Tanong
Ano ang makasalanang kalikasan?
Sagot
Ang makasalanang kalikasan ang likas na katangian ng tao na siyang dahilan ng kanyang pagiging palaban at rebelde sa Diyos. Kung pinaguusapan ang makasalanang kalikasan, tinutukoy natin ang katotohanan na mayroon tayong likas na pagkahilig sa kasalanan; at kung papipiliin tayo kung ano ang ating susundin sa pagitan ng kalooban ng Diyos at ng ating sariling kalooban, natural na pipiliin natin ang ating sariling kalooban.
Napakarami ng katibayan para sa makasalanang kalikasan. Walang sinumang magulang ang nagturo sa kanyang anak na magsinungaling o maging makasarili; sa halip ginagawa natin ang lahat upang turuan ang ating mga anak na magsabi ng katotohanan at unahin ang kapakanan ng iba. Natural na gumagawa ang tao ng kasalanan. Ang mga balita ay puno ng kalunos-lunos na halimbawa ng kasamaan ng tao. Saanman naroon ang tao, sino man at ano man siya, naroon din ang kasalanan at kaguluhan. Sinabi ni Charles Spurgeon, "Kung paanong ang alat ang nagbibigay lasa sa bawat patak ng tubig sa karagatang Atlantiko, gayon naapektuhan ng kasalanan ang bawat hibla ng ating katauhan. Nakalulungkot na narito ito sa ating pagkatao, napakarami nito, at kung hindi mo ito nalalaman, ikaw ay nalilinlang."
Ipinaliwanag ng Bibliya ang dahilan ng problemang ito. Makasalanan ang sangkatauhan, hindi lamang sa teorya o sa realidad kundi sa kalikasan. Ang kasalanan ay bahagi ng bawat hibla ng ating pagkatao. Tinutukoy sa Bibliya ang tungkol sa "makasalanang laman" sa Roma 8:3. Ito ang ating "makalupang kalikasan" na nagbubunga sa listahan ng mga kasalanan sa Colosas 3:5. Tinutukoy sa Roma 6:6 ang "katawan na pinamamahalaan ng kasalanan." Ang ating pagiral sa laman at dugo sa mundong ito ay hinuhubog ng ating makasalanan at maruming kalikasan.
Ang makasalanang kalikasan ay sumasalahat ng tao. Lahat tayo ay may makasalanang kalikasan at nakakaapekto ito sa bawat bahagi ng ating buhay at pagkatao. Ito ang doktrina ng "total depravity" o ganap na kasamaan ng tao, at ito ay naaayon sa Bibliya. Lahat tayo ay "nangaligaw" (Isaias 53:6). Inamin ni Pablo, "nguni't ako'y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan" (Roma 7:14). Idinagdag pa niya, "Kaya nga tunay kong ipinaglilingkod ang aking pagiisip, sa kautusan ng Dios; datapuwa't ang laman ay sa kautusan ng kasalanan" (Roma 7:25). Sinabi ni Solomon: "Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti, at hindi nagkakasala" (Mangangaral 7:20). Maaaring si Apostol Juan ang pinakadirekta ang paliwanag sa doktrinang ito: "Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin" (1 Juan 1:8).
Ang mga bata ay may makasalanang kalikasan. Ikinalungkot ni David ang katotohanan na isinilang siya na may taglay na makasalanang kalikasan: "Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina" (Awit 51:5). Sinabi din ni David sa isa pa niyang sulat, "Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata: sila'y naliligaw pagkapanganak sa kanila, na nagsasalita ng mga kasinungalingan" (Awit 58:3).
Saan nanggaling atng ating makasalanang kalikasang ito? Sinasabi ng Kasulatan na nilikha ang tao na mabuti at walang makasalanang kalikasan: "At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae" (Genesis 1:27). Gayunman, itinala sa Genesis 3 ang pagsuway nina Adan at Eba. Dahil sa isang aksyong iyon ng pagsuway, pumasok ang kasalanan sa kanilang kalikasan. Agad silang pinagusig ng budhi, at nakaranas ng pagkahiya at kawalang karapatan sa paglapit sa Diyos at nagtago sila mula sa presensya ng Diyos (Genesis 3:8). Nang magkaanak sila, ipinasa ni Adan ang kanyang larawan at wangis sa kanyang mga anak at inapo (Genesis 5:3). Nahayag ang makasalanang kalikasan sa kanyang talaan ng angkan: at ang una nilang anak na si Cain ang naging kauna-unahang mamamatay tao (Genesis 4:8).
Mula sa sali't saling lahi, ipinasa ang makasalanang kalikasan sa buong sangkatauhan: "Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala" (Roma 5:12). Ang talata ding ito ang nagpapahayag sa nakalulungkot na katotohanan na kamatayan ang kabayaran ng kasalanan (tingnan din ang Roma 6:23 at Efeso 2:1).
Ang iba pang konsekwensya ng kasalanan ay pagtanggi sa Diyos at kamangmangan sa katotohanan. Sinabi ni Apostol Pablo, "Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipag-alit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari: At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios" (Roma 8:7–8). Gayundin naman, "Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu" (1 Corinto 2:14).
Mayroon lamang iisang tao sa kasaysayan ng mundo na hindi nagkaroon ng makasalanang kalikasan: si Hesu Kristo. Ang kanyang pagsilang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang dahilan ng Kanyang pagpasok sa mundo na hindi nasalinan ng sumpa ng Diyos mula kay Adan. Pagkatapos, namuhay si Hesus ng isang banal na buhay at hindi nadungisan ng kasalanan kailanman. Siya ang "Makatatuwirang Banal ng Diyos" (Gawa 3:14) na "hindi nagkasala" (2 Corinto 5:21). Ito ang nagbigay daan upang Siya ang maging perpektong handog at karapatdapat na panghalili para sa ating mga makasalanan; "ang kordero ng Diyos na walang bahid dungis at kapintasan" (1 Pedro 1:19). Ipinahayag ni John Calvin ang perspektibong ito: "Tiyak na higit na makapangyarihan ang pagliligtas ni Kristo kaysa sa pangwawasak ni Adan."
Sa pamamagitan ni Hesu Kristo kaya tayo isinilang na muli. "Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga" (Juan 3:6). Nang isilang tayo mula kay Adan, minana natin ang kanyang makasalanang kalikasan; ngunit ng isilang tayong muli kay Kristo, nagmana tayo ng bagong kalikasan: "Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago!" (2 Corinto 5:17).
Hindi sa atin nawala ang makasalanang kalikasan ng tanggapin natin si Kristo. Sinasabi ng Bibliya na nananatili sa atin ang kasalanan at nakikipagbaka tayo sa ating lumang kalikasan habang nabubuhay tayo dito sa mundo. Itinangis ni Pablo ang kanyang personal na pakikibaka laban sa kasalanan sa Roma 7:15–25. Ngunit tinutulungan tayo ng Diyos sa ating pakikibaka laban sa ating makasalanang kalikasan. Nananahan sa bawat mananampalataya ang Banal na Espiritu at Siya ang nagbibigay sa kanila ng lakas at kapangyarihan na kinakailangan upang mapagtagumpayan ang paghila ng kasalanan sa kanilang kaloob-looban. "Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala, sapagka't ang kaniyang binhi ay nananahan sa kaniya: at siya'y hindi maaaring magkasala, sapagka't siya'y ipinanganak ng Dios" (1 Juan 3:9). Ang ganap na plano ng Diyos para sa atin ay kumpletong kabanalan sa oras na makita natin si Kristo ng mukhaan (1 Tesalonica 3:13; 1 Juan 3:2).
Sa pamamagitan ng Kanyang natapos na gawain sa krus, pinawi ni Hesus ang poot ng Diyos laban sa kasalanan at nagkaloob sa mga mananampalataya ng tagumpay laban sa kanilang makasalanang kalikasan: "Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo" (1 Pedro 2:24). Sa Kanyang muling pagkabuhay, nagaalok si Hesus sa bawat isa ng buhay na may ganap na kalayaan mula sa makasalanang laman. Iniutos sa lahat ng mga isinilang na muli: "Ibilang ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, nguni't mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus" (Roma 6:11).
English
Ano ang makasalanang kalikasan?