settings icon
share icon
Tanong

Paano ako mabubuhay para sa Diyos?

Sagot


Binigyan tayo ng Diyos ng malinaw na katuruan sa kanyang Salita kung paano mabubuhay ng para sa Kanya. Kasama sa mga katuruang ito ang utos na umibig sa isa’t isa (Juan 13:34-35), ang tawag sa pagsunod sa Kanya kapalit ng ating mga pansariling kagustuhan (Mateo 16:24), ang pagmamalasakit sa mga mahihirap at nangangailangan (Santiago 1:27), at ang babala na huwag gumawa ng mga makasalanang gawain gaya ng ginagawa ng mga hindi nakakakilala sa Diyos (1 Tesalonica 5:6-8). Binuod ni Hesus ang isang buhay na ipinamumuhay para sa Diyos ng tanungin Siya ng isang guro ng kautusan kung ano ang pinakamahalagang utos. Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos---siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.' Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito” (Markos 12:29-31).

Ang panalangin nI Hesus bago Siya ipako sa krus ang nagbibigay liwanag sa layunin ng ating buhay. Patungkol sa mga mananampalataya, nanalangin Siya, “Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila'y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayon, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila'y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin. “Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama'y sumakanila” (Juan 17:22-26). Ninanais ni Hesus para sa atin ang pakikipagrelasyon sa Kanya.

Sinasabi sa katekismo ng Westminster Confessions, “Ang buong layunin ng buhay ng tao ay luwalhatiin ang Diyos at masiyahan sa Kanya magpakailanman.” Ang isang buhay na ipinamumuhay para sa Diyos ay lumuluwalhati sa Diyos. Dapat na ibigin natin ang Diyos ng ating buong pagkatao - puso, kaluluwa, isip, at lakas. Nananatili tayo kay Kristo (Juan 15:4, 8) at sa gayon ay namumuhay na gaya Niya sa pamamagitan ng pag-ibig sa iba. Sa pamamagitan nito, nagbibigay tayo ng kaluwalhatian sa Kanyang pangalan at gayundin din naman, nasisiyahan tayo sa pakikipagrelasyon sa Kanya na siyang dahilan kung bakit tayo nilikha ng ating Diyos Ama.

Ang mga nagnanais na mabuhay para sa Diyos ay dapat na hanapin Siya sa Kanyang mga salita. Dapat nating hingin ang paggabay ng Banal na Espiritu upang mailapat sa ating buhay ang Kanyang mga salita. Ang pamumuhay para kay Kristo ay nangangahulugan na isusuko natin ang ating mga sarili at ninanasa ang Diyos ng higit sa lahat. Habang lumalapit tayo sa Diyos at mas nakikikilala natin Siya, ang Kanyang naisin ay normal na ating nagiging naisin din naman. Habang lumalago tayo sa ating pananampalataya, lumalalim din ang ating pagnanais na sundin ang Kanyang mga utos. Gaya ng sinabi ni Hesus, “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako mabubuhay para sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries