Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pamumuhay kasama ang Diyos?
Sagot
Binabanggit sa Bibliya na may mga taong “namuhay kasama ang Diyos,” Mula kay Enoc sa Genesis 5:24. Si Noe ay inilalarawan din bilang “taong matuwid dahil siya ay nasumpungang malinis sa kanyang kapanahunan, at siya ay namuhay ng tapat sa Diyos” (Genesis 6:9). Mababasa natin sa Mikas 6:8 na binibigyan tayo nito ng sulyap sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa atin: ”Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.” Ipinapahiwatig nito na ang pamumuhay kasama ang Diyos ay hindi isang gawain na para lamang sa ilang pinili. Sapagkat ang nais ng Diyos para sa kanyang mga anak ay mamuhay kasama Siya.
Ano ba ang nangyayari kapag kasama natin ang isang tao? Halimbawa, isipin natin na ikaw at ang iyong matalik na kaibigan ay magkasamang namamasyal sa isang malawak na daan. Kayo ay magkasundo. nagkukuwentuhan, tumatawa, nakikinig at ibinabihagi sa isa't-isa ang nararamdaman. Ang iyong atensyon ay nakatuon lamang sa kanya at halos hindi mo na mapapansin ang anumang bagay. Napapasulyap ka sa ganda ng paligid at may pagkagambala kung minsan subalit ito ay upang ituro sa iyong kasama ang ganda ng paligid na iyong nakikita. Ibinabahagi ninyo ito sa isa't-isa. At kayo ay masaya at nagkakasundo sa inyong mapayapang samahan. Katulad nito ang “pamumuhay kasama ang Diyos. Kapag pumasok tayo sa isang matalik na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang Anak (Hebreo 10:22). Siya na ang nagiging pinakadakilang hangarin ng ating puso. Ang makilala Siya, pakinggan ang tinig Niya, sabihin ang ating damdamin sa Kanya, at ang pagsisikap na parangalan Siya ay ating pinagtutuunan ng pansin. Siya ang lahat sa atin. Ang pakikipagtagpo sa kanya ay hindi lang isang gawaing nakalaan tuwing linggo. Sapagkat tayo ay nabubuhay sa pakikipag ugnayan sa Kanya. Katulad ng sinabi ni A.W. Tozer na ang dapat maging layunin ng bawat Kristiyano ay “mamuhay sa kalagayan ng hindi sirang pagsamba.” At magaganap lamang ito kung tayo ay namumuhay kasama ang Diyos.
Kung paanong ang pamumuhay kasama ang matalik mong kaibigan ay kailangan ng pagsasabi ng “hindi” sa maraming bagay, gayundin naman, kailangan nating itakwil at talikuran ang mga bagay maaaring makagambala sa ating pamumuhay kasama ang Diyos. Kapag nagdala ka ng kazoo at ito ay iyong pinatugtog habang magkasama kayo ng iyong kaibigan, tiyak na na hindi siya matutuwa at hindi magiging kaaya-aya ang inyong pamamasyal sapagkat nakatuon ka sa ibang bagay. Gayundin naman, maraming tao ang gustong mamuhay kasama ang Diyos ngunit taglay nila ang gawi ng pagkahumaling kagaya ng sa kazoo, ang kasalanan, makasanlibutang kasiyahan,at hindi maayos na relasyon. Nalalaman nila na hindi ang mga bagay na ito ang gusto ng Diyos para sa kanila subalit nagkukunwari silang maayos ang lahat. Ang ganung ugnayan ay hindi kasiya-siya sa Diyos at sa kanila. Sapagkat ang pamumuhay na kasama ang Diyos ay nangangahulugang ikaw at ang Diyos ay magkasundo tungkol sa uri ng iyong pamumuhay. “Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang taong hindi nagkakasundo?” (Amos 3:3). Ang pamumuhay kasama ang Diyos ay nangangahulugang naaayon ang kalooban mo sa kalooban ng Panginoon at sinisikap mong makita ang iyong sarili na “napako na sa krus kasama ni Cristo” (Galacia 2:20). Hindi kailangang maging ganap, sapagkat walang matuwid kahit isa (Roma 3:10). Ngunit kailangang ipakita natin na ang ninanais ng ating puso ay ang maparangalan ang Diyos, at nakahanda kang magpabago sa Espiritu upang maging kawangis ng Kanyang Anak (Roma 8:29).
Kapag binabanggit sa Bibliya ang katagang “paglakad,” ito ay kalimitang tumutukoy sa pamumuhay. Maaari ding tumutukoy ito sa ating pamumuhay ayon sa sanlibutan (2 Hari 8:27; Efeso 2:2; Colosas 3:7). Ngunit, sa Bagong Tipan, ang pamumuhay kasama ang Diyos ay madalas nangangahulugang “pamumuhay sa Espiritu” (Galacia 5:16; Roma 8:4). Ang mamuhay kasama ang Diyos ay nangangahulugang pinipili nating luwalhatiin ang Diyos ng ating buong kaya, anuman ang personal na kapalit nito. at ito ay tiyak na mayroong kapalit. Ang pamumuhay kasama ang Diyos ay nangangahulugan din na hindi tayo maaaring makipamuhay sa mga masasama (Awit 1:1-3). Kailangan nating piliin ang makipot kaysa maluwang na daan patungo sa kapahamakan (Mateo 7:13-14). Hindi na tayo namumuhay upang pagbigyan ang makasalanang pagnanasa ng laman (Roma 13:14). Sinisikap nating alisin sa ating buhay ang mga bagay na hindi makapagpapalago ng ating pamumuhay kasama Siya (Hebreo 12:2). Literal nating isinasabuhay ang sinasabi sa 1 Corinto 10:31 na: “Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.” Makikita sa ating kaisipan, kilos,at mga pagpapasya sa buhay ang kalooban ng Diyos sapagkat nabibigay tayo ng maraming panahon para sa Kanya.
Hindi mahirap makilala ang mga taong namumuhay kasama ang Diyos dahil ang kanilang buhay ay maliwanag na kasalungat ng nasa paligid nila, katulad ng bituin sa gabi (Filipos 2:15). Makikita sa kanila ang bunga ng Espiritu (Galacia 5:22-23) sa halip na ang bunga ng pagnanasang makalaman (Galacia 5:19-21). Mababasa natin sa Gawa 4:13 na sina Pedro at Juan ay hinuli at dinala sa mga pinuno dahil sa kanilang pangangaral. “Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito.” Kaya't sadyang mapapansin ng mundo kapag tayo ay namumuhay kasama ang Diyos, at sa kabila ng ating mga kapintasan at kakulangan ng kaalaman sa ibang mga aspeto ay kasama natin si Jesus.
English
Ano ang ibig sabihin ng pamumuhay kasama ang Diyos?