Tanong
Ano ang susi upang tunay na maranasan ang Diyos?
Sagot
Bagamat sobrang napakasikat ang konsepto ng “karanasan sa Diyos” sa mga grupong Kristiyano, ang konseptong ito ay hindi malinaw na makikita sa Bibliya. Maraming mga utos sa Kasulatan tungkol sa kung paano makipagrelasyon sa Diyos, ngunit ang pagkakaroon ng karanasan sa Diyos ay hindi isa sa kanila. Dapat nating ibigin ang Diyos ng ating buong puso (Deuteronomio 6:5), sundin Siya (Deuteronomio 27:10; 1 Juan 5:2), pagtiwalaan Siya (Juan 14:1), katakutan Siya (Mangangaral 12:13; 1 Pedro 2:17), at iba pa. Ngunit hindi makikita saan man sa buong Bibliya na kailangan nating magkaroon ng karanasan sa Diyos. Sa diskyunaryo, ang salitang “karanasan” ay isang pandiwa at ito ay binigyang kahulugan gaya ng mga sumusunod: 1) “makilahok” o “sumailalim,” 2) “madala ng emosyon o kumilos sa pamamagitan ng,” at 3) matuto sa pamamagitan ng karanasan.”
Ano ngayon ang kahulugan ng “karanasan sa Diyos,” at ano ang ating dapat na maging saloobin patungkol dito? Kung magsisimula tayo sa pakahulugan ng diksyunaryo sa salitang karanasan at pagsasama-samahin natin silang lahat at ilalapat ang mga iyon sa ating relasyon sa Diyos, magkakaroon tayo ng ganitong pakahulugan: “pakikiisa sa kalikasan ng Diyos, mapakilos ng Diyos, at matutunan ang Diyos sa pamamagitan ng pagiging pamilyar sa Kanyang ginagawa sa ating buhay.”
Bago tayo makiisa sa Diyos sa anumang paraan, kailangan muna nating solusyonan ang dalawang magkasalungat na bagay. Una, ang bawat isa sa atin ay walang pag-asang makasalanan tulad sa isang taong nasa ilalim ng isang hukay kung saan hindi niya kayang makatakas sa pamamagitan ng sariling kakayahan (Roma 3:12). Ikalawa, walang anuman sa ating mga ginagawa ang katanggap-tanggap sa Makapangyarihang Diyos - hindi ang pagbibigay natin ng tulong sa mahihirap, hindi ang ating pagboboluntaryo sa mga gawain, at hindi ang ating pagdalo sa pananambahan (Isaias 64:6). Sinasabi sa atin ng Kasulatan na upang masolusyonan ang mga problemang ito, kailangan nating kilalanin si Hesu Kristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas at ipagkaloob sa Kanya ang ating mga buhay. Kung mangyari ito, saka pa lamang magiging katanggap-tanggap sa Kanya ang ating mga salita at gawa (2 Corinto 12:9–10). Kaya nga, ang unang susi sa pagkakaroon ng karanasan sa Diyos ay ang “pakikibahagi sa Kanyang kalikasan” (2 Pedro 1:4), at mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo ni Hesus na nabuhos doon sa krus para sa ating mga kasalanan.
Ang ikalawang bahagi ng kahulugan ng “maranasan ang Diyos” ay ang pagkilos Niya sa ating buhay. Ang pagkilos ng Diyos sa kaluluwa ng tao ay gawain ng Banal na Espiritu. Mula pa sa pasimula ng paglikha, “kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig” (Genesis 1:2). Kumikilos din ang Banal na Espiritu sa puso ng mga mananampalataya at aktibong inilalapit sila kay Hesu Kristo. Kinilos tayo ng Diyos at inilapit tayo kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 6:44); kumikilos ang Banal na Espiritu upang usigin tayo sa ating mga kasalanan at ipakita sa atin ang ating pangangailangan ng Tagapagligtas (Juan 16:7–9); at sa puso ng bawat mananampalataya, pinangungunahan Niya sila, ginagabayan, inaaliw at iniimpluwensyahan at nagbubunga Siya sa kanilang mga buhay (Galacia 5:22–23). Bilang karagdagan, kinilos ng Banal na Espiritu ang mga manunulat ng 66 na mga aklat ng Bibliya upang maitala ng eksakto ang Kanyang salita (2 Pedro 1:21), at sa pamamagitan ng Kasulatan, kumikilos Siya sa ating mga puso upang magpatotoo sa ating mga espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos (Roma 8:16).
Ang ikatlong bahagi ng pagkakaroon ng karanasan sa Diyos ay ang nagpapatuloy na proseso ng pagaaral tungkol sa Kanya at buong kagalakan na nagiging pamilyar Siya sa atin na anupa’t nagagalak tayo na ipagkatiwala sa Kanya ang ating mga buhay dahil Siya ay tapat, mabuti, at makatuwiran. Nais niya na lubos tayong magtiwala sa Kanya. Kinapapalooban ito ng pangunawa na ang Diyos ay tapat, mabuti, banal at makatuwiran, hindi nagbabago, walang hanggan, at may ganap na kapamahalaan sa lahat ng mga nagaganap sa mundong ito. Ang isang kasiya-siyang bahagi ng karanasan sa Diyos ay ang karanasan sa sinasabi sa atin ng Bibliya na ang “Diyos ay pag-ibig” (1 Juan 4:8, idinagdag ang diin). Habang nararanasan natin ang Kanyang pag-ibig, ibinabahagi natin sa ibang tao ang ating pag-ibig bilang mga Kristiyano, at sa pamamagitan nito, nagbubunga ito sa atin ng mas malaking pag-ibig para sa mga tao na nakaranas din ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan natin.
Ang susi sa pagkakaroon ng karanasan sa Diyos, ngayon, ay hindi ang pagdanas ng isang makabagbag damdaming “emosyon.” Sa halip, ito ay isang hindi natatapos na proseso ng pagiging kabilang sa pamilya ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, na kinikilos ng Banal na Espiritu na Siyang nagpapabanal at nagpapalago sa ating pagkakilala sa Kanya.
English
Ano ang susi upang tunay na maranasan ang Diyos?