settings icon
share icon
Tanong

Paano ako magiging isang pastor? Paano ako magiging isang ministro?

Sagot


May ilang mga denominasyon na nagtatakda ng mga partikular na pagsasanay at mga sertipiko para maging isang pastor ang isang tao. Sa mga kasong ito, karaniwang ang pastor ay nagtatrabaho para sa kanilang denominasyon at direktang naguulat sa kanila. Ang ibang mga iglesya/simbahan ay “independent” at karaniwang pumipili ng isang pastor sa pahintulot ng kongregasyon o ng ibang lokal na tagapamahala. Ang artikulong ito ay sumasagot sa pangkalahatang biblikal at praktikal na mga kwalipikasyon para maging isang pastor na kinikilala na ang ibang partikular na iglesya/simbahan o denominasyon ay may mga karagdagang kwalipikasyon. Ipinagpapalagay din ng artikulong ito na ang indibidwal na nagnanais na maging isang pastor ay isang tao na lumapit kay Cristo sa pananampalataya at lumalago sa kanyang pananampalataya sa kanyang araw-araw na espiritwal na pamumuhay. Ang pagiging isang ministro/pastor na nakalaan ang buong panahon sa pagmiministeryo ay hindi simpleng isang trabaho na gaya ng maraming oportunidad sa trabaho na maaring piliin ayon sa maraming kundisyon gaya ng laki ng sweldo, seguridad, at iba pa. Ang maging isang biblikal na pastor o ministro ay nangangailangan ng araw-araw na pagtitiwala sa Panginoon at pagbubuhos ng buhay sa ibang tao. Kung nais ng isang tao na maging pastor, ang pagpapastor ay nangangailangan ng pagtatalaga at pagsusuko ng maraming bagay pero ito ay kasiya-siya at maraming gantimpala din naman.

Sa nakalipas, at maaaring sa ilang grupo sa ngayon, mayroong diin sa “pagkatawag” na nangangahulugan na ang isang tao ay dapat na nakatanggap ng isang espesyal na pagtawag mula sa Diyos para maging isang pastor. Sa esensya at sa ibang pagkakataon ito rin ay totoo. Gayunman, hindi kinakailangan para sa isang tao na magkaroon ng espesyal o natatanging karanasan kung saan siya ay “tinawag” ng Diyos para sa ministeryo. Kung nais ng isang tao na maging isang pastor, dapat niyang paghirapan ito: “Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain” (1 Timoteo 3:1). Pinapalakas ng Bibliya ang loob ng isang isang taong nagnanais na maging pastor at ginagarantiyahan na ito ay isang mabuting gawain at susuportahan siya ng mga taong kanyang pinaglilingkuran sa kasalukuyan. Kung tinatawag ka ng Diyos para magpastor, magbubukas siya ng maraming pintuan para sa ministeryo. Gayunman, ang motibo ng isang tao para sa pagnanais na maging pastor ay dapat na laging ang kaluwalhatian ng Diyos at ang ikabubuti ng iba. Ang isang taong pumapasok sa ministeryo para sa pera, kapangyarihan, at impuwensya o reputasyon ay naghahanap sa mga maling bagay.

Narito ang ilang mga praktikal na hakbang para maging isang pastor o ministro:

1. Samantalahin ang mga oportunidad sa ministeryo kung saan ka naroroon ngayon. Ang salitang pastor ay nag-ugat sa ideya ng pagpapastol sa kawan ng Diyos na kinapapalooban ng pagpapakain sa kanila ng espiritwal na pagkain at pagprotekta sa kanila sa mga espiritwal na panganib gaya ng isang pastol na pinoprotektahan at pinakakain ang kanyang mga tupa. Ang salitang minister o ministro ay nagmula sa ideya ng paglilingkod at pagbibigay ng mga pangangailangan. Sa pangkalahatang ideya, ang bawat mananampalataya ay dapat na maging isang pastor o ministro para sa ibang tao, sa bahay, sa school, at sa simbahan/iglesya. Ang sinasadyang paglilingkod sa mga tao na ating nakakasalamuha sa araw-araw ay isang nakapagandang pagsasanay para maging isang pastor o ministro. Ang bawat nagnanais na maging pastor/ministro ay dapat na unang samantalahin ang mga oportunidad sa paglilingkod na ibinibigay sa kanya ng Panginoon sa araw-araw, bago maghanap ng mas maraming oportunidad.

2. Buong-buong pumasok sa buhay ng isang iglesya/simbahan na sumasang-ayon sa Bibliya. Mas nakararaming iglesya/simbahan ang may daan-daang mga bagay na kinakailangang gawin at napakaraming tao na dapat katagpuin ang mga pangangailangan. Ang pagboboluntaryo sa isang lokal na igelsya/simbahan ay isang napakagandang paraan para sa isang indibidwal na sumubok ng iba’t ibang uri ng paglilingkod at tuklasin kung saan siya magaling, kung ano ang kanyang kaloob, at kung anong gawain ang nagbibigay sa kanya ng kasiyahan. Magbibigay din ito sa isang nagnanais na maging pastor ng oportunidad para sa maraming “on-the-job trainings.” Ang sinumang nagnanais na maging isang ministro/pastor ay dapat na may mahabang kasaysayan bilang isang boluntaryo sa isang ministeryo sa lokal na iglesya/simbahan. Ang karanasan at pananagutan na nagmumula sa ganitong uri ng paglilingkod ay hindi matatawaran.

3. Maging magaaral ng Salita ng Diyos. Ang bawat Kristiyano ay dapat na maging magaaral ng Salita ng Diyos. Ngunit, bilang isang pastor, ang pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos (sa harap ng buong kongregasyon, o sa isang maliit na grupo ng pagaaral ng Bibliya, o sa isang tao) ay ang kanyang unang prayoridad (tingnan ang 2 Timoteo 4:2). Kaya nga, dapat na maging eskperto ang pastor sa Salita ng Diyos.

Dapat malaman ng isang doktor na nagoopera sa utak ang lahat ng teknik sa kanyang ginagawa. Dapat na magaral ang isang abogado ng maraming taon at pumasa sa eksaminasyon bago hayaang tumanggap ng mga kliyente. Ang isang elektrisyan ay dapat na magtrabaho sa ilalim ng pamamahala ng isang makaranasang elektrisyan sa loob ng maraming taon bago siya hayaang magtrabaho ng mag-isa. Sa bawat isa sa mga propesyong ito, ang buhay, kaligtasan, at kalayaan ay maaaring malagay sa panganib. Ang ginagawa ng isang pastor ay higit na mahalaga—ito ay para sa mga walang hanggang kaluluwa! Higit sa anumang bagay, dapat na alam ng pastor ang nilalaman ng Bibliya at alam kung paano ito ituturo ng tama. Dapat din niyang ilapat ang Bibliya sa kanyang pagtuturo at ipahayag ang katotohanan ng Diyos sa isang epektibong pamamaraan.

Sa maraming bansa, ang mga nagnanais na maging pastor walang pagkakatoan para sa pormal na edukasyon. Gayunman, sa ibang mga bansa, napakarami ng mga kolehiyo ng Bibliya at mga seminaryo. Kung may mga paaralan ng Bibliya sa isang lugar, ang sinumang nagnanais na maging isang ministro ay dapat na makibahagi sa ganitong edukasyon. Dapat na kasama sa paghahanda ang pagaaral ng Bibliya at teolohiya gayundin ang pagaaral ng mga praktikal na aspeto ng ministeryo gaya ng pangangasiwa sa iglesya/simbahan. Kahit na ganap ng isang pastor, dapat pa rin siyang magpatuloy sa masigasig na pagaaral ng Salita ng Diyos.

Sa ibang mga grupo, hindi gaanong pinahahalagahan ang pormal na edukasyon, sa halip ay “nagtitiwala lamang sa Espiritu.” Ito ay isang pagkakamali. Tamang sinabi ng isang kilalang pastor na mas nagaaral ka ng Salita ng Diyos, mas gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyong ministeryo. Ang edukasyon ay hindi panghalili sa pagtitiwala sa Espiritu, at ang pagtitiwala sa Espiritu ay hindi panghalili sa edukasyon. Pareho silang mahalaga.

Habang nagaaral sa isang paaralan ng Bibliya bilang paghahanda sa ministeryo, hindi dapat pabayaan ng magaaral ang una at ikalawang hakbang sa itaas.

4. Magtaglay ng mga Biblikal na kwalipikasyon. Ipinapakita sa 1 Timoteo 3:1–7 at Tito 1:5–8 ang mga biblikal na kwalipikasyon para sa mga pastor (na tinatawag ding mga matatanda o tagapangasiwa). Binibigyang diin ng mga kwalipikasyong ito ang kalaguan sa espiritwal at sa karunungan sa pakikitungo sa mga tao at sa pagkontrol sa sariling paguugali. Ang isa sa mga partikular na kwalipikasyon ay dapat na ang mga pastor/matatanda o tagapangasiwa ay mga lalaki, hindi babae. Siyempre, maraming ibang posisyon sa ministeryo para sa mga babae kabilang ang ministeryo para sa mga bata at kababaihan. Maaari ding magkaroon ng susing posisyon sa ministeryo ang mga babae sa ibang organisasyong Kristiyano.

Kung ang isang tao ay nagnanais na maging isang pastor o ministro ay naghahanda sa pamamagitan ng masigasig at malalimang pagaaral ng Salita, nagtataglay ng mga biblikal na kwalipikasyon, at lumalago sa kanyang pananampalataya, at ginagamit ang lahat ng oportunidad sa pamamagitan ng lokal na iglesya, darating ang mas marami pang oportunidad sa paglilingkod o pagmiministeryo. Maaari silang dumating sa pamamagitan ng isang anunsyo ng isang lokal na iglesya na naghahanap ng isang pastor o sa isang mas natural na paraan o oportunidad sa ministeryo na magbibigay daan sa isang mas malaking oportunidad at responsibilidad ng paglilingkod.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako magiging isang pastor? Paano ako magiging isang ministro?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries