settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na magkaroon ng manhid na budhi?

Sagot


Ang “manhid na budhi” ay binanggit sa 1 Timoteo 4:2, kung saan sinasabi ni Pablo na may mga taong manhid na ang budhi o hindi na nakakaramdam ng paguusig ng budhi tulad sa isang hayop na manhid na sa kalalagay sa kanya ng tatak sa pamamagitan ng bakal na itinubog sa apoy. Para sa mga tao, ang pagkakaroon ng manhid na budhi ay resulta ng patuloy na pagkakasala na hindi humihingi ng kapatawaran sa Diyos. Sa huli, ginagawang manhid ng kasalanan ang budhi ng tao upang hindi na niya makilala kung ano ang mabuti at masama at ang budhi ng hindi nagsisising makasalanan ay hindi na nakikinig sa mga babala ng budhi na ibinigay ng Diyos sa lahat ng tao upang gumabay sa bawat isa sa atin sa tamang moralidad (Roma 2:15).

Sa oras ng kaligtasan, nilinis tayo ng Diyos mula sa ating minanang kasalanan kay Adan maging sa ating mga personal na kasalanan. Ngunit habang namumuhay tayo bilang mga Kristiyano, maaari pa rin tayong magkasala. Sa tuwing tayo’y nagkakasala, pinagkalooban tayo ng probisyon ng Diyos para sa ikalilinis natin sa ating mga kasalanan at ibalik tayo sa ating kalagayan na gaya ng una tayong makaranas ng kaligtasan. “Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid” (1 Juan 1:9). Kung hinahayaan natin ang ating sarili na mahulog sa kasalanan, pinapatay natin ang ningas ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin (1 Tesalonica 5:19). Kung nagpapatuloy tayo sa estado ng pagkakasala ng hindi nagpapahayag ng ating mga kasalanan sa Diyos at magsimula tayong sanayin ang kasalanang iyon sa ating katawan (Santiago 1:15), pinipighati natin ang Banal na Espiritu na hindi natin nararapat gawin (Efeso 4:30). Muli, mayroon tayong pagpipilian: ang ipagtapat at pagsisihan ang ating kasalanan sa Diyos o magpatuloy sa kasalanan at tumalikod sa Diyos. Kung magpapatuloy tayo sa kasalanan, magiging manhid ang ating budhi sa katwiran. Sa huli, darating tayo sa punto na wala na tayong pakiramdam at hindi na tayo matutulungan ng ating budhi upang makilala ang mabuti at masama. Ang higit na malala ay kung dumating na tayo sa punto na hindi na natin alam kung gaano tayo kasama sa paningin ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ni Pablo ng sabihin niya kay Timoteo na ang mga bulaang guro ay “mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi” (1 Timoteo 4:2). Madali nating masasabi na ito ay purong kasamaan. Ang isang mamamatay tao, halimbawa, ay isang taong may manhid na budhi at hindi na ito nakakapagturo sa taong iyon kung ano ang masama at mabuti.

Ang isang Kristiyanong patuloy na nagkakasala sa kabila ng pagdidisiplina ng Diyos ay hindi nawawala ang kaligtasan. Ngunit kukunin na siya ng Diyos at dadalhin na sa langit upang hindi na siya magkasala pa at patuloy na madungisan pa ang pangalan ng Panginoon dahil sa kanyang masamang patotoo. “Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa kanya ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan” (1 Juan 5:16-17). Ang kasalanan ay hindi makakapag-alis ng ating kaligtasan ngunit naaapektuhan nito ang ating relasyon sa Diyos at sa ating kapwa. Dapat tayong maging matalino at umiwas sa pagkakasala kung ayaw nating maging manhid ang ating mga budhi.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na magkaroon ng manhid na budhi?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries