang kalikasan mula kay Adan.
Nilikha si Adan at Eba ayon sa imahe at wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27; 9:6). Sa ganitong paraan, tayo ay nilikha rin naman sa imahe at wangis ni Adan (Genesis 5:3). Nang bumagsak si Adan sa kasalanan, ang resulta noon ay ‘nahawa’ ang lahat ng taong nanggaling sa kanya ng kanyang kasalanan. Naghimutok si David dahil sa katotohanang ito sa isa sa kanyang mga awit: "Ako'y masama na buhat nang iluwal, makasalanan na nang ako'y isilang" (Awit 51:5). Hindi ito nangangahulugan na ipinaglihi siya ng kanyang ina mula sa isang makasalanang relasyon; sa halip, nagmana din ang kanyang magulang ng makasalanang kalikasan sa kanyang mga magulang, at ang kanyang mga magulang sa kanilang mga magulang. Nagmana si David ng kasalanan mula sa kanyang mga magulang, gaya din naman nating lahat. Kahit na gustuhin nating mamuhay ng isang makatwirang buhay, makasalanan pa rin tayo dahilan sa ating minanang kasalanan.
Ang pagkasilang sa atin bilang mga makasalanan ang dahilan kung bakit tayo makasalanan. Pansinin ang progreso ng Roma 5:12: Pumasok ang kasalanan sa sanlibutan sa pamamagitan ni Adan, pagkatapos nagbunga ng kamatayan ang kasalanan at ang kamatayan ay kumalat sa lahat ng tao. Ang lahat ng tao ay nagkasala dahil nagmana sila ng kasalanan kay Adan. Dahil "ang lahat ay nagkasala at walang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23), kailangan natin ang isang perpekto at banal na handog upang hugasan ang ating mga kasalanan, isang bagay na wala tayong kapangyarihang gawin sa ating sariling kakayahan. Salamat dahil ibinigay ng Diyos si Hesu Kristo, ang Tagapagligtas mula sa kasalanan! Ang ating mga kasalanan ay kasamang napako ni Hesus sa krus at "tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo'y pinatawad na ang ating mga kasalanan" (Efeso 1:7). Ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang karunungan ay nagkaloob ng lunas para sa ating minanang kasalanan at ang lunas ay sapat para sa lahat: "Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na ipinangaral sa inyo na ang kapatawaran ng kasalanan ay sa pamamagitan ni Jesus" (Gawa 13:38).
English
Nagmana ba tayong lahat ng kasalanan mula kay Adan at Eba?