Tanong
Paano ako magiging isang mabuting Kristiyano?
Sagot
Hindi ba maganda na magkaroon ng isang listahan para maging pamantayan ng isang Kristiyano? O ng isang resipe para magbigay ng alituntunin na ating susundan para matiyak na tayo ay mabubuting Kristiyano? Tunay na kakaunti lamang sa buhay na ito ang ganito ang pamantayan. Ang totoo, maging ang mga resipe sa pagkain na eksaktong sinusunod ay hindi laging nagiging maganda ang kinalalabasan. Hindi nila napapansin ang epekto ng klima sa pagkain, ang kaunting pagkakaiba sa mga sangkap, pagkakaiba sa init ng lutuan, at iba pang mga dahilan. At ang sarap ay nakasalalay sa panlasa ng kumakain. Kaya ano ba ang resipe para maging isang mabuting Kristiyano?
Maraming nagsasabi na para maging mabuting Kristiyano, dapat na nagbabasa ng Bibliya araw-araw, nananalangin ng kahit dalawang beses isang araw, nag-iikapu, sumusuporta sa isang misyonero, nangangaral ng ebanghelyo at mga gawaing katulad nito. Ang mga ito ay magagandang gawain para sa mga Kristiyano pero hindi ito ang pamantayan sa pamumuhay Kristiyano.
Ang isang Kristiyano ay isang taong naging bagong nilalang kay Cristo (2 Corinto 5:17) at pinanumbalik sa relasyon sa Diyos. Ang buhay Kristiyano ay tungkol sa pagkakilala sa Diyos, pagkakaroon ng kasiyahan sa Kanya, at pagluwalhati sa Kanya (Isaias 43:7; 2 Corinto 3:18; Juan 17:1–5, 22).Totoo na kung kilala nntin ang Diyos, natural na magkakaroon ito ng resulta sa ating mga gawa. Sinabi ni Jesus, “kaibigan ko kayo kung sinusunod ninyo ang Aking iniuutos” (Juan 15:14). Pero bago Niya ito sabihin, sinabi Niya, “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko. Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan” (Juan 15:1–11). Ang pagsunod—ang pagsasapamuhay ng Salita ng Diyos ng “mabuting Kristiyano”— ay dumadaloy mula sa isang relasyon ng pag-ibig. At ang pagsunod ay tumutulong sa atin para manatili sa pag-ibig ng Diyos at sa gayon ay maranasan ang kagalakan.
Ang pagiging isang “mabuting Kristiyano” ay hindi tungkol sa paggawa ng ilang aksyon. Ito ay tungkol sa pag-ibig kay Cristo at sa pagpapaubaya sa Banal na Espiritu na baguhin ang ating mga puso at buhay. Si Jesus ang may akda at nagpapaging ganap sa ating pananampalataya (Hebreo 12:2), ang sumulat at tagatikim ng resipe para sa ating mga buhay. Habang naghahangad tayo na kilalanin at luwalhatiin ang Diyos, nararanasan din natin ang Kanyang kasiyahan (Awit 73:25—26). Nakikilala ng isang mabuting Kristiyano ang Diyos, nasisiyahan siya sa Kanya at lumalago siya sa biyaya.
English
Paano ako magiging isang mabuting Kristiyano?