settings icon
share icon
Tanong

Paano ako magkakaroon ng malapit na relasyon sa Diyos?

Sagot


Ang paghahangad ng isang mas malapit na kaugnayan sa Diyos ay isang kapuri-puring layunin at sumasalamin sa puso ng isang taong tunay na isinilang na muli, dahil sila lamang ang nagnanais na magkaroon ng mas malapit na kaugnayan sa Diyos. Dapat din nating maunawaan na sa buhay na ito, hindi natin lubos na makakamit ang pinakamalapit na kaugnayan sa Diyos na kagaya ng ating magiging kaugnayan sa Kanya sa ating paguwi sa ating tahanan sa langit. Ang dahilan nito ay ang presensya ng kasalanan sa ating mga buhay. Hindi ito kakulangan para sa Diyos kundi para sa atin. Nananatiling hadlang ang ating mga kasalanan para sa isang ganap at kumpletong pakikisama sa Diyos na magaganap lamang sa sandaling tayo ay luwalhatiin na ng Diyos.

Maging si Apostol Pablo na nagkaroon ng malapit na relasyon sa Diyos na maaaring higit sa kaninumang nabubuhay ngayon ay umasam pa rin ng isang higit na malapit na relasyon sa Diyos: “Oo, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Cristo, at lubos na makiisa sa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya. Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa kanyang mga hirap, at matulad sa kanya---pati sa kanyang kamatayan” (Filipos 3:8-9). Anuman ang kalagayan ng ating paglakad kasama ni Kristo, maaari pa rin tayong magkaroon ng mas malapit na kaugnayan sa Kanya, at kahit nasa langit na tayo, mayroon tayo ng walang hanggan upang lumago sa ating pakikipagrelasyon sa Kanya.

May limang pangunahing bagay na maaari nating gawin upang magkaroon ng mas malapit na relasyon sa Diyos.

Ang unang bagay na ating magagawa upang mas mapalapit sa Diyos ay ang pagkakaroon ng araw-araw na pagtatapat sa Kanya ng ating mga kasalanan. Kung kasalanan ang hadlang sa ating relasyon sa Diyos, ang pagtatapat sa Kanya ng ating mga kasalanan at pagsisisi sa mga iyon ang magaalis ng hadlang. Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan sa Diyos at hihingi tayo sa Kanya ng tawad, ipinangako Niya ang kapatawaran (1 Juan 1:9), at ang Kanyang kapatawaran ang magpapanumbalik ng ating relasyon sa Kanya. Dapat nating tandaan na ang pagsisisi ay hind lamang simpleng pagsasabi na “nagsisisi ako sa aking mga kasalanan.” Ito ay buong pusong pagkalungkot sa ating kasalanan na nauunawaan na ang ating kasalanan ay pagsalangsang sa isang banal na Diyos. Ito ay ang pagsisisi ng isang tao na nauunawaan na ang kanyang mga kasalanan ang dahilan ng pagkapako ni Hesus sa krus. Ito ang isinisigaw ng Publikano sa Lukas 18, “O Diyos mahabag ka sa akin na isang makasalanan!” Gaya ng isinulat ni Haring David, “Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat” (Awit 51:17).

Ang ikalawang bagay na ating magagawa upang magkaroon ng mas malapit na relasyon sa Diyos ay ang pakikinig sa Kanyang sinasabi sa atin. Marami ngayon ang naghahabol sa mga hindi pangkaraniwang karanasan ng pagkarinig sa tinig ng Diyos ngunit sinabi sa atin ni Apostol Pedro, “At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong sinusundan” (2 Pedro 1:19). Ang panatag na salita ng hulang ito ay ang Bibliya. Sa pamamagitan ng Bibliya, maaari nating “marinig” ang tinig ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga kasulatang “hiningahan” ng Diyos, tayo magiging “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan” (2 Timoteo 3:16-17). Kaya kung nais nating magkaroon ng mas malapit na kaugnayan sa Diyos, dapat tayong regular na magbasa ng Kanyang Salita. Sa pagbabasa ng Kanyang salita, “nakikinig” tayo sa sinasabi ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu na Siyang nagpapaliwanag sa atin ng Kanyang mga sinasabi.

Ang ikatlong bagay na ating magagawa upang magkaroon ng mas malapit na relasyon sa Diyos ay ang magpaabot sa Kanya ng ating mga niloloob sa pamamagitan ng panalangin. Kung ang pagbabasa ng Bibliya ang pakikinig sa sinasabi gn Diyos, ang panalangin naman ang pagpapaabot ng ating mga saloobin sa Diyos. Ang mga Ebanghelyo ay naglalaman ng paglayo ni Hesus sa karamihan upang makipagugnayan sa Kanyang Ama sa pamamgitan ng panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang paghingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ikunsidera natin ang modelong panalangin na ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga alagad sa Mateo 6:9-13. Ang unang tatlong bahagi ng panalanging ito ay nakasentro sa Diyos (sambahin ang Kanyang pangalan, dumating ang Kanyang kaharian at masunod ang Kanyang kalooban). Ang huling tatlong bahagi ay ang mga kahilingan pagkatapos nating banggitin ang unang tatlong bahagi, (bigyan tayo ng ating kakainin, patawarin sa ating mga kasalanan, at iiwas tayo sa tukso). Ang isa pang bagay na magagawa natin upang manumbalik ang ating init sa pananalangin ay ang pagbabasa sa aklat ng Awit. Sa Aklat ng Awit, makikita natin ang mga halimbawa ng pagsamba, pagsisisi, pasasalamat at paghingi na maaari nating gawing modelo sa ating sariling panalangin.

Ang ikaapat na bagay na ating magagawa upang magkaroon ng mas malapit na relasyon sa Diyos ay ang humanap ng isang grupo ng mananampalataya na regular na nagtitipon para sa pagsamba. Ito ay kinakailangan para sa ating paglagong espiritwal. Madalas na sumasamba tayo sa Diyos ngunit ang nasa isip natin habang nasa loob ng bahay sambahan ay “paano ako makakalabas dito?” Bihira tayong naglalaan ng panahon upang ihanda ang ating puso at isip sa pagsamba. Muli, ipinakikita sa atin ng Aklat ng Awit ang maraming halimbawa ng pagtawag sa atin ng Diyos na lumapit sa Kanya at sumamba (halimbawa, ang Awit 95:1-2). Inaanyayahan tayo ng Diyos at inuutusan na lumapit sa Kanyang presensya para sa pagsamba. Paanong hindi tayo lalapit sa Kanya bilang Kanyang mga Anak? Hindi lamang tayo binibigyan ng pagkakataon ng regular na pagsamba sa pagpupuri sa Diyos kundi binibigyan din tayo nito ng pagkakataon na makisama sa ating mga kapatid sa Panginoon. Sa ating pagpunta sa bahay sambahan para sa pagsamba at pakikisama sa aitng mga kapatid sa pananampalataya, lumalago tayo sa ating pakikipagugnayan sa Diyos.

Panghuli, ang isang mas malapit na kaugnayan sa Diyos ay natatatag sa isang buhay ng pagsunod sa Diyos. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad habang nagsasalu-salo sila sa huling hapunan, “kung iniibig ninyo Ako, tutuparin ninyo ang Aking mga utos” (Juan 14:23). Sinabi sa atin ni Santiago na ipasakop natin ang ating mga sarili sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod, paglaban sa Diyablo at paglapit sa Diyos at sa gayon, lalapit Siya sa atin (Santiago 4:7-8). Sinabi sa atin ni Pablo sa aklat ng Roma na ang ating pagsunod ay tulad sa isang “buhay na handog” ng pasasalmat sa Diyos (Roma 12:1). Dapat nating tandaan na ang lahat ng mga katuruan ng Bibliya tungkol sa pagsunod ay ipinahayag bilang tugon natin sa biyaya ng kaligtasan na ating tinanggap sa Diyos. Hindi natin kayang bayaran ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng ating pagsunod; sa halip, ito ay isang pamamaraan upang ating ipakita ang ating pag-ibig at pasasalamat sa Diyos.

Kaya nga, sa pamamagitan ng paghingi ng tawad, pagaaral ng Salita ng Diyos, pananalangin, regular na pagsamba at pagsunod, maaari tayong magkaroon ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos. Masasabing simple lamang ang mga bagay na ito ngunit isaalang alang natin ito: paano tayo nagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa ating kapwa tao? Gumugugol tayo ng panahon sa pakikipag-usap sa kanila, ibinubukas natin ang ating puso sa kanila at nakikinig sa kanila. Kinikilala natin ang ating pagkakasala at humihingi tayo sa kanila ng kapatawaran. Maayos natin silang pinakikisamahan at isinasakripisyo natin ang ating sariling kagustuhan para sa kanilang pangangailangan. Hindi ito malayong halimbawa sa ating pakikipagrelasyon sa ating Ama sa langit.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako magkakaroon ng malapit na relasyon sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries