Tanong
Nagkasala ako. Kailangan ko bang magpabautismo muli?
Sagot
Ang tanong kung dapat bang bautismuhang muli ang isang taong nagkasala ay pagkaraniwan na. Una, mahalagang maunawaan natin kung ano ba ang kahulugan ng bautismo. Ang bautismo ay hindi nakapaglilinis ng ating mga kasalanan. Ito ay isang simpleng paglalarawan lamang ng nagaganap sa buhay ng isang mananampalataya sa sandaling sumampalataya siya kay Jesu-Cristo. Inilalarawan din ng bautismo ang pakikipag isa ng mananampalataya kay Cristo, sa Kanyang kamatayan, paglibing, at muling pagkabuhay. Itinuturo sa atin ng Roma 6: 3-4 na, “Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.” Ang paglubog sa tubig ay larawan ng paglibing kasama ni Cristo. At ang pag ahon mula rito ay naglalarawan ng muling pagkabuhay ni Cristo at ng pagkakakilanlan natin sa Kanya sa pamamagitan ng pagbangon sa atin upang “mamuhay bilang isang binago” (Roma 6:4).
Mahalaga ang bautismo, sapagkat ito ay isang hakbang natin sa pagsunod--at pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya at pagtatalaga kay Cristo. Ito rin ay pagkakilanlan natin sa kamatayan, paglibing, at muling pagkabuhay ni Cristo. Ibig sabihin, hindi na natin kailangang mabautismuhang muli kung kilala natin si Jesu-Cristo bilang Tagapagligtas at kung nauunawaan natin ang kahulugan ng bautismo nung tayo ay bautismuhan. Ngunit kailangang maulit ang pagbautismo, kung hindi mo pa kilala si Jesus noong ikaw ay binautismuhan. At kailangan pa rin tayong bautismuhang muli kahit kilala na natin si Jesus bilang Tagapagligtas subalit hindi naman natin nauunawaan ang kahulugan ng bautismo. Gayunman, ito ay may kinalaman sa budhing namamagitan sa mananampalataya at sa Diyos.
Mahalagang maunawaan din na maaari pa ring maka gawa ng kasalanan ang isang mananampalataya, bagaman inaasahan natin na ito ay unti-unting mababawasan habang tayo ay patuloy na lumalago kay Cristo. at ang paggawa ng kasalanan ay kailanganang mabawasan habang tayo ay nabubuhay. Ngunit kapag tayo ay nagkasala, ipagtapat natin ito sa Diyos, hilingin natin na tayo ay patawarin at ibalik ang Kanyang matalik na kaugnayan sa atin. Sapagkat taglay natin ang pangako na “kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid” (1 Juan 1:9). Kaugnay ng mga katotohanang ito, wala tayong mababasa saan mang bahagi ng Bibliya na kailangan nating mabautismuhang muli upang mapatawad ang ating kasalan.
English
Nagkasala ako. Kailangan ko bang magpabautismo muli?