Tanong
Sino ang awtorisado na mangasiwa sa Hapunan ng Panginoon?
Sagot
Sa pangkalahatan, sumasang-ayon ang mga Kristiyano na itinatag ni Cristo ang Hapunan ng Panginoon at dapat na ipagdiwang ng Kanyang mga tagasunod bilang isang ordinansa sa iglesya. Sa iglesya sa Corinto, isinulat ni Pablo ang mga tagubilin tungkol sa Hapunan ng Panginoon (1 Corinto11:23-26). Kalaunan, isinulat ni Pablo kay Timoteo ang mga kwalipikasyon para sa mga tagapanguna ng iglesya, mga obispo/matatanda sa iglesya at mga diyakono (1 Timoteo 3:1-13). Sa orihinal na wika, ang salitang “diyakono” ay nanggaling sa isang pandiwa na nangangahulugang “maglingkod,” na maaaring ang ibig sabihin ay “tagapagsilbi ng pagkain,” pero ginagamit din ito para sa isang malawak na aspeto ng paglilingkod sa iglesya. Dahil sa pakahulugang “tagapagsilbi ng pagkain” sa salitang “diyakono” at ang pagiging sentro ng Hapunan ng Panginoon sa pagsamba sa unang iglesya, may malakas na indikasyon na ang pagsisilbi ng mga elemento sa komunyon ay isang mahalagang gawain para sa mga diyakono.
Mula dito, masasabi natin na ang mga diyakono ang idinisenyo ng Diyos na manguna sa Hapunan ng Panginoon sa unang iglesya; gayunman, walang partikular na ipinakita sa Kasulatan kung paano gagawin ang Hapunan ng Panginoon. Kaya nga, tila sila ang mga nararapat na magbahagi ng mga elemento kung may sapat na bilang ng diyakono sa iglesya na maitatalaga sa ganitong paglilingkod.
Higit na mahalaga kaysa sa mga naglilingkod sa komunyon ay ang saloobin kung paano ibinibigay at tinatanggap ang mga elemento. Sinasabi sa 1 Corinto 11:27 na ang mga tumatanggap ng elemento sa “paraang hindi nararapat” ay nagkakasala laban sa katawan at dugo ni Cristo. Ang “paraang hindi nararapat” ay maaaring nangangahulugang pagtanggap ng mga elemento ng mga hindi kabilang sa katawan ni Cristo o pakikilahok ng walang pakundangan o walang paggalang. Maaari din itong mangahulugan ng paggamit sa seremonya bilang isang kasangkapan upang makuha ang mataas na pagtingin ng kapwa tao. Ibinibigay sa talata 28 ang mga pamantayan sa paglilingkod at pakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon. Pagkatapos, maaari ng maging kaaya-aya sa Diyos ang pakikibahagi sa komunyon.
English
Sino ang awtorisado na mangasiwa sa Hapunan ng Panginoon?