Tanong
Talaga bang mayroong mga demonyo?
Sagot
Ipinapakilala ng Bibliya ang mga demonyo bilang mga totoo at aktwal na mga nilalang. Gayunman, ang paglalarawan ng Bibliya sa mga demonyo ay malayong-malayo sa popular na konsepto sa kanila ng mga tao. Inilalarawan ng Bibliya ang mga demonyo bilang mga makapangyarihan ngunit limitado at ganap na talunang mga nilalang. Sila ay mga anghel na sumunod at kumampi kay Satanas sa kanyang pagrerebelde laban sa Diyos (Pahayag 12:3–4). Hindi nagbibigay ang Bibliya ng maraming mga detalye tungkol sa mga demonyo, pero nagbibigay ito ng sapat na impormasyon para pabulaanan ang mga karaniwang maling paniniwala.
Tinatawag ang mga demonyo sa ibang pangalan gaya ng “maruruming espiritu,” at “masasamang espiritu.” Ang ilan sa mga diyus-diyusan na pinagaalayan ng mga handog na tao ay inilarawan bilang mga aktwal na demonyo (2 Cronica 11:15; Deuteronomio 32:17). Dahil ang mga demonyo ay mga anghel na pinalayas mula sa langit, nagtataglay sila ng parehong antas ng kapangyarihan at impluwensya gaya ng mga anghel ng Diyos. Gayunman, tila ipinapahiwatig ng Kasulatan na nilimitahan ng Diyos ang kanilang mga kakayahan (2 Tesalonica 2:6–7). Ipinapahiwatig ng Bibliya na hindi lahat ng sakit at paghihirap ay dahil sa impluwensya ng mga demonyo (Mateo 10:1; Lukas 8:2). Ang karamihan sa impluwensya ng demonyo ay sa espiritwal hindi sa pisikal.
Karaniwang inilalarawan ng makabagong kultura ang mga demonyo na gaya sa isang halimaw. Kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng naglalaway na pangil, matatalas na kuko, mabalahibong pakpak at iba pa. O kaya naman, inilalarawan sila bilang mga anino o mga multo. Wala kahit isa sa mga ito ang ayon sa Bibliya. Sa katotohanan, hindi inilalarawan ng Bibliya ang mga demonyo sa anyong pisikal. Gaya ng mga anghel ng Diyos, ang mga demonyo ay mga espiritwal na nilalang na ang pangunahing impluwensya ay sa espiritwal kaya sila ay walang pisikal na anyo. Kung gagamit sila ng anumang pisikal na anyo, mas malamang na mag-anyo silang maganda at kaakit-akit kaysa sa nakakatakot (2 Corinto 11:14).
Kaya ang mga demonyo ay mga literal at aktwal na mga nilalang. Totoo ang mga demonyo na inilalarawan sa Bibliya. Gayunman, walang mga demonyong gaya ng ipinapakita sa mga pelikulang horror at sa mga maskarang isinusuot tuwing Halloween.
English
Talaga bang mayroong mga demonyo?