Tanong
Ano ang ibig sabihin ng salitang Maranatha?
Sagot
Ang salitang Maranatha ay isang salitang Aramaiko na nangangahulugang "Ang Panginoon ay dumarating" o "Dumating ka O Panginoon." Humarap ang unang iglesya sa maraming paguusig, at hindi madali ang buhay para sa isang Kristiyano sa ilalim ng pamamahala ng bansang Roma. Hinihingi ng mga Romano sa bawat mamamayan na kilalanin ang Ceasar bilang diyos. Alam ng mga unang Kristiyano na iisa lang ang Diyos at iisa ang Panginoon—si Jesu Cristo—at hindi kaya ng kanilang budhi na tawagin ang "emperador" bilang "diyos" o "Panginoon," kaya itinuring sila ng mga Romano na mga traydor, at pinagusig sila at pinagpapatay.
Sa pamumuhay sa napakahirap na kalagayang iyon, nakakapagpataas sa moral ng mga mananampalataya ang kanilang pag-asa sa pagdating ng Panginoon. Ang "Maranatha!" ay naging isang pangkaraniwang pagbati ng mga inuusig na mananampalataya, at pinalitan nila ang pagbati ng mga Judio na shalom ("kapayapaan"). Alam ng mga tagasunod ni Jesus na hindi magkakaroon ng kapayapaan dahil sinabi na ito sa kanila ni Jesus noon pa man (Mateo 10:34; Lukas 12:51). Ngunit alam din nila na ang Panginoon ay babalik na muli upang itatag ang Kanyang kaharian sa lupa, at sa katotohanang ito sila kumukuha ng malaking kaaliwan. Palagi nilang inaalala na muling magbabalik ang Panginoong Jesu Cristo (Lukas 21:28; Pahayag 22:12). Itinuro ni Jesus ang ilang talinghaga sa parehong temang ito ng pagbabantay at paghihintay at pagiging handa sa Kanyang muling pagparito (Mateo 25:1-13; Lukas 12:35-40).
Sa kasalukuyan, ang mga sumasampalataya sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu Cristo ay nabubuhay sa kaalaman na maaari Siyang dumating anumang oras. Dapat tayong maging handa sa Kanyang pagparito. Dapat nating asahan araw-araw na Siya ay darating, at dapat tayong manabik sa Kanyang pagparito araw-araw. Ipinapaalala sa atin ng salitang Maranatha na ituon ang ating mga mata sa mga walang hanggang bagay. Ang pagtutuon ng pansin sa mga materyal na bagay ay pamumuhay sa kaguluhan ng isipan sa tuwina. Sa ating pagtingin sa ibaba, nakikita natin ang lupa, sa ating pagtingin sa ating paligid, nakikita natin ang mga bagay sa sanlibutan. Ngunit sa ating pagtingin sa itaas, nakikita natin ang pag-asa ng nalalapit na pagbabalik ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa lahat ng pinanghihinaan ng loob ngayon, Maranatha! Sa lahat ng nababalisa ngayon, Maranatha! Sa lahat ng puno ng kabigatan dahil sa mga problemang nararanasan ngayon, Maranatha! Ang Panginoon ay tiyak na darating!
English
Ano ang ibig sabihin ng salitang Maranatha?