settings icon
share icon
Tanong

Paano ko malalaman kung ang isang bagay ay kasalanan?

Sagot


May dalawang kategorya upang malaman kung ang isang bagay ay kasalanan. Una ay ang mga gawain na hayagang tinutukoy sa Bibliya bilang kasalanan at ikalawa ay ang mga gawain na hindi hayagang tinukoy sa Bibliya. Ilan sa mga talata sa Bibliya na hayagang tumutukoy sa mga makasalanang gawain ay matatagpuan sa Kawikaan 6:16-19, Galatia 5:19-21, at 1 Corinto 6:9-10. Ang mga talatang ito ay malinaw na nagsasaad ng mga makasalanang gawain tulad ng pagpatay, pangangalunya, pagsisinungaling, at marami pang gawain na hindi nagbibigay kaluguran sa Diyos. Ang mga gawang ito ay malinaw na binanggit sa Bibliya bilang kasalanan. Sa kabilang dako, paano malalaman kung ang mga gawain ay masama o hindi gayong hindi naman hayagang binanggit sa Bibliya na ito ay kasalanan? Kung hindi binanggit ng Bibliya ang isang usapin o isyu, may ilang mga paraan ayon na rin sa Bibliya upang ito ay masuri.

Una, kung walang talata sa Bibliya na tumutukoy sa isang usapin o isyu, mas nararapat na ating itanong kung iyon ba ay magdudulot ng kabutihan kaysa sa tanong na kung ito ba ay magdudulot ng kasamaan. Halimbawa, sabi sa Bibliya, "mamuhay kayong may karunungan sa kanila na mga nasa labas at samantalahin ninyo ang panahon" (Colosas 4:5). Ang pansamantala nating pananatili dito sa sanlibutan ay pawang maikli lamang kung itutumbas natin sa walang hanggan kaya nararapat na hindi natin sasayangin ang nalalabing panahon sa mga makasariling gawain, bagkus ito'y “maging kagamit-gamit sa ikatitibay upang ito ay makapagbigay biyaya sa nakikinig” (Efeso 4:29).

Masusuri natin kung mabuti ang isang bagay kung alam natin sa ating puso na ito ay isang bagay na pagpapalain ng Diyos sa ikasusulong ng Kanyang mabuti at banal na layunin. "Kaya nga, kung kakain kayo, o iinom o anumang gagawin ninyo, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos" (1 Corinto 10:31). Subalit kung sa tingin natin na ang isang bagay ay hindi magbibigay kaluguran sa Diyos, marapat lamang na ito ay ating iwasan. "Ang lahat ng bagay na hindi sa pananampalataya ay kasalanan" (Roma 14:23). Kailangan nating malaman na ang ating katawan at kaluluwa ay tinubos at pag-aari na ng ating Diyos. “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng Banal na Espiritu na nasa inyo? Ang inyong katawan ay mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili. Ito ay sapagkat binili kayo sa halaga. Luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at espiritu. Ang inyong katawan at espiritu ay sa Diyos” (1 Corinto 6:19-20). Sa mga katotohanang ito dapat namumuhay sa isip at gawa ang isang tunay na mananampalataya.

Bilang karagdagan, kailangan nating suriin ang ating mga kilos hindi lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, kundi sa mga bagay na may kaugnayan din naman sa ating pamilya, mga mahal sa buhay, mga kaibigan at sa mga tao na ating nakakahalubilo. Maging ang isang bagay na sa atin ay tila hindi masama, kung ito naman ay may masamang maidudulot sa iba, ito ay kasalanan din naman. “Higit na mabuti ang hindi kumain ng laman, o uminom ng alak, o gumawa ng anumang bagay na makakatisod, o makakapagdulot ng pagdaramdam o makakapagpahina sa iyong kapatid.” Tayong malalakas ay dapat magbata ng mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi upang bigyan ng kaluguran ang ating mga sarili" (Roma 14:21; 15:1).

Lagi nating tatandaan na si Hesu Kristo ay Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, at walang anumang bagay na mas mahalaga sa buhay na ito kundi ang mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Walang pag-uugali o hangarin o mga pang araw-araw na gawain ang siyang dapat na maghahari sa ating buhay, kundi si Kristo lamang ang may ganap na kapangyarihan bilang Panginoon at tagapanguna ng ating buhay. Gawin nating gabay ang mga Salita ng Diyos sa ating pamumuhay upang makatiyak tayo na katotohanan lamang at tanging ang mga nakakalugod lamang sa Kanya ang ating mga gagawin. “Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ng bagay ay maaari kong gawin ngunit hindi ako magpapasakop sa kapamahalaan sa mga bagay na ito” (1 Corinto 6:12). "Anuman ang inyong gawin sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus na may pagpapasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya" (Colosas 3:17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko malalaman kung ang isang bagay ay kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries