settings icon
share icon
Tanong

Paano ko makikilala ang isang malusog na iglesya?

Sagot


Itinatag ng Diyos ang iglesya upang maging pangunahing kasangkapan sa pagganap ng Kanyang mga layunin sa mundo. Ang iglesya ang katawan ni Cristo—ang puso, mga kamay, mga paa, at ang tinig ng Diyos sa pag-abot sa mga tao sa mundo. Makikita sa iba’t ibang hugis at laki ang malusog na iglesya. Habang ang dami ng bilang ng miyembro ay maaaring maging isang tanda ng kalusugan ng isang iglesya (Gawa 2:47; 5:14; 16:5), hindi ito garantiya ng kalusugan ng isang iglesya. Ang kalusugan ng isang iglesya ay nasusukat sa espiritwal at biblikal na pamantayan sa halip na sa numero.

Habang walang kahit isang kongregasyon o denominasyon ang perpekto, nagpapakita ang Bibliya ng ilang katangian para tulungan tayo na malaman kung ang isang iglesya ay nagtataglay ng mga katangiang ayon sa pamantayan ng Diyos:

Ang isang malusog na iglesya ay nagtuturo ng tamang doktrina na ayon sa buong layunin ng Salita ng Diyos (Tito 1:9; 2:1; 1 Timoteo 6:3–4; 2 Timoteo 2:2). Sa tuwing nagsasama-sama ang mga mananampalataya sa sama-samang pagsamba at maliliit na grupo ng pagaaral sa Bibliya, ang Bibliya ang dapat na maging sentro ng pagtuturo. Ang tapat na interpretasyon at araw araw na pagsasapamuhay ng tamang doktrina ayon sa Bibliya ay magbubunga ng isang kaaya-ayang pamumuhay Kristiyano (1 Timoteo 1:10; 4:6; 2 Timoteo 3:15–17). Ang pagiging sentro ng mga katotohanan ng Kasulatan ang nagpapanatili ng kalusugan ng lokal na iglesya gayundin ng pamunuan nito (2 Timoteo 1:13–14; Tito 1:6–9). At kung pinahahalagahan ng una sa lahat ang mga biblikal na katotohanan, at itinuturo ng walang pakikipagkompromiso ang tamang doktrina, ang lahat ng ibang mga katangian ng isang malusog na iglesya ay natural na susunod.

Ang isang malusog na iglesya ay kumikilala sa mga biblikal na kwalipikasyon ng mga tagapangunang espiritwal. Halimbawa, ang isang makadiyos na tagapanguna ay hindi mapagmataas, hindi magagalitin, marahas, sakim, o mapanlinlang. Sa halip, sila ay dapat na magaling makisama, matalino, matuwid, makatarungan, disiplinado at tapat (Tito 1:6–9; 1 Timoteo 3:1–7).

Ang isang malusog na iglesya ay makakalikha ng mga tagapanguna na sumusunod sa halimbawa ni Jesu Cristo na Siyang ulo ng iglesya (Efeso 1:22–23; 4:15; 5:23 Colosas 1:18). Nanguna si Jesus sa pamamagitan ng pagiging lingkod (Mateo 20:25–28; Juan 13:12–17). Ginugol din ni Jesus ang malaking bahagi ng Kanyang tatlong taon ng pagmiministeryo sa malapit na pakikitungo sa labindalawang alagad, sa pagtuturo at pagsasanay sa kanila, at sa pagiging modelo nila sa pamumuhay. Ang mabubuting tagapanguna ay pumipili at nagsasanay ng ibang mga tagapanguna (Gawa 6:1–7).

Ang mga biblikal na tagapanguna ay mabubuting katiwala ng ministeryo at ng mga tinatangkilik na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos (1 Corinto 4:1–3; 9:17; 1 Pedro 4:10). Habang hindi natin dapat asahan na maging perpekto ang mga tagapanguna ng isang malusog na iglesya, nararapat na sila’y maging mga lingkod na tagapanguna na nakikilahok sa pagsasanay ng mga alagad, paghahanda sa mga mananampalataya para sa ministeryo at sa pagtulong sa ibang mga lingkod na maging malago sa pananampalataya at maging mga makadiyos na tagapanguna (Efeso 4:11–16).

Binibigyang diin ng isang malusog na iglesya ang pagdidisipulo na namumunga ng mga tapat na tagasunod na muli ay hindi perpekto ngunit nakikilala at iniibig ang Diyos at nagnanais na sumunod sa Kanyang salita (Juan 8:31–32; 14:15; 1 Juan 2:3–6). Kasama sa pagdidisipulo ang pakikilahok sa buhay ng iglesya na nagtatatag ng tunay na relasyon sa ibang mga mananampalataya (Gawa 2:42–47; 1 Corinto 10:17), na nagsasanay ng mga kaloob sa ministeryo at paglilingkod (Roma 12:4–8; 1 Corinto 12:7), lumalago sa kabanalan (1 Thesalonica 4:3–4; 5:23), at namumunga (Juan 15:5–8).

Ginagampanan ng isang malusog na iglesya ang bahagi nito sa pagsunod sa Dakilang Utos (Mateo 28:19–20) ng pangangaral ng mabuting balita na si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan, nabuhay na mag-uli, at ngayon ay naghahari upang magalok ng kapatawaran ng mga kasalanan, ng bagong buhay sa Espiritu, at ng buhay na walang hanggan sa lahat ng magsisisi at sasampalataya. Kinapapalooban ang pangangaral ng Ebanghelyo ng pagkakaroon ng lokal at pangmundong pangmimisyon at ng simpleng paagbabahagi ng Ebanghelyo sa ating kapwa tao sa araw araw ng ating mga buhay. Bilang mga kinatawan ni Cristo dito sa mundo, tinawag ang mga mananampalataya upang maging “parang alingasaw na nakamamatay sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, ay halimuyak na nagdudulot ng buhay” (2 Corinto 2:15–16).

Ang iba pang mga tanda ng isang malusog na iglesya ay maoobserbahan sa bagong umuusbong na iglesya sa aklat ng mga Gawa (Gawa 2:42–47). Ang unang iglesya ay nakatalaga sa doktrina ng Bibliya, nagtitipon para sa pananalangin, pagsamba at sa komunyon. Ang mga unang mananampalatayang ito ay masigasig na itinalaga ang kanilang mga sarili para sa isa’t isa na gumagawa ng isang mapagmahal at mapagbigay na kapaligiran kung saan ang mga miyembro ay nagmamalasakit sa bawat isa. Ang isang malusog na iglesya sa kasalukuyan ay magpapakita din ng parehong kasigasigan sa pamumuhay Kristiyano at nakikilahok sa mga layunin at gawain ng kaharian ng Diyos dito sa mundo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko makikilala ang isang malusog na iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries