Tanong
Ano ang mga lalang ng diyablo sa Efeso 6:11?
Sagot
Ang mga pandaraya o panlilinlang ay mga gawain ng pagmamanipula para lokohin ang isang tao. Ang mga panlilinlang ng diyablo ay ang mga matatalinong pakana na ginamit ni Satanas upang mabitag tayo sa pamamagitan ng tukso, pagbabanta, o pananakot. Ang Efeso 6:11 ay nagbabala sa atin na “Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo”. Ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan sa mga taktika ng ating kaaway: “hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan” (2 Corinto 2:11), at matalino tayong sundin ang mga babala nito.
Narito ang ilan sa mga panlilinlang ng diyablo na nakikita natin sa Banal na Kasulatan:
1. Hinahamon ang Salita ng Diyos. Binibigyan tayo ng Genesis 3 ng detalyadong pagtingin sa taktikang ito ng ating kaaway. Ito ay humantong sa unang kasalanan ng tao, at ginagamit pa rin ito ni Satanas dahil napakahusay nito. Ang mga unang naitalang salita ng diyablo, sa pamamagitan ng ahas, ay ang mga ito: “Talaga bang sinabi ng Diyos?” ( Genesis 3:1 ). Sa mga salitang iyon, inanyayahan ng diyablo ang babae na muling isaalang-alang kung ano ang naunawaan niyang sinabi ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanyang sariling interpretasyon bilang tao, nakumbinsi niya ang kaniyang sarili na ang Salita ng Diyos ay napakahigpit.
Sa pagmumungkahi na dapat nating suriin muli ang malinaw na turo ng Salita ng Diyos, inaanyayahan tayo ni Satanas na idagdag ang sarili nating interpretasyon at sa gayon ay mapawalang-bisa ang nakasaad na kalooban ng Diyos. Ang buong denominasyon ng simbahan ay nabibiktima ng mga panlilinlang na ito ng diyablo. “Sinabi ba talaga ng Diyos na mali ang homosekswalidad?” siya ay sumisingit, at ang mga simbahan ay gumuguho. “Talaga bang sinabi ng Diyos na dalawa lang ang kasarian?” nagmumungkahi siya na nag-aanyaya sa atin na ilagay ang sarili nating interpretasyon sa realidad, ginagawa ang ating sarili na mga diyos kapalit ng Panginoon. Sinasabi ng Efeso 6:11 na kailangan nating mabihisan ng buong baluti ng Diyos upang mapaglabanan ang gayong mga pandaraya.
2. Hinahamon ang ating pagkakakilanlan. Ang Lucas 4:1–13 ay nagbibigay ng kaalaman sa ilang mga panlilinlang ng diyablo. Dumating si Satanas laban kay Jesus upang tuksuhin Siya sa ilang. Sa dalawang magkaibang pagkakataon, sinimulan ni Satanas ang kanyang mga tukso sa mga salitang ito: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos”. Alam na alam ni Satanas kung sino si Jesus (Marcos 1:34). Naroon si Jesus nang bumagsak si Satanas “tulad ng kidlat mula sa langit” (Lucas 10:18). Kapansin-pansin, ang diyablo ay pumili ng isang panahon na si Jesus ay pisikal na mahina at nagugutom upang atakihin ang Kanyang pagkakakilanlan.
Ganoon din ang ginagawa ni Satanas sa atin. Para maging mas epektibo ang kanyang mga panlilinlang, tinutukso niya tayo sa panahon ng isang krisis o isang espiritwal na pakikibaka at nagmumungkahi, “Kung ikaw ay anak ng Diyos, hindi ito mangyayari. Kung talagang Kristiyano ka, tutulungan ka ng Diyos ngayon.” Muli, kailangan natin ang “helmet ng kaligtasan” na matatag na nakasuot upang mapaglabanan ang gayong mga pag-atake laban sa ating pagkakakilanlan at karakter ng Diyos (Efeso 6:17).
3. Binabaluktot ang Kasulatan. Isa pa sa mga panlilinlang na ginamit ng diyablo laban kay Hesus ay ang pagbanggit ng Kasulatan, ngunit ito’y binabaluktot. Sa Lucas 4:10–11, binanggit ni Satanas ang Awit 91:11–12 sa pagsisikap na hikayatin si Jesus na kumilos ayon sa laman sa halip na sundin ang Espiritu (tingnan sa Galacia 5:16, 25). Ngunit nabigo si Satanas na makumpleto ang ibig sabihin ng salmo. Ang susunod na talata, Awit 91:13 ay nagsasabi, “Iyong yayapakan ang leon at ang ulupong; yuyurakan mo ang malaking leon at ang ahas.” Ang mga hayop na nabanggit na iyon ay mga metapora para sa mabangis at mapanganib na mga kaaway—at ang diyablo ay inihalintulad sa parehong leon at ahas sa Banal na Kasulatan (Genesis 3:15; Pahayag 20:2; 1 Pedro 5:8; cf. Roma 16:20). Ang tunay na kahulugan ng talata sa Awit 91 ay poprotektahan at bibigyan ng kapangyarihan ng Diyos ang Kanyang mga lingkod sa kanilang pagdaig sa kaaway na si Satanas. Ang isa sa mga panlilinlang ng diyablo ay ang pag-iwan sa mga pangunahing bahagi ng Kasulatan upang baluktutin ang kahulugan nito upang umangkop sa kanyang layunin.
4. Nag-aalok ng mapang-akit na alternatibo sa pagsunod. Ang isa pang pakana o panlilinlang ng diyablo na ginamit sa pagtukso kay Jesus ay magmungkahi ng ibang landas, pag-iwas sa mahigpit na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa kanyang katusuhan, alam ni Satanas na mayroong mas higit na dapat imungkahi Kay Jesus kesa kalimutan ang buong plano ng kaligtasan at bumalik sa langit. Sa halip, nag-alok siya ng alternatibo. Sa Lucas 4:5–7, “Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.’” Ang tuksong ito ay nakatutok sa sangkatauhan ng Anak ng Tao. Alam na ngayon ni Jesus kung ano ang pakiramdam ng nasa laman. Alam Niya kung ano ang pakiramdam ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Alam Niya kung ano ang pakiramdam ng pagtanggi at pangungutya noong Siya ay hinubaran at ipinarada sa harap ng mga tao. Si Satanas ay nag-aalok sa Kanya ng isang pakikipagkompromiso. Paano kung maililigtas ni Jesus ang sanlibutan nang hindi kailangang magdusa ng pagpapako sa krus? Paano kung hindi na Siya dumaan sa proseso at angkinin ngayon din ang lahat ng mga kaharian sa mundo?
Ang isa sa pinakamasamang pandaraya ng diyablo ay ang kanyang kakayahang mag-alok ng isang kompromiso na may bahid ng relihiyon. Alam niyang hindi siya makakalapit sa mga tunay na mananampalataya na may malakas na paninindigan sa kanilang mga pinahahalagahan at pinaniniwalaan. Kaya dumadaan siya sa likuran at nagpapakilala bilang isang kaibigan na may katanggap-tanggap na alternatibo: “Oo, sa teknikal na paraan, maaaring mali para sa isang tao na manirahan sa iisang bubong kasama ang isang kasintahan, ngunit maaari kang magpatotoo sa kanya habang pinapanood ka niyang isinasabuhay ang iyong pananampalataya.” O ito: “Hindi mo kailangang pumunta sa simbahan para maging espiritwal. Mas makakakonekta ka sa Diyos na nag-iisa sa kagubatan. Ang mga taong iyon ay pawang mga mapagkunwari, at ikaw ay sobrang matuwid para makihalubilo sa kanila.” Dapat tayong mag-ingat sa mga panlilinlang ng diyablo sa tuwing nag-aalok siya ng isang bagay maliban sa ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay madalas na nagtuturo ng mga panlilinlang ng diyablo sa mga iglesya na nahuhulog dito at dapat natin itong tandaan. Ang presensya ng mga bulaang propeta (1 Timoteo 6:3–5), mga abala sa mga makalupang bagay (1 Pedro 4:15), mga mangangalunya (1 Timoteo 1:9–10), at mga mang-aakit (Pahayag 2:20) ay bahagi lahat ng plano ni Satanas upang pahinain ang simbahan mula sa loob.
Upang labanan ang mga lalang ng diyablo, ang mga tagasunod ni Kristo ay kailangang manatiling nakasuot ng baluti ng Diyos. Dapat tayong manatiling babad sa Kanyang Salita upang makilala natin ang kanyang mga panlilinlang. At kapag napagtanto natin na tayo ay nahulog sa mga panlilinlang ng diyablo, dapat tayong magsisi kaagad at hanapin ang makadiyos na pananagutan. Hinihikayat ng Awit 37:23–24 ang mga nagnanais na mamuhay ng makadiyos: “Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.” Kapag hinahawakan ng Panginoon ang ating kamay, hindi tayo mapipinsala ng diyablo.
English
Ano ang mga lalang ng diyablo sa Efeso 6:11?