settings icon
share icon
Tanong

May kalayaan bang magpasya ang mga anghel?

Sagot


Bagama’t binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa mga anghel ng mahigit sa 250 beses, ang mga banggit ay kalimitang kaugnay sa ibang paksa. Ang kaalaman sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga anghel ay tiyak na makakatulong sa ating pangunawa sa Diyos at sa Kanyang mga layunin, ngunit ang matututunan tungkol sa mga anghel mismo ay laging nakukuha sa hindi gaanong malinaw na paglalarawan.

Ang mga anghel ay mga nilalang na espiritu na may mga katangian na kinapapalooban ng emosyon (Lukas 2:13-140, katalinuhan (2 Corinto 11:3, 14) at kalooban (2 Timoteo 2:26). Si Satanas ay isang anghel na pinalayas mula sa langit kasama ang iba pang maraming anghel na nagpasyang sumunod sa kanya at piniling magkasala laban sa Diyos (2 Pedro 2:4). Tungkol sa kalayaang magpasya, ipinapakita sa atin sa Bibliya na sinasanay nila ang kanilang kakayahang pumili (Judas 1:6).

May ilang iskolar na naniniwala na may tinatawag na “panahon ng pagsubok” para sa mga anghel kagaya ng panahon noong sina Adan at Eba ay nasa hardin ng Eden. Ang mga anghel na piniling hindi magkasala at hindi sumunod kay Satanas ay tinatawag na mga anghel na “hinirang” (1 Timoteo 5:21), at nakumpirma ito sa kanilang kabanalan. Ang mga anghel na ito ay tinukoy din bilang mga “banal na anghel” (Markos 8:38) at “mga banal” (Awit 89:5).

Kahit na ang mga anghel na hinirang ay nakumpirma sa kanilang kabanalan, hindi ito nangangahulugan na wala na silang kalayaang magpasya sa kanilang sarili. Ang tiyak, ang bawat nilikhang nabubuhay ay gumagawa ng desisyon ayon sa kanilang malayang pagpapasya sa bawat sandali ng kanilang buhay. Maaaring may kakayahang magkasala ang mga banal na anghel, ngunit hindi ito nangangahulugan na magkakasala pa sila.

Upang tulungan tayong maunawaan ang isyung ito, maaari nating ikunsidera ang buhay ng Panginoong Hesu Kristo. “Tinukso Siya sa lahat ng paraan” (Hebreo 4:15), ngunit hindi Siya nagkasala. May kakayahan si Hesus na piliin ang Kanyang anumang maibigan (Juan 10:17-18). Gayunman, ang prayoridad ni Hesus ay laging bigyang kasiyahan ang Kanyang Ama, at ito ang Kanyang laging pinipili (Juan 4:34). Sa ganito ring paraan, ang mga anghel na hinirang ay nagpupuri at naglilingkod sa Diyos dahil pinili nilang gawin iyon. Sumusunod sila sa Diyos dahil ito ang kanilang pinakananais.

May kalayaang pumili ang tao, ngunit lagi silang nakikipaglaban sa kasalanan dahil sa kanilang makasalanang kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit nagkakasala ang lahat ng tao (Roma 5:12) at napakahirap para sa kanila na “maging mabuti” kaysa sa “maging masama.” Walang makasalanang kalikasan ang mga banal na anghel. Walang nagtutulak sa kanila upang magkasala sa halip, ang ninanais nila ay ang paggawa ng katuwiran at gawin ang lahat ng bagay na nagbibigay kasiyahan sa Diyos.

Sa pagbubuod, ang mga banal na anghel ay may kalayaang pumili at magpasya, ngunit malinaw na sinasabi sa Bibliya na hindi sila magkakasala. Sa paglalarawan ni Apostol Juan sa langit, isinulat niya na wala na doong pagdadalamhati, pagluha, o sakit (Pahayag 21:4), at hindi doon pahihintulutang makapasok ang sinumang gumagawa ng masama (Pahayag 21:27). Ang mga anghel na hinirang sa langit ay walang kasalanan at hindi magkakasala kailanman laban sa Diyos.
English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May kalayaan bang magpasya ang mga anghel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries