Tanong
Paano ako magkakaroon ng malinis na konsensya?
Sagot
Maaaring gawing pakahulugan sa salitang konsensya ang “isang panloob na pakiramdam na nagsisilbing gabay ng isang patungkol sa kasamaan o kabutihan ng isang gawa o paguugali.” Sa maka-Bibliyang pananaw, ang konsensya ay ang bahagi ng kaluluwa ng tao na pinaka-kawangis ng Diyos (Genesis 3:22). Mahirap na ipaliwanag ng mga hindi naniniwala sa Diyos ang pagkakaroon ng konsensya ng tao. Hindi kayang ipaliwanag ng ebolusyon ang sangkap na ito ng espiritu ng tao, at hindi kayang ipaliwanag sa pamamagitan ng pananaw na “matira ang matibay” (survival of the fittest).
Nagising ang konsensya ng tao ng suwayin nina Adan at Eba ang utos ng Diyos at kumain sila ng bunga ng puno na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama (Genesis 3:6). Bago ang pangyayaring ito, pawang mabuti lamang ang kanilang nalalaman. Ang salitang “nakilala” sa Genesis 3:5 ay ang parehong salita na ginamit sa Bibliya upang ilawaran ang isang sekswal na ugnayan (Genesis 4:17; 1 Samuel 1:19). Kung pinipili natin na “kilalanin” ang masama sa pamamagitan ng ating karanasan, sinasalungat natin ang ating konsensya at nakakaranas tayo ng paguusig ng budhi. Kilalanin man natin o hindi ang Diyos, nilikha Niya tayo upang makipag-ugnayan sa Kanya bilang ating Manlilikha. Kung gumagawa tayo ng mali, nararamdaman natin na sumasalungat tayo sa layunin ng paglikha Niya sa atin at nakakadama tayo ng paguusig ng budhi.
Ang Diyos ang sinuway ng mga unang taong nilikha na sina Adan at Eba; ngunit ang Diyos din mismo ang nagkaloob ng solusyon sa pagsuway nila sa kanilang konsensya. Pumatay ang Diyos ng isang inosenteng hayop upang takpan ang kanilang kahubaran (Genesis 3:21). Ito ay isang paglalarawan ng plano ng Diyos na pagtatakip sa kasalanan ng sangkatauhan.
Sinubukan ng mga tao ang iba’t ibang paraan upang maging malinis ang kanilang konsensya, mula sa pagkakawang-gawa hanggang sa pananakit sa sarili. Punong-puno ang kasaysayan ng mga halimbawa sa pagtatangka ng tao na pakalmahin at payapain ang kanilang konsensya, ngunit hindi sila nagtagumpay. Kaya bumaling sila sa ibang mga pamamaraan upang pigilan ang panloob na maliit na tinig na nagsasabi sa kanila na sila ay nararapat sa paghatol. Ang pagkagumon sa iba’t ibang bisyo, imoralidad, karahasan at pagiging gahaman ay nakaugat sa tuwina sa matabang lupa ng isang makasalanang konsensya na pinaguusig ng budhi.
Gayunman, dahil ang lahat ng kasalanan ay ginawa laban sa Diyos, tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang maglinis sa makasalanang budhi. Gaya ng Kanyang ginawa sa Hardin ng Eden, pinagkalooban Niya tayo ng pantakip sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng isang buhay na perpekto at walang dungis (Exodo 12:5; Levitico 9:3; 1 Pedro 1:18–19). Ipinadala ng Diyos sa sanlibutan ang Kanyang sariling Anak na si Hesus upang Siyang maging ganap at perpektong handog para sa kasalanan ng sanlibutan (Juan 3:16; 1 Juan 2:2). Nang magtungo si Hesus sa krus, kinuha Niya sa Kanyang sarili ang bawat kasalanang ating nagawa sa ating buong buhay. Kinuha ng Diyos ang bawat konsensyang ating nilabag, ang bawat makasalanang pagiisip at bawat masamang gawa at ibinigay Niya ang mga iyon sa Kanya upang pagdusahan at pagbayaran (1 Pedro 2:24). Ang lahat ng makatuwirang poot ng Diyos para sa ating mga kasalanan ay Kanyang ibinuhos sa Kanyang sariling Anak (Isaias 53:6; Juan 3:36). Gaya ng kung paanong ang isang inosenteng hayop ay pinatay ng Diyos upang takpan ang kasalanan ni Adan, gayundin naman ang perpektong Anak ng Diyos ay pinatay para sa ating mga kasalanan. Ang Diyos mismo ang nagpasya upang ipagkasundo Niya tayo sa Kanyang sarili at ipagkaloob sa atin ang Kanyang kapatawaran.
Magkakaroon tayo ng malinis na konsensya kung ating dadalhin sa paanan ng krus ang ating mga kasalanan, kabiguan, at ang ating walang patutunguhang pagtatangka na bigyang kasiyahan ang Diyos. Ang pagtubos ni Kristo ang nagpatawad sa ating mga kasalanan at luminis sa ating budhi (Hebreo 10:22). Inaamin natin ang ating kawalang kakayahan na linisin ang ating sariling puso at hinihiling natin sa Kanya na gawin ito para sa atin. Pinagtitiwalaan natin na sapat na ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesu Kristo upang bayaran ang ating mga pagkakautang sa Diyos. Kung tinatanggap natin ang pagbabayad ni Hesus para sa ating mga personal na kasalanan laban sa Diyos, ipinangako sa atin ng Diyos na ilalayo Niya sa atin ang ating mga kasalanan “kung gaano kalayo ang agwat ng Silangan sa Kanluran” (Awit 103:12; Hebreo 8:12).
Dahil kay Kristo, pinalaya na tayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Pinalaya tayo upang gumawa ng katuwiran at kabanalan at maging mga lalaki at babae ng Diyos na gaya ng inaasahan sa atin ng Diyos (Roma 6:18). Bilang mga tagasunod ni Kristo, nagkakasala pa rin naman tayo paminsan-minsan. Ngunit sa kabila nito, ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang mga paraan upang maging malinis ang ating budhi. Sinasabi sa 1 Juan 1:9, “Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.” Sa tuwina, laging kaakibat ng kapahayagan ng ating mga pagkakasala sa Diyos ang pakikipag-ayos sa mga taong ating nagawan ng kasalanan. Maaari nating isagawa ang hakbang na ito sa mga taong ating nasaktan, dahil nalalaman natin na pinatawad na tayo ng Diyos.
Mananatiling malinis ang ating budhi habang nagpapatuloy tayo sa pagtatapat ng ating mga kasalanan sa Diyos at pinagtitiwalaan ang kasapatan ng dugo ni Kristo upang ipagkasundo tayo sa Diyos. Nagpapatuloy tayo sa “paghahanap sa kaharian at katuwiran ng Diyos” (Mateo 6:33). Nagtitiwala tayo na sa kabila ng ating mga pagkukulang, nasisiyahan sa atin ang Diyos at sa Kanyang gawain ng patuloy na pagbabago sa ating buhay (Filipos 2:13; Roma 8:29). Sinabi ni Hesus,”Kayo'y tunay na malaya kapag pinalaya kayo ng Anak” (Juan 8:36). Nabubuhay tayo ng may malinis na budhi sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga kasalanan at paghingi ng tawad sa Diyos sa tuwing makagagawa tayo ng kasalanan. Mapapagkatiwalaan natin ang Kanyang mga pangako na “kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?” (Roma 8:31).
English
Paano ako magkakaroon ng malinis na konsensya?