Tanong
Ano ang masasamang espiritu?
Sagot
Ang masasamang espiritu ay binanggit sa parehong Luma at Bagong Tipan ngunit lagi silang tinatawag sa ibang pangalan gaya ng “maruruming espiritu,” o “mahahalay na espiritu,” “mga mapanlinlang na espiritu” o “mga sinungaling na espiritu,” “mga espiritu ng demonyo,” at “mga demonyo.” Sa lahat ng mga kaso, ang masasamang espiritu ay mga supernatural na nilalang na may masamang hangarin. Gumagawa ang masasamang espiritu laban sa Diyos, ngunit sinasabi din sa atin ng Bibliya na maaaring gamitin ng Diyos ang masasamang espiritu ayon sa Kanyang walang hanggang kapamahalaan para ganapin ang kanyang mga plano at layunin na ipinapakita na Siya ang namumuno sa lahat ng bagay at nilalang sa buong sansinukob.
Hindi inihahayag sa Bibliya ang pinagmulan ng masasamang espiritu. Maaaring sila ay mga anghel na nagkasala kasama ni Satanas (Mateo 25:41; Pahayag 12:7–9). Habang ang masasamang espiritu ay umiiral bilang bahagi ng pamunuan ng kasamaan (Efeso 6:12) kasama ni Satanas bilang kanilang pinuno (Mateo 12:24), wala silang kapangyarihan para ganap na hindi magpasakop sa pamumuno ng Diyos.
Karamihan sa masasamang espiritu na binanggit sa Lumang Tipan ay ipinadala ng Diyos bilang parusa sa mga taong suwail (1 Hari 22:20–23). Sa aklat ng mga Hukom 9:23, isang masamang espiritu ang ginamit ng Diyos para hatulan si Abimelec at ipaghiganti ang pagpatay sa mga anak ni Gideon. Hindi ang Diyos ang lumikha ng kasamaan, ngunit maaari Niyang pahintulutan ang kapangyarihan ng masama, sa ilalim ng Kanyang kontrol para maganap ang Kanyang plano.
Ipinadala ng Panginoon ang isang masamang espiritu para ipakita na Kanya ng tinanggihan si Saul bilang hari. Ang masamang espiritu ang nagpahirap kay haring Saul: “Samantala, ang Espiritu ni Yahweh ay umalis na kay Saul at sa pahintulot ni Yahweh, isang masamang espiritu naman ang nagpahirap kay Saul. Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Pinahihirapan kayo ng isang masamang espiritu galing sa Diyos’” (1 Samuel 16:14–15).
Sa Bagong Tipan, ang salitang demonyo ay laging ginagamit bilang panghalili sa salitang “masamang espiritu.” Ang masasamang nilikhang ito ay nagpaparumi at nagpapahirap sa mga tao. Ang kanilang layunin ay manakit sa pisikal, magbigay ng kapansanan, at karamdaman sa halip na kasamaan sa moralidad.
Nagpalayas si Jesu Cristo ng masasamang espiritu mula sa mga taong inaalihan nila (Mateo 8:16; Markos 5:1–13; 7:24–30) at binigyan Niya ang Kanyang mga alagad ng kapangyarihan para magpalayas ng mga demonyo sa Kanyang pangalan (Mateo 10:1; Gawa 5:12–16; 8:4–8; 16:18). Kilala ng masasamang espiritu si Jesus at hahatulan Niya sila at parurusahan sa hinaharap (Mateo 8:29; Markos 1:24; 5:7).
Sa mga huling panahon, maraming tao ang madadaya ng masasamang espiritu at ng mga maling paniniwala na kanilang isinusulong (1 Timoteo 4:1). Inilarawan sa aklat ng Pahayag ang mga mapanlinlang na espiritu na magkakaroon ng mahalagang papel sa mga huling araw: “At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw, at sa bunganga ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. “Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Pinagpala ang nananatiling gising at nag-iingat ng kanyang damit. Hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa harap ng mga tao!” At ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon” (Pahayag 16:13–16).
Sa Lukas 11:24–26, mababasa natin ang halimbawa ng masasamang espiritu na may kinalaman sa masasamang gawain. Sinabi ni Jesus ang isang talinghaga para ituro na ang pagtalo kay Satanas at pagpapalayas ng masasamang espiritu ay hindi ang ultimong layunin ng buhay Kristiyano. Ang mga tunay na alagad ay gagawa ng higit pa kaysa sa pagpapalayas lamang ng masasamang espiritu. Para pigilan ang pananatili ng kasamaan sa ating mga espiritwal na tahanan, dapat nating punuin ang ating mga buhay ng mabubuting bagay ng Diyos at ng Kanyang paghahari.
Hindi dapat pakitunguhan o ipagwalang bahala ang masasamang espiritu. Sila ay bahagi ng masasamang hukbo ni Satanas na mga kaaway ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Isinusulong ng masasamang espiritu ang kurapsyon, malisya, at kasamaan sa mundo at sa mga tao. Kalaban sila ng kabanalan, kabutihan, katuwiran, liwanag at pag-ibig ng Diyos. Bilang kasalungat ng Banal na Espiritu, ang masasamang espiritu ay kumakatawan sa lahat ng kasalungat ng katangian, kalikasan, at kalooban ng Diyos. Nilalabanan nila ang gawain ng Diyos at ni Jesu Cristo at dapat silang laging labanan ng mga mananampalataya: “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos” (1 Pedro 5:8–9; tingnan din ang Efeso 6:13 at Santiago 4:7).
English
Ano ang masasamang espiritu?