settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga na maggugol ng panahon na mag-isa kasama ang Diyos?

Sagot


Kailangan ang paglalaan ng panahon sa lahat ng relasyon. Habang kakaiba ang relasyon sa Diyos sa maraming kaparaanan sa lahat ng iba pang uri ng relasyon, katulad din ito ng pamantayan ng iba pang relasyon. Puno ang Bibliya ng paghahalintulad ng relasyon natin sa Diyos sa ating relasyon sa ibang tao upang tulungan tayo na maunawaan ang ating relasyon sa Diyos. Halimbawa, inilarawan si Hesus bilang lalaking ikakasal, at inilarawan naman ang iglesya bilang babaeng ikakasal. Ang pagaasawa ay pagiging isa ng dalawang buhay (Genesis 2:24). Ang ganitong malapit na kaugnayan sa isa’t isa ay nangangailangan ng paglalaan ng panahon upang makasama ang isa’t isa. Ang isa pang halimbawa ng relasyon ay ang relasyon ng ama sa anak. Ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng anak at magulang ay lumalago kung naglalaan sila ng panahon na kasama ang isa’t isa. Ang paglalaan ng panahon na kasama ang mga mahal sa buhay ay nagbibigay ng oportunidad na makilala ang bawa’t isa. Ganoon din ang paglalaan ng panahon na kasama ang Diyos. Kung nagiisa tayo at kasama ang Diyos, mas napapapalapit tayo sa Kanya at mas nakikilala natin Siya sa isang paraan na hindi kagaya ng may kasama tayong iba.

Ninanais ng Diyos ang oras na kasama natin Siya. Nais Niya ang isang personal na relasyon sa atin. Nilikha Niya tayo bilang mga indibidwal na Kanyang “hinugis” sa sinapupunan ng ating ina (Awit 139:13). Nalalaman ng Diyos ang lahat ng mga maliliit na detalye ng ating mga buhay, gaya ng alam Niya ang bilang ng ating mga buhok (Lukas 12:7). Kilala Niya ang bawat maya at sinabi Niya na “higit kayong mahalaga kaysa sa mga maya” (Mateo 10:29, 31). Inaanyahahan Niya tayo na lumapit sa Kanya at kilalanin Siya (Isaias 1:18; Pahayag 22:17; Awit ni Solomon 4:8). Kung nagnanais tayo na makilala ng personal ang Diyos, hahanapin natin Siya (Awit 63:1) at maggugugol tayo ng panahon na kasama Siya. Magiging tulad tayo ni Maria na umupo sa paanan ni Hesus at nakinig sa Kanyang tinig (Lukas 10:39). Kung magugutom at mauuhaw tayo sa katuwiran, bubusugin Niya tayo (Mateo 5:6).

Maaaring ang pinakamagandang dahilan sa paglalaan ng panahon na kasama ang Diyos ay ang pagsunod sa mga halimbawa sa Bibliya. Sa Lumang Tipan, mababasa natin na tinawag ng Diyos ang mga propeta na lumapit sa Kanya ng mag-isa. Kinatagpo ng Diyos si Moises sa nagliliyab na puno at pagkatapos ay sa bundok ng Sinai. Si David, na ang mga nilikhang awit ay nagpapakita ng kanyang pagiging pamilyar sa Diyos, ay nakipagniig sa Diyos habang tumatakas kay Saul (Awit 57). Dumaan kay Elias ang presensya ng Diyos habang nasa loob ng isang kuweba. Sa Bagong Tipan, gumugol si Hesus ng panahon na mag-isang nakikipagniig sa Diyos (Mateo 14:13; Markos 1:35; 6:45-46; 14:32-34; Lukas 4:42; 5:16; 6:12; 9:18; Juan 6:15). Aktwal na tinuruan tayo ni Hesus na manalangin sa Diyos ng mag-isa: “Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim” (Mateo 6:6a).

Upang makapagtiwala kay Hesus bilang ating puno (Juan 15:1-8), kailangan na direkta at personal tayong nakaugnay sa Kanya. Gaya ng isang sanga na direktang nakaugnay sa puno, at sa pamamagitan ng puno ay nakaugnay din naman sa ibang mga sanga, direkta din naman tayong nakaugnay kay Kristo at dahil dito nakabahagi tayo sa isang komunidad. Naggugugol tayo ng panahon na mag-isa kasama ang Diyos at sa ating sama-samang pagsamba para sa ating mabisang paglago sa ating kaugnayan sa Diyos. Kung hindi tayo maglalaan ng panahon na kasama ang Diyos, hindi matutugunan ang ating espiritwal na pangangailangan at hindi natin tunay na mararanasan ang isang “masaganang buhay” na Kanyang ibinibigay.

Ang paggugol ng panahon na kasama ang Diyos ang papawi ng mga kabagabagan at kaabalahan sa ating isipan upang maituon natin ang ating atensyon sa Kanya at mapagnilay-nilayan natin ang Kanyang Salita. Sa ating pakikipagniig sa Kanya, mararanasan natin ang isang malapit na relasyon kung saan Niya tayo tinatawag upang patuloy natin Siyang makilala.

Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga na maggugol ng panahon na mag-isa kasama ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries