Tanong
Paano ko maiwawaksi ang mahalay na pag-iisip?
Sagot
Ang pita ng laman ay kahit na anong masidhing pagnanasa; ang makasalanang pagnanasa ay isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos. Ang masasamang pag-iisip ay nagbubunga ng mahalay na mga aksyon, at ang pagnanasa na isinasakatuparan ay laging humahantong sa pagkawasak. Ninasa ni Eva ang masarap na bunga mula sa isang puno na sinabi ng Diyos, “Huwag kang kakain mula roon” (Genesis 2:16–17). Ang kanyang pagkain at pagbibigay sa kanyang asawa ay nagbukas ng pinto para sa kasalanan upang makapasok sa perpektong mundo ng Diyos. Si David ay nagnasa kay Bathsheba, na asawa ng ibang lalaki, at ng isakatuparan niya ang pagnanasang iyon, humantong iyon sa pagpatay at pagkamatay ng kanyang sanggol na anak bilang bahagi ng paghatol ng Diyos (2 Samuel 11:2–4, 14–15; 12:13). –14). Ang masasamang kilos ay nagsisimula sa mahalay na pag-iisip, kaya mahalagang iwaksi natin ang gayong mga pag-iisip sa sandaling dumating sila.
Upang maalis ang mahalay na pag-iisip, kailangan muna nating tukuyin ang ating mga lugar ng pinakamalaking tukso. Ang pagnanasa ay hindi palaging sekswal sa kalikasan. Ang kasakiman ay pagnanasa sa pera o kapangyarihan. Ang inggit ay pagnanasa sa kasikatan o posisyong hawak ng ibang tao. Ang pag-iimbot ay pagnanasa sa anumang bagay na wala tayo. Ang pagnanasa ay nagsisimula sa isang pag-iisip. Bagama't hindi tayo mananagot sa bawat pag-iisip na pumapasok sa ating mga isipan, tayo ay may pananagutan sa kung ano ang ginagawa natin sa mga kaisipang iyon.
Isinasalaysay sa Ikalawang Samuel 13 ang kalunos-lunos na kuwento ng mahalay na pag-iisip na naging masasamang gawa. Ang anak ni Haring David na si Amnon ay nahumaling sa kaniyang kapatid sa ama na si Tamar. Dahil hindi niya iwinaksi ang mahalay na pag-iisip, nilamon siya ng mga ito hanggang sa gawin niya ang kasuklam-suklam na panggagahasa sa kanya. Matapos maisakatuparan ang kanyang pagnanasa, hindi na niya pinansin ang nangyari kay Tamar, at itinuring niya ito na parang isang basura (talata 15). Ang pagnanasa ay para lamang sa pagbibigay-kasiyahan sa mga paghihimok nito; wala itong pakialam sa mga taong masasaktan nito. Ang isang mahalay na pag-iisip ay dapat ituring na isang kaaway bago nito sakupin ang ating buhay.
Kapag pinapanatili natin ang isang kaisipang alam nating hindi nakalulugod sa Diyos, mabilis itong maging makasalanang pagnanasa. Ang pagnanais ay lumalaki hanggang sa ito ay lumikha ng kawalang-kasiyahan sa ating kasalukuyang sitwasyon. Ang pagnanasa ay nagbibigay sa atin ng paniniwala na ang kaligayahan at kasiyahan ay imposible malibang makuha natin ang gusto natin. Inilalarawan ng Santiago 1:13–15 ang pag-unlad mula sa mahalay na pag-iisip tungo sa mahalay na pagkilos: “Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan”.
Maaalis natin ang mahalay na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapalit sa mga ito ng mga kaisipang “karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang” (Filipos 4:8). Dapat nating “bihagin ang bawat pag-iisip upang matutong sumunod kay Cristo” (2 Corinto 10:5). Dapat tayong magsisi sa pagiisip ng mahalay at hilingin sa Panginoon na tulungan tayo na maibaling sa ibang bagay ang ating pagiisip.
Kung ang masasamang pag-iisip na sinusubukan nating alisin ay may kinalaman sa ibang tao, maaari nating pigilan ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ng paggawa ng mga kaisipang iyon sa mga panalangin para sa kapakanan ng ibang tao. Sa pagdadala sa taong iyon sa harapan ng Panginoon, pinapahina natin ang kapangyarihan ng pagnanasa na tumanggi sa kanya. Dapat nating kilalanin ang halaga ng bawat tao bilang isang nilikha ng Diyos at tandaan na ang Diyos ay may mas mataas na mga plano para sa kanya na hindi tayo kasama. Kapag naipagkasundo natin ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos, natututo tayong tingnan ang taong iyon na kagaya ng Kanyang pagtingin, hindi gaya ng ating pagnanasa.
Ang pagtigil sa mahalay na pag-iisip ay nangangailangan din ng pagsasala ng impormasyong pinahihintulutan nating pumasok sa ating isipan sa pamamagitan ng ating mga pandama. Ang ating mga iniisip ay kadalasang bunga ng ating nakita, narinig, nahawakan, at natikman. Sa pamamagitan ng pagkontrol sa kung ano ang pinahihintulutan natin, maaari nating lubos na mabawasan ang materyal na magagamit sa ating isipan para samantalahin ng pagnanasa. Kung ang mga malalaswang larawan ay natatak sa ating isipan sa pamamagitan ng makasalanang panonood, maaari nating hilingin sa Panginoon na palitan ang mga larawang iyon sa paglipas ng panahon. Sa pamamagitan ng pagtanggi na tumingin sa mga bagay na nag-uudyok ng pagnanasa, pagsala sa musika o wika na lumilikha ng mga mahalay na pag-iisip, at pag-alis ng mga masalimuot na alaala sa ating sistema, maaari nating patayin ang masasamang pag-iisip hanggang sa wala na silang magagawa pa.
Ang pagsasaulo at pagbubulay-bulay sa Banal na Kasulatan ay isa ring mabuting paraan upang maiwasan ang mahalay na pag-iisip at mabago ang ating isipan gaya ng itinuturo sa atin ng Roma 12:1–2. Ang patuloy na pagpapatugtog ng musika sa pagsamba sa ating mga tainga ay magtutuon sa ating isipan sa mabuti, dalisay, at maganda. Ang buhay ng isang Kristiyano ay isang buhay ng patuloy na pagsuko. Habang araw-araw nating isinusuko ang ating mga sarili sa pagka-Panginoon ni Kristo, tinutulungan Niya na baguhin ang isang buhay ng makasalanang pag-iisip tungo sa buhay na sumusunod sa Kanya. Ang mahalay na pag-iisip ay sumasalakay sa ating lahat paminsan-minsan, ngunit ang pagsasanay ng kapangyarihan sa mga ito, pagtanggi dito bago ito mag-ugat, at paghingi ng tulong sa Diyos ay makapagbibigay sa atin ng tagumpay.
English
Paano ko maiwawaksi ang mahalay na pag-iisip?